Nakayuko ang Ulo Niya Noon sa mga Nanghuhusga sa Kaniya, Ngayon ay Taas Noo Siyang Humarap sa Kanila

Nakayukong naglalakad si Hillary sa gilid ng kalye. Tutungo siya sa pinakamalapit na botika para bumili ng gamot ng kaniyang lola. Dinig na dinig niya ang mga bulungan ng mga tao na kaniyang madadaanan.

“Siya ba yung anak ni Stella? Talaga din naman, oh. Kung ano ang puno, siya din ang bunga. Kitang-kita naman sa suot niyang damit eh. Mukhang hitad din tulad ng nanay niya,” sabi ng isa sa dalawang babae na nakasalubong ni Hillary.

“Kung ako sa iyo, bantayan mo ang mga anak mong lalaki. Mahirap na, baka mahawaan pa ng AIDS ng babaeng ‘yan,” tugon ng babae sa kaniyang kausap.

“Anong mukhang hitad? Oo, maikli ang salawal ko pero hindi malaswa. Hapit sa katawan ang blusa ko pero disente pa rin akong tingnan,” inis na bulong ni Hillary sa kaniyang sarili. Ayaw niyang patulan ang mga patutsada sa kaniya ng iba alang-alang sa kaniyang lola na may karamdaman. Pag nasangkot siya sa anumang gulo ay baka lumala pa ang sakit nito sa puso.

Masakit para kay Hillary na makarinig ng mga pang-uuyam at panlalait ng mga salita mula sa iba. Hindi nila siya kilala. Hindi porket kilala ang nanay niya bilang numero unong kabit ng ilang kalalakihan sa kanilang lugar at ang tatay niya ay isang kriminal na halang ang kaluluwa ay may karapatan na silang husgahan siya. Hindi siya katulad ng kaniyang mga magulang. Nagsusumikap siya para maabot ang kaniyang pangarap. Nakakainsulto na ihalintulad nila siya sa kanila.

“Aling Tekya, pabili nga po ng gamot para sa high blood.” Imbes na asikasuhin siya ng ginang ay itinaboy siya nito. “Hindi ko pinagbebentahan ng gamot ang lahi ng mga maiitim ang budhi. Ayaw kong madampian ang kamay ko ng maruming pera. Baka mamaya galing ‘yan sa ilegal na gawain, masangkot pa ko kung sakaling dakpin ka ng mga pulis.”

Paalis na sana si Hillary ng muling sumigaw si Aling Tekya. “Oo nga pala, sabihin mo diyan sa higad mong nanay na sa kaniya na ang supot kong asawa! Bagay na bagay kamo silang dalawa, parehong bugok ang mga itlog!”

Walang nagawa si Hillary kung hindi umalis na lamang habang pinagtatawanan siya ng mga tao na tumatambay malapit sa botika.

Advertisement

Tapos na ang klase ni Hillary. Paalis na sana siya sa unibersidad nang biglang hablutin ng kaklase niyang si Wendy ang kaniyang bag at tinapon ang lahat ng laman nito. Masamang tinitigan ni Hillary ang kaklase. “I-check mo ng mabuti yung bag niya. Sigurado akong siya ang kumuha ng bago mong selpon,” sabi ni Emily, kaibigan ni Wendy, nang makalapit ito sa kanilang kinatatayuan. “Wala dito! Saan mo tinago yung selpon ko? Ilabas mo na! Parehong-pareho talaga kayo ng tatay mo! Mga kriminal!” Bulyaw ni Wendy.

Biglang hinawakan ni Emily ang dalawang braso ni Hillary. “Kapkapan mo! Malamang nasa kaniya ‘yon,” sulsol ni Emily kay Jerick, nobyo ni Wendy. Marahas na nagpupumiglas si Hillary habang dumadapo ang mapangahas na kamay ng lalaki sa halos lahat ng parte ng kaniyang katawan nang may biglang sumigaw sa di kalayuan. “Wendy, naiwan mo yung selpon mo sa silid-aklatan!”

Agad na nagtatakbo si Wendy sa taong sumigaw habang malakas na tinulak naman ni Emily si Hillary bago niya sinundan ang kaibigan. Dumausdos si Hillary sa semento. Nagtamo siya ng mga sugat sa kaniyang palad at binti.

Bahagyang nilapitan ni Jerick si Hillary. Kinuha niya ang wallet ng babae at nagsuksok siya ng isang maliit na papel sa loob. “Kung matindi ang pangangailangan mo, tawagan mo ko,” nakangising wika ni Jerick habang sinisipat niya ang palda ng babae na medyo nakalilis.

Gustuhin mang lumaban ni Hillary ay hindi niya ginawa. Ipapahamak niya lang ang sarili niya pag ginawa niya ‘yon. Baka mawalan siya ng scholarship sa mamahaling unibersidad kung saan siya nag-aaral at maudlot din ang nilalakad niyang aplikasyon para makapag-aral ng medisina sa Amerika. Masasayang ang lahat ng pagsisikap niya para maabot ang kaniyang pangarap. Kaunting panahon na lang naman ang hinihintay niya at gragradweyt na rin siya kaya titiisin niya ang lahat hangga’t makakaya niya.

Ang akala ni Hillary ay tapos na ang kaniyang kamalasan nung araw na iyon pero nagkakamali siya. Pagdating niya sa bahay ay isang masamang balita ang agad na bumungad sa kaniya. “Oy, anak ng hitad at kriminal, sinugod ni Ka Ambe ang lola mo sa ospital. Inatake ata sa puso. Bakit naman kasi kailangan pa niyang magdamdam sa sinabi ni Tekya? Eh, totoo namang katulad ka rin ng mga magulang mo dahil isang dugo lang naman ang dumadaloy sa inyo,’ walang-pakundangang sambit ng kapitbahay nila Hillary.

Hindi na nagtagal ang buhay ng lola ni Hillary. Noong araw ring iyon ay binawian ito ng buhay. Pero gayunpaman ay nagkausap muna ang mag-lola bago pumanaw ang matanda at may mahigpit itong inihabilin sa kaniyang apo.

“Huwag mong pansinin ang mga sinasabi nila tungkol sa’yo. Kahit masamang tao ang mga magulang mo ay hinding-hindi ka matutulad sa kanila. Ako ang nagpalaki sa iyo, hindi sila. Simula nung iwan ka nila sa akin ay binasura na nila ang pagiging magulang nila sa’yo. Pinalaki kita ng tama at may takot sa Diyos. Maglakad ka nang nakatingala habang inaabot mo ang mga pangarap mo. Ipakita mo sa kanila na wala silang karapatan na apakan ang pagkatao mo. Ipamukha mo sa kanila na angat ka sa kanilang lahat dahil nakarating ka sa tuktok na walang inaagrabyadong tao.”

Advertisement

Matapos makapagtapos ng kolehiyo ay naglaho sa kanilang lugar si Hillary. Walang nakakaalam kung saan ito nagpunta. Natahimik ang buong barangay dahil wala na ‘yung nag-iisang tao na binabato nila ng mga pasaring at panlalait.

Abala ang mga doktor at mga nurse sa isang ospital dahil sunud-sunod ang pagdating ng mga pasyente. Kabilang sa mga pasyenteng isinugod sa ospital sina Aling Tekya, Wendy, Emily at Jerick. Si Aling Tekya ay may mahabang hiwa sa kaniyang braso nung aksidente siyang nadulas at tumama sa bintanang gawa sa salamin. Si Wendy at Emily naman ay puno ng mga pasa at sugat sa katawan matapos mabunggo ang sinasakyan nilang taxi. Habang si Jerick ay may gunting na nakasaksak sa kaniyang kamay na gawa ng isang empleyadong hinipuan niya sa isang salon.

Nagsisigaw ang apat nang bumungad sa kanilang harapan ang doktor na namamahala ng operasyon sa E.R. “Sa iba na lang! Huwag siya! Ibang doktor na lang maliban sa kaniya! Baka lalong dumami yung nakasaksak sa katawan ko pag siya ang titingin sa akin!” Sigaw ni Jerick. “Baka magkaimpeksyon lang ang mga sugat ko imbes na gumaling,” dagdag ni Wendy. “Imbes na sugat lang ang ipagamot ko baka madagdagan pa ng bali sa buto,” takot na pahayag ni Emily. “Paano naging doktor ang babaeng ‘yan? Siguro pinagsawaan siya ng mga propesor niya at mga matataas na opisyal ng ospital na ito. Baka nga mas marami pang pasyenteng binawian ng buhay sa kamay niya imbes na gumaling, eh,” mapang-uyam na sabi ni Aling Tekya.

“Tatlo lang ang doktor na nandito ngayon sa E.R. Yung isa ay inaasikaso ‘yung pasyenteng na-stroke. Habang yung isa naman ay abala dun sa babaeng naputulan ng paa. Ako lang ang bakante. Ngayon kung gusto niyong magpataasan ng ere dito nasa sa inyo na ‘yun. Kung ayaw niyo sa akin bahala kayo. Hindi ko kayo pipilitin. Maghintay kayong matapos sila sa pag-aasikaso ng mga pasyente nila basta’t hindi sagutin ng ospital kung ano man ang mangyari sa inyo dahil ayaw niyong gampanan ko ang tungkulin ko,” taas-noong tugon ni Hillary sa kanila.

Sa bandang huli ay hindi rin nila natiis ang sakit ng kanilang mga sugat kaya wala silang nagawa kung hindi magpagamot sa taong inaalipusta nila noon habang nakayuko ang kanilang mga ulo.

Sinunod ni Hillary ang bilin ng kaniyang lola. Tinanggap ang kaniyang scholarship application sa isang kilalang unibersidad sa Amerika kaya doon niya ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng medisina. Pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral. Sa bandang huli ay nagbunga ang lahat ng kaniyang pagsisikap. Namayagpag siya sa kaniyang karera at ngayon nga ay siya na ang namamahala ng isa sa mga mahahalagang departamento ng ospital sa Pilipinas.

Ipinakita ni Hillary sa mga nanghusga sa kaniya noon na hindi siya katulad ng kaniyang mga magulang. Ipinamukha niya sa kanila na kahit anong apak ang gawin nila sa kaniyang pagkatao ay mas nakakaangat siya sa kanilang lahat.