Isang OFW ang Naloko ng Sarili Niyang Kapatid Kaya Naging Sorbetero Ito Pag-uwi ng Pilipinas; Hindi Niya Akalaing Dahil Dito ay Magbabago ang Kanilang Buhay

Isang OFW ang Naloko ng Sarili Niyang Kapatid Kaya Naging Sorbetero Ito Pag-uwi ng Pilipinas; Hindi Niya Akalaing Dahil Dito ay Magbabago ang Kanilang Buhay

InspiringStoriesSuccess

“Mabuti naman at napayagan ka na ng boss mo na umuwi para makahabol sa libing ng asawa mo? Pero hindi ba’t kailangan mo ring bumalik agad? Paano na ‘tong anak mo?” tanong ng panganay niyang kapatid na si Elvira.

“Oo nga ate eh. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gulong-gulo na ‘yung utak ko,” saad ni Ernesto.

“Ganito na lang. Kung ayos lang sa’yo ay kahit sa amin mo na lang muna iwan ang bata. Tutal naman ay wala naman kaming anak,” mungkahi ni Elvira.

“Talaga ate? Maraming salamat, napakalaking tulong no’n!” ang sabi ni Ernesto.

“Pero siyempre ‘yung mga panggastos niya ay sayo manggagaling ah,” paalala ni Elvira.

“Oo naman, ate. Maraming salamat talaga,” ang sabi ni Ernesto.

Pagkatapos ng libing ay muling bumalik sa trabaho sa ibang bansa si Ernesto. Iniwan niya ang kaniyang nag-iisang anak na babae sa pangangalaga ng kaniyang nakatatandang kapatid. Kada sahod nito ay nagpapadala ito parati ng pera para sa mga pangangailangan ng kaniyang anak at para sa bahay na pinapagawa niya, na asawa ng kaniyang kapatid na si Elvira ang nag-aasikaso. Nang dahil rin sa pag-aalaga at pag-aasikaso ng kaniyang kapatid sa anak niya at sa pinapagawang bahay ay nagbibigay siya ng pera rito.

Ilang buwan ang lumipas at dumadalas ang pagkontak ni Elvira kay Ernesto tungkol sa kakulangan ng perang pinapadala nito. Ayon sa kaniyang kapatid ay nagtaas ang mga gastusin sa Pilipinas at marami ring proyekto sa eskwelahan ang kaniyang anak. Nang dahil dito ay iminungkahi ng kaniyang kapatid na pumasok sa isang negosyo si Ernesto upang mayroong dagdag na mapagkukuhanan ng panggastos si Ernesto.

“Sigurado ba ‘yang negosyo na ‘yan ate? Baka matalo tayo diyan?” tanong ni Ernesto.

“Siguradong kikita ka rito. Dito umasenso ang buhay ng kaibigan ko ngayon. At saka ‘pag lumago na ‘to ay hindi mo na uli kailangan magtrabaho sa ibang bansa,” ang sabi ni Elvira.

“Sige ate, onti-ontiin ko ‘yung pagpapadala ng tatlong daang libong piso para sa negosyo na ‘yan. Kapag lumago na ‘yan ay makakapanatili na ako diyan sa Pilipinas,” ang sabi ni Ernesto.

Nang dahil dito ay mas lalong naghigpit ng sinturon si Ernesto. Halos ipadala niya na ang lahat ng kaniyang sinasahod sa kaniyang kapatid kaya naman kung minsan ay isang beses na lang siya sa isang araw kumain at kung minsan ay kanin at asin na lang ang kaniyang kinakain.

Makalipas ang maraming buwan ay nakumpleto na ni Ernesto ang pera para sa negosyo. Sinigurado ng kaniyang kapatid na magiging maayos ang negosyo ngunit dalawang buwan ang lumipas na hindi nagpaparamdam ang kaniyang kapatid. Sinubukan niyang kontakin ang kanilang bunsong kapatid na si Edna upang makibalita ngunit iba na ang may-ari na sumasagot sa numero nito.

Bagamat matatapos na ang kontrata ni Ernesto sa susunod na buwan ay tiniis na lamang niya ang mga sandaling iyon na walang balita mula sa Pilipinas at sa kaniyang anak.

Pagkauwi niya sa Pilipinas ay agad niyang pinuntahan ang bahay nila Elvira ngunit ayon sa mga kapitbahay nito ay umalis na raw doon ang mag-asawa at hindi nagsabi kung saan sila lilipat kaya naman sunod na pinuntahan ni Ernesto ang bunso nilang kapatid na si Edna. 

Doon niya nakita ang kaniyang anak na si Erika. Ayon kay Edna ay tatlong buwan na sa kaniya iniwan ang bata. 

“Isang araw bigla na lang hinatid nila Ate si Erika dito. May importante lng daw silang aasikasuhin kaya sa akin na raw muna ang bata ng ilang araw. Pero makalipas ang isang linggo ay hindi pa rin sila bumabalik. Kaya sinubukan ko silang tawagan pero hindi na sila makontak at sabi ng mga kapitbahay nila ay umalis na raw sila doon sa bahay nila. Gusto ko sana agad na ipaalam sayo kuya kaso nanakaw ang selpon ko kung saan naka-save ‘yung number mo,” paliwanag ni Edna.

Matapos ang pag-uusap nila ni Edna at nang makita niya na halos walang nagbago sa bahay na pinapagawa niya sa pagpapadala niya ng pera kada sahod ay napagtanto niya na naloko siya ng sarili niyang kapatid. 

Napunta sa wala ang mga pagsasakripisyo at paghihirap niya sa ibang bansa. Ang inaakala niyang maayos na buhay pag-uwi sa Pilipinas ay kabaligtaran ang nangyari. Kakarampot na pera na lamang ang mayroon siya dahil halos lahat ay naipagkatiwala niya na sa kaniyang kapatid at patuloy pa rin ang pang araw-araw na mga gastusin nila at pati na rin sa mga kailangan ni Erika sa eskwelahan. 

Nang dahil dito ay sinubukan ni Ernesto na humanap ng trabaho ngunit walang nais na tumanggap sa kaniya nang dahil sa kaniyang edad. Kaya naman naisipan niyang magtinda ng sorbetes na may kakaibang lasa at maging sorbetero sa kanilang lugar sapagkat paborito ito ng kaniyang anak.

Mahigit kalahating taon niyang binuhay ang kaniyang anak sa pagiging sorbetero habang patuloy na hinahanap ang kaniyang nakatatandang kapatid sa pag-asang maibabalik nito ang perang ipinadala niya noon.

Hanggang sa isang araw ay ibinalita sa kaniya ng dati niyang katrabaho sa ibang bansa na nakita nito ang kapatid niyang si Elvira sa Maynila. 

Sinamahan siya nito sa bahay nila Elvira kasama ang mga pulis upang ipahuli ito.

Nang mapatunayan na nagkasala si Elvira at asawa nito kay Ernesto ay ikinulong sila at pinagbayad. 

Ikinalungkot ni Ernesto na kinailangan pang humantong sa ganoon ang relasyon nilang magkapatid ngunit hindi niya maaring balewalain ang ginawa nitong panloloko sa kaniya. At kahit hindi man nabalik ng buo ang lahat nang naipadala niya noon ay nagpapasalamat pa rin siya sapagkat kahit paano ay may naibalik pa rin sa kaniyang mga pinagpaguran.

Iyon ang ginamit niya upang makapagpatayo ng sariling kumpaniya para sa mga sorbetero sa lugar nila na talaga namang pumatok at lumago pati sa mga karatig nilang bayan na nagpaasenso ng kanilang buhay.

More Stories