Malapit na Sana ang Babae Patungo sa Tagumpay, Isang Malakas na Ulan ang Hahagupit sa Kanya Upang Bigyan Siya ng Isang Aral na Dadalhin Niya Habambuhay

Makulimlim na umaga noon nang lumabas si Jenica ng bahay upang umalis. Coding ang kanyang sasakyan kaya napagdesisyunan niyang sumakay na lamang ng jeep, hindi naman din kalayuan ang pupuntahan niya.

Kinaway niya ang kanyang kamay at pumara ng jeep, “pasakay po!” sigaw niya sa sasakyang dumaan. Maya-maya ay tumigil ito at agad siyang sumakay.

“Manong patungong tagumpay nga po,” ang sabi niya sa drayber ng dyip habang inaabot ang sampung piso.

Naisip niya ang mabilis na pagtaas ng pamasahe. Sa estado ngayon ng bansa, hindi talaga pwedeng hindi gagastos. Malayo kasi ang lugar na iyon, malayo pa ang tagumpay. Maari naman lakarin din patungo roon, kaso medyo mahaba-habang lakarin din. Kung walang pera, tanging sipag at tiyaga ang kailangan upang makarating patungo doon.

Habang nasa byahe ay bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan mula sa madilim na kalangitan. Kasabay ng malakas na ihip ng hangin dumagundong ang malakas na kulog kasunod ng isang nakakatakot na kidlat. Dahan-dahang pinatakbo ng drayber ang pagmamaneho upang makaiwas sa posibleng aksidente.

“Ano ba naman iyan! Baka mahuli na ako ng dating sa tagumpay,” saad ni Jenica sa kanyang isip.

Lumakas pa lalo ang pagbuhos ng ulan na tila ba ay bagyo na. Napagpasyahan ng drayber na pansamantalang huminto sa isang tabi dahil hindi na maaninag ang kalsada sa sobrang lakas ng ulan.

“Hay!” tanging buntong hininga na lamang ang dalaga. Huli na siya sa trabaho. May kalayuan pa ang tagumpay na nais marating. Napatingin siya sa may bintana at bahagyang inilahad ang mga palad sa labas. Minamasdan niya ang pagpatak sa kanyang mga palad. Kasunod nito ay ang alaala ng isang mapait na karanasan.

Advertisement

Naalala niya noong panahong nag-aaral pa lamang siya. Labis ang pagsisipag at pagsusumikap niya noon para sa kanyang amang may malalang sakit. Pangarap niyang maging isang matagumpay na doktor para magamot ang karamdaman ng ama.

Paalis sana siya noon para pumunta sa interbyu nang atakihin ng hapo at matinding pag-ubo ang kanyang ama. Nakita niyang hirap na hirap ito at naghahabol ng hininga. Ayaw na sana niyang umalis noon subalit pinilit pa rin siya ng kanyang ama na magtungo doon.

“Ano ka ba naman Jenica? Ubo lamang ito. Maya-maya ay ayos na rin ako. Huwag mo na ako alalahanin pa. Sige na at pumunta ka na sa interview. Sayang ang panahon at pagkakataon ‘pag pinalagpas mo pa ito,” saad ng kanyang ama at saka ito ngumiti ng malaki, yung ngiting nagbibigay ng lakas sa kanya.

Habang nasa proseso ng interbyu at eksam ay panay naman ang tunog ng kanya cellphone. Medyo hindi na rin kumportable ang babaeng nag-iinterbyu dahil sa ingay ng sunod-sunod na pagtunog nito.

Pagtapos ng interbyu ay nagmadali siyang nagsagot sa eksam na para sa internship at saka tinawagan pabalik ang kanyang ina.

“Nanay, kumusta po kayo diyan? Kumusta si tatay?” tanong ng dalaga.

“A-anak…” narinig niyang humihikbi ang kanyang ina, “ang tatay mo kasi… wala na siya anak. Iniwan na niya tayo,” lumuluhang tugon naman ng ina sa kabilang linya.

Dali-dali siya noong lumabas para umuwi. Hindi na niya alintana ang malakas na buhos ng ulan noon. Wala na siyang pakialam kung mabasa siya, ang mahalaga ay makauwi siya agad. Pagkarating niya ay agad niyang niyakap ang walang buhay na katawan ng kanyang ama.

Advertisement

Tila ba tumigil sa pag-ikot ng kanyang mundo nang mawala ang kanyang ama. Kasabay nito ay ang paghinto rin ng inaasam na pangarap at tagumpay sa buhay.

“Miss, ayos ka lamang ba?” tanong bigla sa kanya ng drayber.

“A-ako po?” gulat na sagot niya.

“Umiiyak ka kasi. Gawa ba ng ulan kaya ka naiiyak?” muling tanong ng lalaki.

“H-hindi po manong. May dumi lang po na pumasok sa aking mata,” pagpapalusot niya.

“Alam mo ba? Ayaw na ayaw ko rin ng ulan. Madalang lang kasi ang pasahero, kaya’t mahina din ang kita. Kailangan pa na laging mabagal ang takbo kaya mas maraming oras ang nawawala na sana ay nakarating na tayo sa dapat nating puntahan.

Magkagayon man, kailangan pa rin natin ng ulan. Kailangan pa rin ng maraming halaman at mga hayop sa mundo ang minsanang pag-ulan,” pahayag ng drayber.

Habang nagsasalita ang drayber ay isang alaala na naman ang muling nagbalik sa kanyang memorya. Isang taon na din pala ang nakalipas magmula ng pumanaw ang kanyang ama. Doon siya nakaramdam ng sobrang kabiguan.

Advertisement

Nawalan na siya ng gana na mag-aral. Unti-unting naging malabo ang malinaw na daan na sana’y tatahakin niya. Nawala ng tuluyan ang kanyang direksyon at ipinag-isangtabi na lamang ang kanyang pangarap na maging doktor, ngunit hindi naman siya hinayaan ng ina na malugmok na lamang ng ganun.

“Anak, sadyang may mga pagkakataong uulanin at babagyuhin talaga ang buhay natin ng mga problema, pero dumarating ito upang tayo ay patibayin at lalo pang palakasin. Maging mabagal man ang takbo, kung ang daan may maging baku-bako, ituloy mo pa rin ang biyahe sa inaasam na tagumpay.

Tiyak ko na labis na matutuwa ang iyong ama kapag nakita niyang ipinagpatuloy mo ang pangarap at ipinaglaban mo ang lahat ng ito sa likod ng mga pagsubok na pinagdadaanan mo,” naluluhang pahayag ng kanyang ina noon.

Maya-maya pa ang biglang bumalik siya sa ulirat nang muling magsalita ang drayber ng dyip. Napakalalim na pala ng kanyang iniisip. Hindi na rin niya namalayan na tumutulo na ang kanyang luha.

“Miss, nandito na po tayo sa Tagumpay street,” ang sabi ng drayber habang itinitigil ang dyip sa isang tabi.

“Salamat po manong! Mag-ingat po kayo!” pagpapaalam niya sa drayber.

“Kayo din, miss! Hindi naman panghabang buhay na uulan. Tulad nito, dumaan lang ang isang malakas na buhos ng ulan, pero kalauna’y muling sumilip ang liwanag ng araw mula sa kalangitan,” nakangiting saad ng drayber. Kumayaw lamang ito at saka pinatakbo ang jeep.

Sa wakas ay nakarating din si Jenica sa Tagumpay, ang kanyang Tagumpay…

Advertisement

“Doc Jen, nandyan na po pala kayo. Medyo mahaba na po ang pasyente na naghihintay sa inyo,” pagbati sa kanya ng kanyang nars sa sariling niyang clinic na tinawag niyang ‘Tagumpay Clinic.’

Tulad ni Jen, lahat tayo ay dumaan din sa isang malakas na unos. Dumating din tayo sa puntong nais na nating sumuko, pero pakatandaan na sa pagdaan ng ulan, isang malaking liwanag din ng pag-asa ang muling sisilay galing sa kalangitan.

Hindi habang buhay na bibyahe tayo sa sa baku-bakong daan, at hindi rin naman bubuhos ang ulan magpakailanman, kaya’t kung mayroon tayong naisin at malaking pangarap, ipagpatuloy lamang natin ito at patuloy na lumaban hanggang sa ating marating ang inaasam na tagumpay.