Iniwan ng Dalaga ang Lalaking Minamahal nang Malamang May Asawa na Ito, Pero Sadyang Pinagtatagpo Talaga Sila ng Panahon

“I love you, mahal kita. Kahit na anong mangyari, sana maintindihan mo na mahal kita. Totoo itong nararamdaman ko, ” masuyong sabi ni Daniel, hinalikan sa noo si Carlyn.

“Sus, sige na male-late ka na Dr.Daniel Legaspi, ang dami pang kuda eh,” natatawang sabi ng dalaga at itinaboy na ang lalaki para mag-shower. Hindi kasi ito mahiwalay sa kanya.

Kasalukuyan siyang nasa Spain at nagba-bakasyon, isa siyang writer sa Pinas. Kailangan niya lang mangibang bansa para naman makahanap ng inspirasyon sa kwentong isusulat. Malay niya bang pag-ibig ang mahahanap niya rito.

Tatlong araw nalang ay babalik na siya sa Pinas, sa tingin niya ay dadalawin nalang siya ni Daniel roon. Pero kaninang umaga ay nag-iba ang timpla nito, hindi naman masama. Naging sobrang drama lang, yapos nang yapos at kung anu-ano ang sinasabi.

Aaminin niya, kahit na isang buwan niya palang kilala ang lalaki ay mahal na mahal niya na ito.

Nagsha-shower na si Daniel nang mag-ring ang cellphone nito.

“Dan, may tumatawag,” katok niya rito. Lumabas sandali ang lalaki at sinagot iyon.

“Speaking. What?! Where is she?!” tarantang sabi nito. Napatayo naman si Carlyn.

Advertisement

Ibinaba na ng binata ang tawag.

“What is happening?”

Hindi sumasagot sa kanya si Daniel, ni hindi na nito napunasan nang maayos ang katawan at nagdamit na kaagad.

“Hey, saan ka pupunta? Ano ba ang nangyayari? Nag-aalala na ako,” sabi niya rito.

Hinawakan ng binata ang dalawang pisngi niya, “Carlyn, I’m sorry. Patawarin mo ako.”

Iyon lang at tuloy-tuloy na itong lumabas sa apartment. Naiwan siyang tigagal at lito sa mga pangyayari.

“Mama, why you cry cry?” nagising sa pagkakatulala si Carlyn nang hawakan ni Jaden ang kanyang hita. Pinahid niya ang ilang butil ng luhang pumatak sa kanyang mata.

Ah, ilang taon na rin ang nakalipas pero sariwang sariwa pa rin ang sugat na iniwan ni Daniel. Parang ang laking pitak ng pagkatao niya ang naiwan sa Spain. Grabe ang kagagahan niya noon, sinundan niya ito. Para lang masupalpal na may asawa na pala ang lalaki, ginawa pa siyang kabit!

Advertisement

Hindi pa doon natatapos ang dagok ng tadhana, dahil pag- uwi niya sa Pilipinas ay natuklasan niyang buntis ang kanyang kapatid, may sakit itong leukemia at binawian ng buhay. Siya na ang nagpapalaki sa kambal na iniwan nito, sina Jaden at Seth na ngayon ay tatlong taong gulang na.

“Mama’s not crying baby, saan si Seth?” tanong niya rito.

“Doon po front door, talking to Mr.Handsome,” inosenteng sabi nito.

“Mr. Handsome?” nagtatakang tanong niya, agad siyang napatayo. Diyos ko, naiwan niya bang bukas ang pinto? Kapag nawala ang mga bata ay ikababaliw niya.

“Seth, I told you not to open the door unless Mama is-” hindi niya na naituloy ang sasabihin nang makita kung sino ang nasa pinto.

Si Daniel.

Nadagdagan ang edad nito pero mas lalong gumwapo. Nagbalik ang pamilyar na tibok ng kanyang puso, kinailangan niya pang ipaalala sa sarili na niloko siya nito noon.

“Hi,” sabi nito. Malamlam ang mga mata.

Advertisement

“A-Anong kailangan mo?”

Hindi sumagot agad ang lalaki,saglit siya nitong tinitigan mula ulo hanggang paa. “God, you are so beautiful.”

“Mga baby, punta muna kayo sa room,” sumunod naman agad ang dalawang bata. Nasa ibaba lang naman ng bahay ang kwarto nilang tatlo dahil natatakot siyang matulog sa itaas, baka mahulog ang mga ito.

“Bigyan mo ako ng pagkakataong magpaliwanag. Alam kong malalim ang kahihiyan at sakit na naiwan ko sayo,” sabi ng binata. Nakaupo ito ngayon sa kanyang sofa at tahimik na nakikinig si Carlyn.

Hindi alam ng dalaga kung ano ang mararamdaman. Nagpatuloy sa paliwanag si Daniel, “Oo. May asawa ako. Bestfriend ko si Lucille, bata palang kami ay may sakit na siya sa puso. Habang nagdadalaga siya ay pahina siya nang pahina noon at binigyan na ng taning, kinausap ako ng kapatid niya at sinabing lihim raw akong minamahal ni Lucille.

Para sumaya raw ang huling sandali ng buhay niya, baka naman pwedeng pakasalan ko siya at mahalin. Na ginawa ko naman, hindi iyon mahirap dahil mahal ko naman talaga siya- bilang kapatid nga lang. At ang sakripisyong iyon ay handa kong gawin nang paulit-ulit para sa bestfriend ko, pati na sa pamilya niya na siyang kumupkop sa akin.

Akala ko ayos na ang set up namin, hanggang makilala kita. Carlyn, ginulo mo ang mundo ko. Pinaramdam mo sa akin kung ano ba talaga ang pag-ibig. Pinatakas mo ako sa mundo, binaliw mo ako. Noong araw na iniwan kita, isinugod si Lucille noon sa ospital. Binawian rin siya ng buhay. Nakita kita noon, alam kong alam mo na ang totoo-“

“Bakit hindi mo sinabi agad sa akin?” tanong ni Carlyn.

Advertisement

“Dahil hindi mo ako deserve noon! Gustong-gusto kitang pigilan pero naisip ko ang kagaguhang ginawa ko, mas karapat-dapat sayo na ikasal sa lalaking tapat umpisa palang. Hindi ako iyon dati. Pero heto ako ngayon, inaamin ang totoo. Sana, sana bigyan mo ako ulit ng pagkakataon.”

Hindi alam ni Carlyn kung tanga lang ba siya talaga, dahil niyakap niya ang binata. Parang bawing bawi ang ilang taong wala siya sa piling nito.

“Yehey!” napalingon sila pareho nang makita ang kambal na bumubungisngis sa isang gilid.

“Ang cute ng mga pamangkin mo,” sabi ni Daniel.

“How did you know, na pamangkin ko sila?”

“Nagtanung-tanong ako sa labas kung saan banda ang bahay mo, tinanong ko rin kung..kung may pamilya kana. Sabi ng mga kapitbahay ay wala, pero nag aalaga ka ng mga pamangkin,”

Isang linggo lang ang lumipas ay pinakasalan ni Daniel si Carlyn, napagdesisyunan nilang dito tumira sa Pilipinas dahil narito ang buhay ng dalaga.

Pagkatapos ng kanilang honeymoon ay niyaya ni Carlyn ang mister na dumalaw sa puntod ng kanyang kapatid, kasama nila ang kambal.

Advertisement

Pagsulyap ni Daniel sa lapida ay medyo nagtaka ito, “Akala ko, si Cyrille lang ang nakalibing rito, bakit dalawa sila? Baby itong isa, o, same ng birthday ang araw ng pagkamatay,”

Lumuluhang nagpaliwanag si Carlyn, “Dahil ang totoo, iniligtas lang ako ng ate Cyrille sa kahihiyan. Nang umuwi ako ng Pinas ay pareho kaming buntis. Pumanaw siya kasama ng baby niya, pero bago iyon mangyari ay sinabi niya sa mga kapitbahay na buhay ang anak niya at ako ang mag-aalaga para hindi ako paghinalaan.

Daniel, anak mo ang kambal. Anak natin sila.”

Hindi makapaniwalang niyakap ni Daniel ang misis. Kinarga rin nito ang dalawang batang lalaki na inosenteng nakamasid sa kanila.

Lalong minahal ng lalaki ang kanyang asawa. Ipinangako niya rito, at sa Diyos na habangbuhay siyang babawi sa mga panahong wala siya sa tabi ng mga ito.