Hindi Nagustuhan ng Anak ang Pakikipagmabutihan ng Ina sa Ibang Lalaki Dahil Kapapanaw Pa Lang ng Ama, Naiyak Siya sa Kuwento ng Ina at ng Lalaki

“Inay, alas otso na, oras na para inumin ang gamot niyo,” sabi ni Crezia sa ina.

“Ipatong mo na lang muna sa mesa, anak. Mamaya ko na iinumin.”

“Huwag naman po matigas ang ulo. Kailangan niyo pong sundin ang sabi ng doktor.

“Naku, hayaan mo nga ang doktor at ako naman ang nakakaramdam sa sarili ko. Saka matanda na ako at nalalapit nang yumao kaya balewala na rin ang gamot na iyan!” inis na sabi ni Auring.

“Basta, inay. Iiwan ko sa iyo itong gamot, ha! Inumin niyo po.”

“Bahala ka!”

“Kung buhay si itay ay hindi uubra ang kulit niyo,” wika ng babae saka lumabas sa kuwarto ng ina.

Hindi na nakipagtalo pa si Crezia sa ina. Ganito palagi ang eksena kapag pinapainom niya ng maintenance na gamot ang ina. Ang laging dahilan nito ay matanda na ito at malapat nang pumanaw kaya hindi na nito kailangan pa ang gamot.

Advertisement

Iniintindi na lang ng babae ang ugali ng ina dahil matanda na ito.

Isang umaga, pabalik na sila sa bahay galing sa simbahan nang may pumaradang sasakyan sa harap nila.

Maya-maya ay bumaba ang isang makisig na binata at pinagbuksan nito ng pinto ang nasa likuran. Hindi nakakilos si Auring nang makilala kung sino ang huling bumaba ng sasakyan. Hindi siya maaaring magkamali.

“E-Ernesto?” aniya.

Narining ni Crezia ang sinabi niya.

“Kilala niyo siya inay?” nagtataka nitong tanong.

“Kilalang-kilala, anak. Hinding-hindi ko siya kailanman puwedeng kalimutan.”

Ang huling bumaba ng sasakyan ay isang matandang lalaki. Halatang hirap na itong lumakad dahil sa tungkod na hawak. Inaalalayan din ito ng kasama nitong binata. Sa di malamang dahilan ay nakilala rin nito si Auring.

Advertisement

“Auring, ikaw nga ba?” banggit nito.

“Lolo, sino pong Auring?” tanong ng kasama.

Nilapitan ng matandang lalaki ang kinatatayunan ng mag-ina.

“Auring? Hindi ako puwedeng magkamali, ikaw si Auring tama ba?” sabi nito.

“A-ako nga, Ernesto. Ako si Auring,” sagot ng matandang babae.

Tila may kung anong kinang sa mga mata ng dalawa nang makita ang isa’t isa.

“A-anong ginagawa mo rito? N-nasaan ang napangasawa mo?” nahihiyang tanong ni Auring.

“Matagal nang pumanaw ang aking maybahay na si Rosing. I-ikaw, kumusta na kayo ni Pablito?”

Advertisement

“Wala na rin ang aking asawa. Pumanaw siya noong nakaraang linggo.”

May kung anong sayang naramdaman ang dalawang matanda nang malamang wala na silang mga asawa.

“Narito ako para magbakasyon. Kasama ko ang apo ko na si Saldy,” pakilala ng matanda sa kasamang binata. Nagbigay galang naman ito sa mag-ina.

“Ito naman ang kaisa-isa kong anak na si Crezia,” pakilala naman ni Auring sa anak.

Simula nang dumating si Ernesto ay palagi na itong dumadalaw kay Auring. Masayang-masaya naman ang matandang babae sa presensiya nito. Nang minsang pumunta ito sa kanilang bahay ay may dala pa itong bulaklak at tsokolate. Nakasuot pa ng hapit na t-shirt at maikling shorts ang matandang lalaki na animo’y nagpi-feeling bagets.

Laking gulat naman ni Crezia nang makitang suot ng kanyang ina ang isang maiksing bestida at naglagay pa ito ng kolorete sa mukha. Halos araw-araw na nasa bahay nila si Ernesto na palaging nakikipagkuwentuhan sa inang si Auring at araw-araw ring nakabihis na parang nagdadalaga ang ina.

Ipinagtaka ni Crezia ang pagiging masyadong malapit ng ina kay Ernesto. Sa palagay niya ay nililigawan nito ang kanyang ina. Hindi naman siya kumportable na nakikipagmabutihan ang kanyang ina sa ibang lalaki dahil isang linggo pa lang nang ilibing ang namayapang ama. Hindi na rin tama na kumilos ang mga ito na parang tinedyer kaya tinapat ng babae ang ina.

“Inay, isang linggo pa lang po nang ilibing si itay pero nakikipagmabutihan na agad kayo sa ibang lalaki. Nakakahiya naman po. At saka tigilan niyo nga po ang pag-aastang tinedyer, ibagay niyo naman po ang kilos at pananamit niyo sa edad niyo,” sabi niya sa ina.

Advertisement

“Ano bang masama sa ginagawa namin ni Ernesto? Dinadalaw lang naman niya ako rito at nagkukuwentuhan lang kami. Masaya ako mula nang bumalik siya rito, anak kaya pakiusap pagbigyan mo na ako,” wika ni Auring.

“Inay naman. Ano bang meron ang Ernesto na iyan at mula nang makita mo ay nagkaganyan ka na? Sabihin mo nga sa akin, inay. Ano?” may tonong wika ni Crezia.

Hindi na nakapagpigil pa si Auring at sinabi na sa anak ang totoong kaugnayan nito kay Ernesto.

“Siya ang unang lalaking minahal ko, anak. Bata pa lang kami ay parehas na kami ng nararamdaman sa isa’t isa. Ayaw sa kanya ng lolo at lola mo dahil isa raw siyang ampon at putok sa buho. Ngunit kahit anong pigil nila sa amin ay mas lalo kaming nagmahalan at naging malapit sa isa’t isa. Di inaasahang nagbunga ang aming pagmamahalan ng sanggol na lalaki. Tuwang-tuwa kami nang magkaroon kami ng anak subalit hindi pala magtatagal ang kasiyahan naming iyon ni Ernesto dahil nalaman ng lolo at lola mo na nagsilang ako ng sanggol kaya umupa sila ng tao para nakawin ito at ilayo sa amin,” bunyag ng ina.

“Dyusko, inay!” tanging nabanggit ni Crezia.

“Mula noon ay hindi na namin nakita ang aming anak. Nagtagumpay sila na paghiwalayin kami. Pinalabas nila na pinagsamantalahan ako ni Ernesto at siya’y nakulong ng walang kasalanan. Ako naman ay pilit na ipinakasal sa iyong ama na anak ng matalik na kaibigan ng iyong Lolo. Nabalitaaan ko na lang na pinawalang sala rin si Ernesto matapos ang aming kasal ni Pablito. Mula noon ay hindi ko na siya nakita. May nakapagsabi sa akin na nakapag-asawa siya at nagkaroon ng dalawang anak. Sinubukan ko ring hanapin ang nawala naming anak ngunit nabigo ako. Kung nasaan man siya naroroon, sana ay nasa mabuti siyang kalagayan at sana mapatawad niya kami ng kanyang ama sa mga pagkukulang namin. Ngayon nagbalik na si Ernesto sa buhay ko ay ayoko nang pakawalan ang pagkakataong ito na makasama siya. Nagbibihis kami at kumikilos na parang tinedyer dahil gusto naming ibalik ang dati, nung kabataan namin kung saan malaya naming naipaparamdam na mahal namin ang isa’t isa. Patawarin mo ako anak kung ngayon ko lang ipinagtapat sa iyo ang totoo. Minahal ko rin ang iyong ama at alam kong minahal rin niya ako, pero sana bigyan mo ako ng tiyansa na maging masaya sa piling ng unang lalaking nagmahal sa akin. Bago man lang ako mawala sa mundo,” sabi ng ina.

Hindi na napigilan ni Crezia ang luhang dumaloy sa kanyang mga mata. Imbes na tampo ay awa ang naramdaman niya sa pinagdaanan ng ina. Hindi niya akalaing ganoon kalungkot at kasakit ang kuwento ng pag-iibigan ng ina at ni Ernesto.

“Sorry, inay. Hindi ko po alam na ganoon po pala ang pinagdaanan niyong dalawa. Mahal na mahal ko kayo, kaya kung ano ang makapagpapaligaya sa inyo ay sino ba naman ako para pigilan kayo?” lumuluhang wika ng babae sabay yakap ng mahigpit sa ina.

Advertisement

“Maraming salamat, anak!”

Hindi na pinigilan ni Crezia ang pagmamahalan ng inang si Auring at Ernesto. Hinayaan niyang maging masaya ang mga natitirang araw ng dalawang matanda sa piling ng isa’t isa. Hindi rin tumutol ang mga anak ni Ernesto sa relasyon ng lalaki sa kanyang ina. Makalipas ang isang taon ay ikinasal ang dalawa at namuhay na magkasama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!