Pinagselosan ng Panganay ang Kaniyang Bunsong Kapatid, Natauhan Lamang ang Mag-asawa Nang Maglayas Ito

Mula nang maipanganak ang bunsong kapatid ni Jerico na si Amelia ay halos nabaling na lamang dito ang atensyon ng kanilang mga magulang. Bagaman siya ay walong taong gulang pa lamang ay hindi niya maiwasan ang magselos sa kapatid.

“Mommy, pahingi rin ako ng chocolates,” wika niya sa ina.

“Sige eto ang sa’yo Jerico, eto namang tira ay para na kay Amelia,” sagot ni Rowena.

Nakita man niyang mas malaki ang tipak ng tsokolateng itinira para kay Amelia ay hindi na lamang siya nagreklamo.

Napapansin din niya ang mas madalas na pamimili ng mga magulang ng laruan para sa bunsong kapatid, samantalang siya ay bibihira lamang nilang mapagbigyan.

“Mommy gusto ko yung doll na ‘yon,” wika ni Amelia habang sila ay namamasyal sa mall.

“Sige anak, kunin mo na nang mabayaran na natin.”

“Mommy ako rin, gusto ko ng kotse-kotsehan,” wika ni Jerico.

Advertisement

“Sa susunod ka na lang Jerico ha? Si Amelia muna ang bibilhan natin ngayon,” sagot ng kaniyang ama.

Nagtatampo man ay wala siyang nagawa kundi tumango na lamang sa mga magulang. Pagkauwi nila ay agad na binuksan ni Amelia ang bagong manika at niyaya ang kaniyang kuya na makipaglaro.

“Kuya laro tayo, dalin mo yung toys mo rito,” paanyaya niya.

“Ikaw na lang, magvi-video games na lang ako,” walang gana niyang sagot.

“Si Amelia na lang palagi, siya lang yata ang mahal nila sa bahay na to eh, anak din naman nila ako,” bulong ni Jerico sa sarili.

Isang umaga ay nagising na lamang si Jerico na nakakalat na sa kaniyang kwarto ang ilang laruan ni Amelia, pinakialaman na rin nito ang mga personal niyang gamit na labis niyang ikinagalit.

“Amelia! Sino may sabing pwede kang pumasok dito? Ang aga-aga ang ingay mo, doon ka sa kwarto mo!” sigaw niya sa kapatid at pinaghahagis ang mga laruan nito.

Pumalahaw naman ng iyak ang bata at maya-maya pa’y dumating na ang kanilang ama’t ina.

Advertisement

“Amelia anak, anong nangyari bakit ka umiiyak?” tanong ng nanay nila.

“Si kuya, mommy sinigawan ako tapos tinapon niya ‘yong toys ko,” sumbong ng bata.

Hindi nakapagpigil ang ama ni Jerico at pinasok siya sa kwarto upang mapagalitan.

“Jerico, napakabata pa ng kapatid mo, wala kang karapatan na sigawan siya ng ganoon, gusto lang naman niya makipaglaro sa’yo.”

“Ayoko siya kalaro daddy. Tsaka kinalat niya yung mga toys ko oh, bakit siya na naman ang kinakampihan niyo?” sagot niya.

“Kelan ka pa natutong sumagot ng ganyan sakin, ha?” sabay hataw nito ng palo sa kaniyang pwetan.

Dahil sa nangyari ay nagkimkim ng sama ng loob si Jerico sa kaniyang mga magulang. Kinagabihan ay nag-alsa-balutan siya at kinuha ang ilang salapi na laman ng kaniyang alkansya.

“Tutal wala naman kayong pakialam sakin, eh di aalis na lang ako,” bulong niya sa sarili.

Advertisement

Kinaumagahan ay pinuntahan ng mag-asawa ang kwarto ni Jerico upang siya ay kausapin at paliwanagan. Ngunit laking gulat nila nang makitang wala na ang anak at ang ilan sa mga damit nito.

“‘Di kaya naglayas ang anak natin?” wika ng babaeng umiiyak.

“Huwag naman sana, pero pupuntahan ko ang security ng subdivision natin para magtanong.”

Agad na tumakbo palabas ang kanilang ama upang ipagtanong kung mayroon bang nakakita sa kanilang anak. Sa kasamaang palad ay hindi rin napansin ng mga security ang bata. Isang magbobote ang nakarinig sa kanilang usapan at lumapit.

“Ako, boss! May nakita akong bata kagabi, maputi siya tsaka may dalang bag na pula, may sombrerong asul at naka-t-shirt na puti,” anito.

“Nakita niyo po ba kung saan siya pumunta?” tanong ng ama.

“Lumabas siya ng subdibisyon boss, hindi ko naman na sinundan.”

Agad na nabahala ang ama ni Jerico at itinawag sa kaniyang asawa ang balita. Nagpatulong ang mag-asawa sa mga pulis at security guard at hinalughog nila ang mga kalapit na lugar ng kanilang barangay. Sa isang waiting shed ay natagpuan nila ang natutulog na si Jerico.

Advertisement

“Sir! May bata dito, baka pwede niyong ihatid dito yung mag-asawa para makumpirma,” mensahe ng isang pulis.

“Okay copy.”

Nakarating ang mag-asawa sa sinasabing waiting shed at doon nila nakumpirma na si Jerico nga ang kanilang natagpuan, tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang mag-asawa at labis na pinasalamatan ang awtoridad sa kanilang tulong bago iniuwi ang anak.

“Anak bakit mo naman ginawa iyon? Sobrang nag-aalala kami ng daddy mo,” wika ng umiiyak niyang ina.

“Akala ko kasi mommy hindi niyo na ako mahal eh, lagi lang kasi si Amelia ang paborito niyo,” sagot niya.

“Hindi yan totoo anak, ipapaliwanag ko sa iyo ha? Ganito kasi… Si Amelia nung pinanganak siya, sabi ng doktor ay mayroon siyang malubhang karamdaman.”

“Ano pong ibig sabihin nun, daddy?”

“Ibig sabihin anak, hindi natin makakasama ng matagal ang kapatid mo, maaring sa susunod na taon mawala na siya sa piling natin,” paliwanag ng lumuluhang ama.

Advertisement

Ngayon ay naintindihan na ni Jerico kung bakit labis na nababaling ang atensyon ng kaniyang mga magulang sa bunsong kapatid. Humingi siya ng tawad sa mga magulang at ganun din naman sila. Simula noon ay naging mas malapit na rin ang kaniyang loob sa kapatid na si Amelia.

Hindi maiintindihan ng mga bata ang ilan sa ating mga aksiyon kung hindi natin ito ipapaliwanag sa kanila. Mabuti na ang mayroong bukas na komunikasyon sa loob ng pamilya upang maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!