Hindi na Mahal ng Mag-asawang Ito ang Isa’t Isa, Ngunit Isang Lumang Bank Account ang Naging Dahilan ng Kanilang Pagbabalikan

Maligayang nag-toast ang bagong kasal na sina Harris at Vivian.

“Para sa masayang pagsasama at sa maraming anak!” sigaw ng host, nagpalakpakan naman ang mga bisita. Wala nang mas tatamis pa sa ngiti ng bagong mag asawa, ito na kasi ang araw na pinapangarap nila,ang maikasal sa isa’t isa.Mahal na mahal ni Harris ang misis at ganoon din naman ang babae sa kanya.

Bago matapos ang selebrasyon ay lumapit ang nanay ni Vivian sa dalawa, na noo’y magkahawak ang kamay. Iniabot ng ginang sa kanila ang isang bank passbook.

“Eto ang regalo ko sa inyo,” sabi nito.

“Ma, hindi ka na dapat nag abala, may ipon naman po ako para sa aming dalawa.” nakangiting sabi ni Harris sa byenan.

“Wag kang mag alala hijo, maliit lang ang laman niyan. Binigay ko lang iyan sa inyo bilang remembrance ng araw na to. Ang gusto kong ipangako ninyo sa akin, tuwing may mangyayaring masaya sa buhay ninyo, mag-dedeposit kayo dyan kahit magkano tapos ilista ninyo kung ano ang nangyari. Nilagyan ko na ng 1000 pesos yan para buena mano.” paliwanag ng ina ni Vivian.

Binuklat ng mag asawa ang passbook at napangiti sila dahil may papel na nakaipit doon, sinimulan na ng kanilang ina ang listahan.

1000- araw ng kasal

Advertisement

Tinupad nila ang bilin ng matanda, bawat masayang nangyayari sa buhay nila ay nagdedeposit sila sa bank account. Ngunit habang tumatagal, padalang na nang padalang ang pagdedeposit nila. Mas madalas na kasi ang pag aaway at malungkot na pangyayari kaysa sa masaya.

Halos nalimutan na nga nila ang pagmamahal sa isa’t isa, para sa kanila ang kanilang pagsasama ay isang impyernong napasukan. Napagdesisyunan na ng mag asawa na maghiwalay matapos ang walong taong pagsasama. Tumawag si Vivian sa kanyang ina upang ibalita ang kanilang desisyon.

“Ma, wala na. Hindi na kami talaga magkasundo ni Harris.” sabi niya rito sa telepono.

“Bakit? May iba ba?” tanong ng matanda sa kabilang linya.

“Wala naman, basta puro away nalang kasi kami. Hindi kami magtatagal sa isang kwarto nang hindi kami nag aaway.” paliwanag niya rito.

Hindi naman tumutol ang matanda at nirespeto ang desisyon nila. Pero isa lang ibinilin nito.

“Kunin mo na ang pera sa bank account na binuksan ko noon para sa inyo. Wala nang silbi iyon kung failed na ang marriage nyo, i-close mona ang account at paghatian ninyo na lang ang pera.” sabi nito sa kanya.

Sumang ayon naman si Vivian, sinabi niya ang hiling ng ina kay Harris at hindi rin naman tumutol ito. Kinabukasan ay pumunta na ang babae sa bangko para kunin ang pera at isara na ang account.

Advertisement

Pagbuklat niya ng passbook ay tumambad sa kanya ang listahan, mga masasayang pangyayari sa buhay nila ni Harris sa nakalipas na walong taon.

1000- araw ng kasal

2000- 1st Wedding Anniversary 🙂

500- napromote si Vivian

2500- buntis si Vivian! 🙂

1200- na promote si Harris

3000- ipinanganak si Venice, bunga ng aming pagmamahalan

1000- nag date kami sa park, nakakamiss palang mag date ng simple lang

Advertisement

500- wala lang, ang ganda lang ng misis ko(Harris)

500- pogi ka rin mister ko! (Vivian)

Napaiyak si Vivian, hindi niya pala kaya.Akala niya manhid na siya at wala nang nararamdaman para sa asawa pero heto siya at tigib ng pagmamahal ang puso, pero huli na.Wala na rin sigurong nararamdaman ang mister niya.

Pag uwi niya sa bahay ay malamig na nagtanong si Harris.

“Asan na?” sabi nito.

“Ikaw na lang.” Iniabot ni Vivian dito ang passbook at isang authorization letter na may pirma niya, proof na pumapayag siyang kunin ng lalaki ang laman ng kanilang joint account.

Dire diretso si Vivian sa kwarto, nagtataka naman si Harris sa inaasal ng babae. Binuksan niya ang passbook dahil tila may nagsasabi sa kanyang silipin iyon at nabasa niya ang listahan.

Si Vivian ay iyak nang iyak sa kwarto, maya maya ay narinig niyang bumukas ang gate at umandar ang kotse ng asawa. Nagyong na kay Harris na ang pera, maaring hindi na ito bumalik.Napag usapan na rin kasi nila ang hatian, kanya ang bahay at sa lalaki naman ang kotse kaya wala nang dahilan para bumalik pa ito doon.

Advertisement

Isang oras ang lumipas at laking gulat niya nang muling marinig ang makina ng kotse, maya maya pa ay pumasok ang lalaki sa kwarto nila at tinabihan siya sa kama.Iniabot nito sa kanya ang passbook.

“Buksan mo.” sabi nito, may kung anong emosyon sa mga mata nito na hindi niya matukoy.

Ano namang trip ng lalaking to?

Binuklat niya.

“O? listahan? nabasa ko na to.” sabi niya rito, ayaw na niyang basahin ulit at baka maiyak nanaman siya, sa harap pa nito.

“May kulang sa nabasa mo. Tignan mo ulit.” utos nito sa kanya.

Para matapos na ang usapan ay binuklat niyang muli ang papel at binasa, nagulat siya nang may nadagdag sa deposit.Naglagay ng pera doon ang lalaki.

10,000- Another chance para kay Harris at Vivian.Bawat araw na kasama ka ay masaya misis ko, sa listahang ito ay naalala ko kung paano mo kinumpleto ang buhay ko at naging napakaligaya ng walong taon na iyon dahil sayo.Ikaw ang nagbigay kulay sa aking buhay, kayo ni Venice at Henry. Will you marry me again?

Advertisement

Walang nasabi si Vivian, niyakap niya lang ang asawa.Hindi naman pala tumigil ang mga puso nila sa pagmamahal sa isa’t isa, napagod lang pero umiibig pa rin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!