Sino Ang Nasa Bubungan?

Kalagitnaan na ng gabi nang muli na namang maalimpungatan si Aida dahil sa ingay na nagmumula sa kanilang bubungan. Ilang gabi nang ganoon ang sernaryo kayaʼt labis nang binabalot ng takot ang damdamin niya. Buntis pa naman si Aida.

Sa takot ay mas pinipili na lang ng babae na ignorahin ang mga lagabugang iyon. Lalo pa nga, nang sabihin ng ilan sa kanilang mga kapitbahay na baka inaaswang lang daw siya.

Maging ang asawa niyaʼy ni ayaw palabasin ni Aida ng bahay sa tuwing may lalagabog. Hindi naman nito matingnan sa umaga dahil may pasok ito sa trabaho at tanging sa gabi lang nasa kanila. Ganoon din naman daw kasi ang ginagawa ng mga kapitbahay nila. Hindi na rin naman daw pinapansin ng mga ito ang mga naririnig na lagabugan dahil sa takot na baka nga may aswang.

“Naku, siguradong matapang ang aswang na iyon. Abaʼy hindi takot na baka mahuli siya ng mga tao rito, e. Siguradong malakas iyon,” sabi pa ng kapitbahay nila kay Aida na talaga namang mas nakapagpadagdag ng takot sa buntis. “Kung ako sa iyo, huwag mo na lang palalabasin ang asawa mo. Hindi natin alam at baka bigla na lang dakmain iyon ng aswang!”

Halos hindi na lumalabas ng bahay si Aida. First baby nila itong mag-asawa kayaʼt ganoon na lang ang pag-iingat niya. Binigyan pa siya ng ilang pangontra daw sa aswang ng kaniyang mabubuting mga kapitbahay. Laking pasasalamat nga niya dahil kahit kalilipat pa lamang nila sa lugar na itoʼy naging mainit ang pagtanggap ng mga ito sa kanila.

“Naku, Aida, huwag kang lalapit sa matandang iyon. Ang hinala namin dito, siya ang aswang!” isang araw ay sabi pa ng kanilang kapitbahay nang dalawin siya nito dahil nga hindi siya lumalabas ng bahay. Itinuro nito ang isang matandang babaeng nakatira lamang sa tapat nila. Nakadungaw ito sa bintana at matamang nakatingin sa direksyon ng bubungan nila Aida.

Biglang kinilabutan si Aida. Dahil doon ay palagi na rin niyang inaaya ang kaniyang mga kapitbahay na samahan muna siya sa kanila habang wala pa ang kaniyang mister. Bilang kapalit ay palagi niyang binubusog sa pagkain ang mga ito at pinababaunan pa niya tuwing uuwi na, bilang pakunswelo.

Ngunit isang gabi, habang mahimbing silang natutulog na mag-asawa ay isang mas malakas na kalabugan sa bubungan ang bigla na lang gumising sa kanila. Bukod pa roon ay nangamatay ang kanilang mga ilaw. Pumutok ang fuse ng kanilang kuriyente at lalong naglumakas ang kalabog sa bubungan!

Advertisement

Halos maiyak na si Aida sa takot. Napayapos na siya sa asawa.

“Dito ka lang, titingnan ko kung sino ʼyang lintik na nasa bubungan!” ang galit na palatak ng kaniyang asawa.

Hindi na nakapagprotesta pa si Aida nang lumabas ang kaniyang mister. Gusto niya sanang pigilan ito ngunit mukhang desidido na ang lalaki. Takot pa rin si Aida kaya minabuti na niyang sumunod sa asawa upang silipin kung anoʼng nangyayari.

At ganoon na lang ang gulat nila nang makitang nagkikikisay sa itaas ng kanilang bubungan ang tatlong lalaki! Nakukuryente ang mga ito!

Dumating ang tulong na siyang nagligtas sa mga ito sa bingit ng kapahamakan. Nalaman ni Aida at ng kaniyang asawa na ang tatlong lalaking nakuryente pala sa kable ng kanilang kuriyente ay ang mga asa-asawa ng mga kapitbahay nilang siya ring nagsabi sa kaniya na aswang daw ang nag-iingay sa kanilang bubungan!

Halos manggalaiti si Aida nang mapag-alamang hindi naman pala aswang ang may kagagawan ng mga lagabugan sa kanilang bubungan, kundi ang kaniya-kaniyang asawa ng mga ito na nakiki-jumper ng kuriyente sa kanila tuwing gabi!

Doon napagtagni-tagni ni Aida ang mga pangyayari. Kaya naman pala ayaw ng mga itong ipakausap sa kaniya ang matandang nakatira sa tapat ng kanilang bahay ay dahil ito ang saksi sa kalokohan nila! Pinagbintangan pang aswang ng mga kapitbahay niyang oportunista!

Laking pagsisisi ni Aida sa sobrang pagtitiwala sa mga ito. Nagsilbing leksyon sa kaniya ang mga pangyayari.

Advertisement

Minabuti nilang mag-asawa na lumipat na lang muli ng tirahan. Sa pagkakataong ito ay naging mabusisi sila sa paghahanap ng bago nilang uupahang bahay upang masiguro ang kanilang kaligtasan, habang hinihintay nilang matapos ang bahay na ipinagagawa pa lamang nila. Nangako si Aida sa asawa na sasalain na ang mga balitang sinasabi sa kaniya ng iba, lalo pa kung mula iyon sa mga taong hindi niya pa lubos na kilala.