Mani ng Lola Mo

Isang tindera ng mani si Lola Liza. Maghapon siyang nagbebenta sa gilid ng simbahan. Animnapung taon na siya ngunit hindi pa rin siya mapigil sa paghahanapbuhay.

“Mga anak, ito na nga lang ang libangan ko eh, pipigilan niyo pa ako? Gusto niyo ba talaga akong sumakabilang buhay dahil sa kalungkutan?” aniya, isang araw noong pinuntahan siya ng mga anak para pigilan na sa pagtitinda.

Wala namang magawa ang kanyang mga ito kaya hinahayaan na lamang nila siya sa kanyang kagustuhan. Ngunit sinisigurado nila na nakakain at nakakainom ng gamot ang kanilang ina bago ito magtungo sa gilid ng simbahan.

Madalas nakakaubos ng paninda si Lola Liza. May kadaldalan kasi ang matanda at pala-kaibigan, kaya naman dinarayo pa siya ng ilang mga estudyanteng nag-aaral sa likod ng simbahan para lamang makinig ng kwentong pag-ibig niya.

“Alam niyo ba, yung asawa ko, sobrang tamis magmahal noon! Noong kabataan pa nga nami’y sumasampa yon sa bintana ng kwarto ko para lang makita ako’t maabutan ng isang gumamela.” anang matanda habang nakangiting nagluluto ng mani.

“Aw, ang sweet Lola! Eh nasaan na po ba si Lolo, Lola? Gusto po namin siya makita!” ika ng isang estudyante habang nakalumbabang pinapanuod ang pagluluto ng matanda.

“Magdadawalang dekada na siyang hindi nagpaparamdam sa amin. Nangibang bansa siya eh, noong unang taon niya, nagpapadala at tumatawag pa, pero noong mga sumunod na taon, wala na. Siguro eh may pamilya na yon doon.” malungkot na ani Lola Liza.

Napatahimik ang mga estudyante. Nagulat sila sa sinambit ni Lola. Buong akala nila na hanggang ngayon ay matamis na pagmamahal pa rin ang nararanasan ng matanda, yun pala, napalitan na pala ito ng pighati.

Advertisement

“Pero hindi ako titigil na ikwento sa inyo kung paano namin nalagpasan noon ang hirap. Yung mga alaalang iyon na lang kasi ang yamang mayroon ako.” sambit ni Lola, kita na ang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata.

Noong nalaman iyon ng mga estudyante lalo pa nilang dinalasan ang pagpunta sa mallit na pwesto ng matandang tindera. Minsan ay nagdadala pa sila ng ibang kamag-aral para pabilhin rin ng mga ibinebentang mani.

Ngunit isang araw, habang hinihintay ni Lola Liza ang mga estudyante, nakaramdam siya ng pagkaihi kaya naman iniwan niya na muna ang mga paninda at tumungo sa loob ng simbahan. Tiwala naman siyang walang kukuha nito dahil kilala naman siya doon. Pero pagkalabas ng matanda, nagulat siya sa kanyang nakita.

“N-Nasaan ang paninda ko?!” sigaw niya.

Naabutan ng mga estudyante si Lola Liza na nakaupo sa may sahig. Tulala at nanlulumo, nilapitan nila ang matanda at nalaman nila ang nangyari. Tinulungan siya ng mga estudyante na magtanung-tanong, sayang nga naman kasi ang benta.

Napansin ng isang estudyante na may CCTV camera pala sa lugar kung saan nakapwesto ang matanda, kaya naman dali-dali silang pumunta sa simbahan at humingi sila ng pabor kung pwede makita ang kanilang record.

Pinayagan naman sila, nakita nilang may isang matandang pulubing kumain ng mga mani ni Lola. Tila gutom na gutom ito dahil halos lahat ay maubos na niya. Tumakbo lang ito ng mabilis dala-dala ang ilang lalagyan noong makitang pabalik na ang matanda.

Kumuha sila ng kopya ng video at pinanuod kay Lola Liza.

Advertisement

“Teka iho, pwede mo ba itigil doon kung saan kita yung mukha niya? Parang namumukaan ko eh.” sabi ng tindera, sinunod naman siya ng binatilyo.

Ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mata nang maaninagan ang kawatan sa videom “Diyos ko! Si Mateo iyan! A-ang mister ko!

Tulungan niyo pa ako parang awa niyo na, hanapin natin ang asawa ko. Nakakaawa naman siya!” tuluyan nang napaiyak si Lola Liza.

Naghiwa-hiwalay sila para maghanap, pinatawagan na rin ng matanda ang mga anak para makatulong. Bandang alas otso ng gabi, natagpuan nila ang lolo sa ilalim ng tulay malapit lang rin sa simbahan.

“Sinta ko, uwi na tayo.” malumanay na ika ni Lola Liza.

“Sino ba kayo? Uuwi lang ako kapag sinundo ako ni Liza dito. Malamang galit yon sakin. Hindi man lang nakatawag sa kanila bago ako ikulong sa ibang bansa.” biglaang pagkukwento ng matanda habang kain-kain pa rin ang mga mani.

“N-Nakulong ka?” gulat na pag-uusisa ni Lola Liza.

“Eh pakialam mo ba ha? Ikaw ba si Liza? Saka hindi ko nga matandaan kung bakit ako nakulong eh.” tumawa ito nang malakas. “Ang alam ko lang mahal ko si Liza pati ang mga anak namin kaya tumakas ako. Tapos hindi ko na ulit alam, basta nasa Pilipinas na ako.” dagdag ng matanda.

Advertisement

Halos mapaupo si Lola Liza sa mga narinig. Ang lalaking akala niya’y may sarili nang pamilya ay nasa harapan niya na nagkukwento kung gaano siya kamahal. Hindi man siya kilala sa mukha, ramdam niya na ginawa lahat ng lalaki para makabalik sa piling niya.

Kinupkop niya ang mister at inalagaang mabuti. Sa tulong ng tuloy tuloy na gamutan ay napagaling nila ito, doon inilahad ni Lolo Mateo na napagkamalan pala siyang magnanakaw sa ibang bansa. At dahil nga ayaw niyang magsalita, pinagbubugbog siya ng mga awtoridad roon, katakut takot na kalupitan ang inabot niya para lang umamin siya sa kasalanang di niya naman ginawa.

Sa sobrang sakit nga ng dinanas ay naapektuhan na ang kanyang utak. Pero pawi na lahat iyon, maraming taon man ang nawala ay handa naman siyang bumawi sa kanyang pamilya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only)

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!