Pinagpapalo ng Babae ang Matandang Gusgusin na Palaging Nasa Labas ng Kanilang Bahay, Labis-labis ang Pagsisisi Niya nang Malaman ang Katotohanan sa Pagkatao Nito

Tuwing lumalabas ng bahay si Emilia ay naiinis ang babae kapag nakikita sa labas ang matandang babae na palaging nakaupo sa tapat ng kanilang bahay. Matandang gusgusin kung tawagin ng mga kapitbahay dahil punong-puno ng dumi ang buo nitong katawan.

Hindi naman nanggagambala ang matanda at tahimik lang itong nakaupo sa tabi ng kalsada. Mayroon itong mahabang buhok na tumatakip sa mukha nito. Mayroon namang may magagandang loob na nagbibigay rito ng pagkain at inumin ngunit hindi kabilang doon si Emilia.

(photo for illustration purposes only.)

“Hay naku, Emman kailan ba aalis ang gusgusing matanda na iyan sa tapat ng bahay natin? Baka mamaya pumasok pa iyan dito at pagnakawan pa tayo,” inis na wika ng babae.

“Hindi ka naman inaano ng matanda at galit na galit ka?” tanong ng asawa.

“Iba na ang panahon ngayon, Emman. Ang akala mong mga hindi gagawa ng masama ay iyong mga halang pala ang kaluluwa. Malay ba natin kung nagmamatyag lang pala ang matandang iyan dito sa atin at may balak palang magnakaw dito. Sa tuwing lalabas ako ay nakikita ko na palaging nakatingin dito ang matandang gusgusin!”

Nang lumabas ng bahay si Emman para pumasok sa trabaho ay nakita nga niyang nakatingin sa kanya ang matandang babae. Hindi niya maaninag ang mukha nito dahil natatakpan ng mahaba nitong buhok. Habang naglalakad siya ay habol siya nito ng tingin.

Hanggang sa pag-uwi niya ng bahay ay napansin niyang nakatingin sa kanyang pagdating ang matandang gusgusin. Nakaramdam siya ng awa rito kaya nilapitan niya at inabutan ng dalang pagkain.

“Manang, baka po nagugutom na kayo ito po tanggapin niyo itong pansit,” aniya.

Advertisement

“Iniangat ng matanda ang mukha at tumingin sa kanya. Sa pag-abot niya rito ng pagkain ay agad nitong hinawakan ang kanyang kamay. Nabigla si Emman sa paghawak ng matanda. Kakaiba ang hawak na iyon na para bang puno ng emosyon. Matagal ang pagkakahawak sa kanya ng matanda hanggang sa siya na ang kusang bumitaw sa mga kamay nito.

(photo for illustration purposes only.)

“Maraming salamat, anak!” anito sa mahinang boses.

Hindi pinansin ni Emman ang ginawa ng matanda ngunit nag-iwan iyon ng malaking katanungan sa kanyang isipan.

“Parang kilala ko ang hawak na iyon, pero hindi ko lang matandaan,” sabi niya sa sarili.

Dahil sa nangyari nang nagdaang gabi ay hindi niya naiwasan na muling lapitan ang matanda at binigyan niya ulit ito ng pagkain.

“Manang, tinapay po!” alok niya rito.

“Tiningnan muna siya ng matanda saka kinuha ang dala niyang tinapay. Muli siya nitong hinawakan sa kamay. Naramdaman na naman niya ang kakaibang pakiramdam na naramdaman niya nang una nitong hawakan ang mga kamay niya. May kakaibang init ang mga hawak na iyon.

Mayamaya ay lumabas ng bahay si Emilia at nakita nito ang asawa kalapit ang matandang gusgusin. Agad siyang tinawag ng babae.

Advertisement

“Hoy, Emman, anong ginagawa mo riyan! Layuan mo nga ang gusgusing iyan at baka mahawa ka pa ng sakit niyan!” sigaw ng babae.

Pagbalik nila sa bahay ay binulyawan siya ng asawa.

“Bakit ka ba lapit ng lapit sa matandang iyon, baka mamaya may nakakahawang sakit iyon at mahawa ka pa o di kaya’y bigla kang sugurin at saktan ka. Alam mo naman na may sayad iyon, e!” gigil na gigil na sabi ng babae.

(photo for illustration purposes only.)

“Tumigil ka nga, Emilia. Masyado kang OA kung mag-isip. Binigyan ko lang ng pagkain ang matanda. At isa pa mabait siya at hindi nananakit,” paliwanag niya sa asawa.

“Bahala ka, kapag may ginawang di maganda ang matandang iyan sa iyo, walang sisihan!”

Isang araw, paglabas ng bahay ni Emilia para magtapon ng basura ay bumungad sa kanya ang matandang babae. Nasa harap ito ng kanilang gate at nakatayo. Inis niya itong sinita at sinigawan.

“Hoy, anong ginagawa mo dito sa labas ng bahay namin, magnanakaw ka ‘no?” galit niyang sabi sa matanda.

Tangkang hahawakan nito ang kanyang braso nang bigla niyang itinulak ang matanda.

Advertisement

“Huwag mo nga akong hawakan, baka mahawa pa ako ng galis mo!” sigaw niya rito.

Hindi pa nakuntento si Emilia, nadampot niya ang walis tambo at walang awang pinapapalo ang matanda.

“Huwag, huwag, maawa ka!” sigaw nito na halos mamilipit sa sakit sa bawat palo ng babae.

(photo for illustration purposes only.)

Nang biglang dumating si Emman, nakita nito ang kalupitang ginagawa ng asawa at agad itong pinigilan.

“Tama na, Emilia, maawa ka naman sa matanda!” sigaw niya sa asawa habang inaawat ito.

Agad niyang nilapitan ang matanda para tulungang itayo. Laking gulat niya nang hawiin niya ang buhok at makita ang mukha nito. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita.

“I-inay, inay ikaw ba iyan?” mangiyak-ngiyak na sabi ng lalaki.

“A-ako nga anak ko…” anito sa sa mahinang boses.

Advertisement

Napag-alaman ni Emman na ang matandang palaging nakaupo sa labas ng bahay nila ay ang kanyang ina na matagal nang nawawala. Pinalayas ito ng kanyang ama matapos mahuli na mayroong ibang lalaki ngunit mali ang akala nito dahil pinagtangkaan palang halayin ng lalaki ang kanyang ina. Hindi pinakinggan ng yumao niyang ama ang paliwanag ng ina at pinalayas ito. Mula noon ay nagpalaboy-laboy na ang babae at naging pulubi. Ang hindi alam ng lalaki ay nakamatyag lang sa kanya ang ina hanggang sa makapag-asawa siya at magkaroon ng sariling bahay. Pumuwesto ang matanda sa labas ng bahay niya at nanatili doon para mabantayan siya nito.

“Kaya pala nang hawakan niyo ang aking mga kamay ay nakaramdam ako ng kakaiba, lukso pala ng dugo ang naramdaman ko. Inay, bakit hindi mo ako binalikan at bakit hindi ka nagpakilala sa akin?” tanong niya rito.

“Dahil ayoko nang guluhin ang buhay mo, anak. Masaya na akong makita ka kahit sa labas lang ng bahay mo. Matanda na rin naman ako, kaunti na lang ang itatagal ko sa mundo kaya ayoko nang bigyan ka pa ng intindihin,” anito.

(photo for illustration purposes only.)

Halos madurog ang puso ni Emman sa ina.

“Hayaan mo inay, mula ngayon ay magkasama na tayo. Hindi ko hahayaan na magpagala-gala ka pa sa kalye. Aalagaan kita at mamahalin sa natitira mong oras. Sobra kitang na-miss, inay!” patuloy na iyak ng lalaki.

“Na-miss din kita, anak. Mahal na mahal kita!”

Labis-labis naman ang pagkapahiya at pagsisisi ni Emilia nang malaman na ang matandang gusgusin na pinagmalupitan niya ay ang ina ng kanyang asawa. Halos wala siyang mukhang maiharap rito.

Nilapitan niya ang mag-ina at humingi ng tawad sa ginawa.

Advertisement

“Patawarin niyo po ako inay!” aniya sa nagsisising tono.

“Pinatatawad na kita, hija!” sagot ng matanda.

Kinupkop ng mag-asawa ang matanda. Kung dati ay mga tira-tirang pagkain ang kinakain nito, masasarap at masustansyang pagkain na ang kinakain ng matandang babae at kung dati ay sinusungitan siya ng manugang, ngayon ay maayos na ang pakikitungo nito sa kanya at naging malapit pa sila sa isa’t isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!