Isang Mabait na Lalaki ang Naka-kwentuhan ng Babae Habang Naghihintay ng Bus sa Madilim na Probinsya, Nakakaiyak Pala ang Sikreto Nito

Mag-iisang taon na ang nakalipas nang bitiwan ni Karylle ang trabaho niya bilang call center agent sa Makati. Naisip niyang panahon na siguro para tuparin niya naman kung ano ang talagang nais niya- ang maging writer.

Bata pa man siya ay hilig niya na talaga ito at dito maligaya ang puso niya. Napakaraming humadlang dahil sabi nga nila, wala raw pera sa pagiging manunulat. Pwera nalang kung may backer ka, siguro ay mabibigyan ka ng pagkakataon.

Gayunpaman, nilakasan niya ang loob at sinubukan. Di bale nang magutom, basta pagdating ng panahon ay di niya masasabing hindi niya sinubukan.

Buti nalang, ma-swerte siyang nakapasok sa isang kumpanya na nagpa-publish ng maiiksing kwento. Ang kailangan niya lang ay magsulat ng mga kwentong nakakapukaw ng interes ng mambabasa, pwedeng misteryo, drama, siya na ang bahala basta pumatok.

Kaya heto siya ngayon, byahe na papunta sa isang probinsya. Nabasa niya kasi sa internet na may matandang babaeng palaging nakatulala sa tapat ng bahay nito at hinihintay umuwi ang anak, si Niki, na matagal nang patay. Kukunan niya ng statement ang matandang babae at gagawan niya ng magandang kwento. Tiyak niyang magugustuhan iyon ng mga reader niya, napakahilig ng mga tao sa true stories.

Hapon na siya nakaalis sa bahay nila kaya inabot na siya ng dilim.

“Miss, dito na po.” sabi ng kondoktor.

“Ha? Hindi ba kayo didiretso sa Baryo Masangkay kuya?” gulat na tanong niya.

Advertisement

“Hindi na ho eh. Garahe na kami madam. Dito nalang ho kayo sa waiting shed, may mga nadaang bus dito papunta roon. Medyo malayo pa ho kasi kung lalakarin nyo, tsaka, masukal ho,” paliwanag nito. Walang nagawa si Karylle kung hindi ang bumaba ng bus.

Nakaramdam pa siya ng kaunting kilabot dahil napakadilim ng paligid at wala nang ibang tao. Tumayo siya sa waiting shed na kinakalawang na ang bakal, patay sindi pa ang malabong bumbilya.

“Pupunta ka rin sa Baryo Masangkay?”

Napapitlag siya nang marinig ang boses ng isang lalaki. Nang lingunin niya ito ay nakita niyang papalapit ito sa kanya, halos ka-edad niya lang.

Napahakbang naman paatras si Karylle. Pero pinilit niya pa ring ngumiti, ayaw niyang pakitaan ito ng hindi maganda dahil baka kung ano ang gawin sa kanya. Wala siyang kalaban-laban kung sakali.

“Relax ka lang. Hindi ako masamang tao,” sabi ulit nito tapos ay ngumiti. Tinanguan niya lang naman ang lalaki.

Hindi siya nagsasalita at kinuha nalang ang cellphone niya pero pag minamalas ka nga naman, na-lowbat pa.

“Uy, lowbat kana. Maski naman may baterya pa ang phone mo, wala rin namang signal rito. Kakainis nga eh. Pero mababait naman ang mga tao rito, at ang saya pag fiesta. Ito nga lang, medyo mahirap sumakay pag inabot ka ng hatinggabi,” kwento nito.

Advertisement

Siguro ay 30 minuto ang nakalipas, medyo napanatag na rin ang loob ni Karylle sa lalaki na ang pangalan pala ay Isko. Hindi naman kasi ito nagtangkang hawakan siya o ano pa man, naisip niyang blessing in disguise na rin dahil nabawasan kahit paano ang takot niya ngayong may kausap na siya.

“Isko, s-sandali lang ha. Gumana ang powerbank ko, pupunta lang ako banda roon para i-try tawagan ang ate ko. Pag may dumaan na bus makiki-para mo na at tawagin mo ako ha?” pakiusap niya.

“Sige lang,” nakangiting sabi ng binata.

Buti nalang ay nadala niya ang powerbank, nakapag-charge nang kaunti ang cellphone niya. Lumayo siya nang kaunti sa binata at naghanap ng signal, nang idina-dial niya na ang numero ng ate niya ay may dumaang bus. Kita niyang kinawayan iyon ni Isko pero hindi naman huminto.

“Pambihira! Bakit hindi tumigil?!” humihingal na sabi niya dahil tumakbo siya pabalik para makikaway rin sana pero di niya na naabutan.

“Ewan ko nga rin, baka pa-garahe na.” malungkot na sagot ng binata.

Isang oras pa ang hinintay nila nang sa wakas ay may tumigil rin na bus. Dali-dali silang sumakay, dahil sa pagod sa byahe ay agad na hinila ng antok si Karylle. Nang maalimpungatan siya ay nagtatawag na ang kondoktor, narito na siya sa Baryo Masangkay.

Bago siya bumaba ay kinalabit niya si Isko na nakatanaw sa bintana, “Huy, tara na. Dito ka rin diba?” yaya niya.

Advertisement

Umiling lang ito.

“Miss, bababa ka ba o ano? Ang tagal ah!” sigaw ng driver.

Nagtataka man ay tinanguan niya ang binata at naglakad na pababa ng bus pero bago siya tuluyang makalayo ay tinawag siya ni Isko.

“K-Kung makikita mo ang nanay ko, pakisabi mong mahal ko siya ha? At ayos na ako kung ayos siya.. ilang taon na rin..” sabi nito. Magtatanong pa siya pero nagdabog na ang driver kaya bumaba nalang si Karylle.

Ano kaya iyon? Paano niya naman malalaman kung sino ang nanay ni Isko? Baka mapagkamalan pa siyang may toyo. Bukas niya na siguro iisipin, ang problema niya ngayon ay ang matutuluyan. Dahil inabot siya ng gabi ay wala nang masyadong tao, halata namang walang hotel rito.

Naglakad lakad siya sa paligid at minasdan ang mga kubong sarado. Napaka-payapa ng pamumuhay. Kahit siguro maglatag siya ng kapirasong tela dito sa labas ay sigurado siyang hindi siya mapapaano.

Napatigil siya nang mahagip ng paningin ang isang aleng nakatanaw sa malayo. Nakikilala niya ang matanda, ito ang pakay niya rito.

Kahit pala gabi ay hinihintay nito ang anak na si Niki, siguro ay napakasakit ng pinagdaraanan ng ginang dahil panay ang tulo ng luha nito.

Advertisement

Naisip ni Karylle na magandang pagkakataon na ito para kumuha ng istorya, tahimik at makakapag-focus siya. Para bukas ay uuwi nalang siya.

“M-Ma’am?” nag aalangang tawag niya rito. Nilingon siya ng ale.

Nagtatanong ang mga mata nito kaya nagpaliwanag siya, “Writer po ako Ma’am. Ako po si Karylle Dela Cuesta, nabasa ko po kasi iyong viral post sa facebook at gusto ko pong marinig sana ng personal ang kwento ninyo.. kung, kung okay lang po ipa-publish po sana namin at gagawing libro,” paghingi niya ng permiso.

“Walang kaso. B-Baka pag nabasa ng anak kong si Niki, baka bumalik na siya,” mapait ang ngiting pinakawalan nito. Inilabas ni Karylle ang cellphone at sinimulang i-record ang boses nito. May notebook at ballpen rin siyang nakahanda.

“Pwede na po kayong mag-start ma’am,”

“Nag-aaral sa Maynila si Niki ko at tuwing Biyernes ng gabi kung umuwi. Ngayon! K-Kung nabubuhay pa siya ay kanina pa siguro narito iyon, kaya lang ay medyo mahirap sumakay ng bus papunta rito.

S-Sabi niya sa akin noong araw na iyon, may bitbit raw siyang cake at pancit. Binili niya sa bayan, birthday ko noon eh! Pero hindi na siya nakauwi.” nagsimula na namang mangilid ang mga luha nito. Maging si Karylle, di maiwasang maiyak. Damang-dama niya ang emosyon sa mga mata ng ginang.

“P-Pwede ko po bang makita si Niki? Kung ayos lang sa inyo, ipi-print ko rin po ang picture niya sa libro,”

Advertisement

Bilang sagot ay tumayo ang ginang at pumasok sa barung-barong nito. Pagbalik ay dala-dala na ang isang picture frame.

“Kuha yan noong graduation niya noong highschool. Ang gwapo-gwapo niya diyan,”

“G-Gwapo? Lalaki ho si Niki?” gulat na tanong ni Karylle.

“Francisco Nikito Cruz ang pangalan niya. Niki lang ang itinawag ko dahil nakatuwaan kong biruin noong bata pa siya,”

Unti-unti niyang tiningnan ang litrato at nanlaki ang kanyang mga mata. Kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso.

Si Isko.

“H-Hindi na siya umuwi. Nasagasaan pala ng rumaragasang truck sa madilim na waiting shed, patawid siya noon. Na-hit and run ang anak ko, mga walanghiya sila!” iyak ng ginang.

Nayakap naman ito ni Karylle. Ibig sabihin, ang lalaking kasama niya kanina ay isa nang multo! Kaya pala hindi ito hinintuan ng bus. Parang nag-echo sa utak niya ang huling bilin nito, kaya iyon ang sinabi niya sa ginang.

Advertisement

“Misis, sabi po ni Niki. Ayos na raw po siya kung ayos kayo. Ilang taon na rin daw ho. At..mahal na mahal po niya kayo,”

Nanlalaki ang mata ng ginang na tumingin sa kanya, tapos ay napapaluhang tumango, “Salamat. Salamat..”

Doon na siya natulog sa bahay ng nanay ni Isko, kinaumagahan ay masaya siyang nagpaalam baon ang magandang kwento, at mabuting aral.

Masaya ang ngiti niya dahil nangako ang ginang na ipagpapatuloy nito ang buhay at susubukang maging masaya muli. Higit sa lahat, sigurado siyang matatahimik na ang kaluluwa ni Niki.