Akala ng Dalaga ay Isang Mabait na Amerikana ang Nagpapaaral sa Kanya, Windang Siya nang Maisiwalat ang Tunay Nitong Anyo

Nasa ikatlong taon na ng kolehiyo si Mirren, kumukuha siya ng kursong Business Management. Kahit mahirap ang buhay ay masaya siya dahil may mga tao pa ring mababait, tulad nalang ng Amerikanang nagpapaaral sa kanya. Si Jada.

Dear Jada,

I was able to finish my research paper before the deadline. All because of you. Thank you so much for your help! When will you visit Philippines?

Mirren

Isinend niya na iyon sa e-mail ng babae. Pamangkin ito ng professor niyang si Mrs. De Leon. Ang totoo kasi niyan, first year college palang siya noon at titigil na sana dahil hindi kaya ng mga magulang niya ang gastos.

Pero sabi ng guro, mabait raw ang mga kamag-anak nito sa US at naghahanap ng mga estudyanteng nais maging scholar. Basta raw deserving, agad siyang sumulat at doon na nagsimula ang lahat.

“Anak, mamaya na iyang computer. Kumain ka muna’t mag-aalas otso na. Alam mo na,” nakangiting sabi ng kanyang nanay.

Isinara na ni Mirren ang laptop na padala ni Jada, tapos ay sinaluhan sa hapunan ang kanyang mga magulang. Ang tatay niya ay naka- costume na pang-gorilya pero hindi pa nakasuot ang maskara. Habang ang nanay niya naman ay sabug-sabog ang buhok at puno ng uling ang paligid ng mata.

Advertisement

“Nanay, hintayin mo kasing lumiko iyong train bago ka lumabas. Pag nakatayo kana tapos malayo pa ay wala nang thrill. Di na sila magugulat.” sabi ng kanyang ama habang ngumunguya.

“Sige. Ang init kasi sa gilid, dapat nag-maskara nalang ako eh kaysa ganito. Ang kati pa.” sabi ng ginang, naglaglagan pa ang pulbos na patung-patong sa mukha nito.

Nangingiti si Mirren habang minamasdan ang mga magulang. Bata palang siya ay ganito na ang trabaho ng mga ito, sa perya.

Kahit pinagtatawanan siya ng mga kaklase ay hindi niya kailanman ikinahihiya ang kanyang mga magulang. Ngayon nga ay silang tatlo na ang nananakot sa horror train, sa halagang kinse pesos bawat tao.

“Kailangan iyan para may bago tayo. May white lady. Alam mo naman eh, mahina na ang perya ngayon.” habang nagpapaliwanag ang kanyang ama ay napatingin ito sa kanya. “Tapos na palang kumain ang prinsesa namin. Magbihis kana anak,”

Tumango si Mirren at nagsuot na rin ng costume, siya ang gaganap na kuba. May bukol sa likod at naka-maskarang baku-bako ang mukha. Ang usapan nila, sasabit siya sa train para lalong masindak ang mga tao.

Mabilis umandar ang oras at kahit papaano ay kumita naman sila. Nang humupa na ang mga tao ay nagbihis na rin ang pamilya, doon na rin sila natutulog.

Kung saan may fiesta, doon ang tirahan nila.

Advertisement

Dear Jada,

Why aren’t you replying? Are you busy with work? I am about to sleep now, although I don’t have classes tomorrow. Goodnight!

Mirren

Ipinadala niya muna ang mensahe bago nahiga, pero sa hindi malamang dahilan, hindi siya dapuan ng antok.

Ipinikit niya ang mga mata at sinubok na gumawa ng tulog. Hilik ng mga magulang niya ang nangingibabaw sa makipot nilang higaan. Napadilat siya nang makarinig ng ilang kaluskos.

Dahan-dahan siyang tumayo at kinuha ang makapal na kahoy na palaging nasa tabi ng kanyang ama sakaling may magtangkang sumalbahe sa kanila. Tent lang kasi ang kanilang tinutulugan. Tent ang tawag nila, pero ang totoo ay pinagtagpi-tagping lona iyon.

“Tarantado ka,” bulong niya nang makita ang isang matangkad na lalaking nakatalikod at susukot-sukot na lumilingon sa paligid.

Walang anu-ano’y pinukpok niya ang ulo nito nang pagkalakas-lakas. Agad na nahilo ang lalaki at tumumba. Bumilis ang tibok ng puso ni Mirren nang makita ang mukha ng estranghero.

Advertisement

“Sh*t, ang gwapong kawatan naman.”

Tisoy ito at mukhang mayaman, naka-backpack rin na sigurado siyang puno ng mga nanakaw nito. Sus, ganoon naman ang modus ngayon diba? Kung sino pa ang hindi mo paghihinalaan, siya pa ang tunay na budol.

Nang pumutok ang araw ay kinabahan na ang dalaga, wala pa rin kasing malay ang lalaki. Ang balak niya lang sana ay mahilo ito bago niya dalhin sa presinto pero mukhang nakapatay yata siya ng tao.

“Diyos ko nay, ayoko hong makulong,” umiiyak na sabi niya.

Natataranta na rin ang kanyang mga magulang, maging ang organizer ng perya ay nais silang patalsikin dahil ayaw nitong madamay sa gulo.

“Tena, dalhin na natin sa ospital,” sabi ng kanyang ama.

“W-Wala tayong pera Roy, anong ibabayad natin doon?” tanong naman ng kanyang ina.

“Bahala na. Kaysa makulong ang anak natin.”

Advertisement

Isinugod nila sa ospital ang binata at nakahinga sila nang maluwag dahil hindi naman pala napuruhan ito. Nagkataon lang na mukhang pagod at stressed rin kaya napalalim ang tulog nang pukpukin niya.

“Hey, sorry. Hey, patawarin mo ako. Ikaw naman kasi! Bakit ka naglalakad sa tapat ng tent namin ha?! Magnanakaw ka ba?! Mali, mali gaga. Dapat mabait ka,” nagpa-practice si Mirren ng sasabihin habang binabantayan ang tulog pa ring binata.

Ang balak niya ay mag-sorry at kumbinsihin itong ito nalang ang magbayad ng hospital bill, tutal ay kasalanan rin naman nito kaya napukpok niya diba?

Unti-unting dumilat ang binata at lalong natulala si Mirren, kulay asul ang mata at mahahaba ang pilik.

“H-Hi.” nakangiting sabi niya. Hindi naman ito nagsasalita at tila nalilito.

Namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa, napapitlag pa sila pareho nang bumukas ang pinto at iniluwa noon ang professor ni Mirren. Si Mrs. De Leon.

“Oh my God! If the nurses didn’t call me, I wouldn’t know! You should have told me na uuwi ka ng Pinas!” nag-aalalang sabi nito.

“Sorry tita, gusto ko na kasing makita si-” hindi naituloy ng binata ang sasabihin dahil lumingon sa kanya si Mrs. De Leon at gulat na nagsalita.

Advertisement

“O, eh ano ang ginagawa mo rito hija? Nagkakilala na pala kayo ni Jada?” litong tanong nito.

Nanlaki ang mata ni Mirren habang ang binata naman ay biglang ngumiti.

“Sabi na nga ba, iba ang tibok ng puso ko eh,” natatawang sabi nito.

“A-Anong.. akala ko babae ka-”

Napahagikgik naman si Mrs. De Leon, “Aba, ay hindi ko pala nabanggit na lalaki ang pamangkin ko! Ang mommy niya na kapatid ko ay Pinay, ang daddy niya ay US citizen. Pero magaling siyang magsalita both languages. Halos atakihin ako nang sabihin ng nurse na nasa Pinas siya at napukpok. Akala ko ay napagtripan ng mga ad*k.”

Hindi nakasagot ang dalaga, dahan-dahan namang bumangon si Jada.

“Pasensya kana ha, I don’t know bakit Jada ang pangalan ko. Pero, nice meeting you,”

Isa lang ang lumabas sa bibig ng dalaga, “Hindi ka kawatan?”

Advertisement

Napuno ng tawanan ang kwartong iyon, biglang nahiya si Mirren na tumanggap ng tulong mula sa binata pero ipinilit iyon ni Jada para raw sa pag-aaral nito.

Unti-unti, ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi sa masayang relasyon.

Ngayon ay masaya na silang nagsasama kasama ang dalawa nilang anak, dito sila nakatira sa Pilipinas sa kahilingan na rin ni Mirren.