Kaliwa’t Kanan kung Gumastos ang Dalaga sa Tuwing Natatanggap ang Sahod, Sinampal Siya ng Reyalidad nang Isang Trahedya ang Nangyari

Limang taon nang nagtatrabaho sa call center sa Pasay si Jean, talaga namang damang-dama niya ang mga pinaghirapan dahil tuwing sumusweldo ay bibili siya ng bagong gamit para sa sarili. Ang kanyang mga magulang ay nasa probinsya at di naman siya inoobliga ng mga ito na mag abot ng pera, natitiis din naman ni Jean na huwag na lang magpadala.

“Uy may sahod na ba?” tanong ni Jean sa kanyang katabi.

“Wait i-check ko sa online bank application,” sabi nito at binuksan ang cellphone. Pwede na kasi ang ganoon, ilalagay lang ang username at password sa website ng bangko ay makikita na kung ilang ang laman ng account , o kung may pera na bang pumasok sa ATM .

Tahimik na naghintay si Jean, nagdarasal na sana, meron na. Short na short na kasi talaga siya sa budget at pamasahe na lang pauwi ang mayroon siya, sakali namang ma-delay ang sahod, na bibihira namang mangyari ay lagot siya dahil kailangan niya na namang mag-drama tulad ng nasira ang ATM card niya o nawala, o nanakawan siya ng wallet kung hindi ay hindi siya makakapasok. Nakakahiya syempreng aminin na wala na siyang pera kaya kung anu anong dahilan ang sinasabi niya.

“Ayan, meron na pala. 15,000.” sabi ng katabi niya at ipinakita pa iyon.

Agad tumayo si Jean sa upuan upang mag withdraw ng pera, kay laki ng ngiti sa kanyang mukha.

Nang makuha niya na lahat ay nakasalubong niya na ang kaibigan si Ella. “Huy, pupunta ako sa Starbucks, tara kape lang! Nakaka-stress eh!” sabi niya, hindi iniisip na mahal ang kape doon at kani-kanina lang kahit pamasahe ay wala siya.

“Sige, meron akong baon na 3 in 1, okay lang,” nakangiting tanggi nito. Inasahan na naman ni Jean, hay nako, ang kaibigan niya. Hindi marunong mag enjoy.

Advertisement

Palihim na lang siyang umirap at nagtuloy na sa bilihan ng kape, basta siya, eenjoyin niya ang pinaghirapan. Bago mag uwian ay abala na si Jean sa pag-shopping online. Di pa man lumilipas ang isang araw ay nakakatatlong libo na siya.

“O my gosh! Ella! Tignan mo itong Nike Air force for women! Ang ganda.. grabe,” sabi niya sa kaibigan.

“Magkano yan?” tanong nito. Napaismid naman si Jean nang marinig ang tanong ng babae, alam niya na kasi ang karugtong noon- ang mahal naman!

“Alam mo Ella, enjoy life!” sabi niya rito.

“Enjoy naman ako ah,” nakangiting sabi nito. Natatawa dahil alam naman nito ang tinutukoy niya.

“Come on. Saan ka bumibili ng damit aber?” tanong niya rito.

“Minsan sa mall, madalas sa ukay ukay. Divisoria ganyan, bakit? magaganda ang damit doon huy! Basta mag tyaga ka lang maghanap,” sabi nito. Totoo naman iyon, mas mura pa, halos pareho lang din ng mga branded na clothes sa mall.

“O my god seriously?! Sobrang..sobrang cheap don girl! Gosh, sa call center ka nagwo work tapos ang outfit mo, sa ukay?!” sabi ni Jean, halos mapatili siya sa sobrang pagkagulat. Grabe naman ang kaibigan niya! Samantalang siya, mula ulo hanggang paa, branded ang suot. Hindi bumababa ng 500 pesos kahit ang accessories niya.

Advertisement

Hindi nalang kumibo ang babae, ayaw na nitong makipag argumento kay Jean dahil halata namang sarado ang utak ng kaibigan.

Samantala, itinuloy ni Jean ang pagbili ng sapatos na halagang anim na libong piso, bukod pa doon ang pagbili niya ng ilang damit, kumain muli sa mamahaling restaurant ang babae. One day millionaire, ganyan siya tuwing sahod.

Hanggang sa namalayan niya na lang na dalawang libo na lang ang natitira sa kanya, sakto lamang sa allowance niya sa loob ng dalawang linggo- hanggang sa susunod na sahod.

Nakahiga na si Jean at ang laki ng ngiti dahil nabili na niya ang mamahaling sapatos nang mag ring ang kanyang cellphone. Ang kanyang inay.

“Nay, napatawag kayo?” bungad niya rito.

“Jean.. alam mo namang hindi kami humihingi sa iyo, kinakaya namin.Pero kakapalan ko na ang mukha ko anak, inatake ang tatay mo. Wala kaming kapera-pera naubos na sa gamot nya. Kailangang kailangan namin ng tulong anak,” lumuluhang sabi nito.

“S-sige nay. Pupunta po ako bukas,” sabi niya at ibinaba na ang tawag, nanghihina niyang nahawakan ang magkabilang sentido. Saan naman siya kukuha ng pera ngayon?

Problemado siya nang dumaan sa opisina kinabukasan, magpapaalam muna siya nang personal bago siya luluwas sa probinsya upang bisitahin ang ama.

Advertisement

“Narinig ko ang nangyari sa papa mo, o.” sabi ni Ella at iniabot sa kanya ang isang sobre.

Nang buksan niya iyon ay nagulat siya sa laman, pera. Siguro ay nasa 20,000 pesos.

“Wag ka nang magsalita. Ipon ko yan, bayaran mo na lang kapag nakaluwag luwag ka.” sabi nito at tumalikod na.

Sa totoo lang ay nahihiya siya. Nahihiya siya kay Ella at sa sarili niya. Sa tinagal tagal niyang nagtatrabaho ay wala siyang naipon, wala tuloy siyang mabunot sa oras ng pangangailangan. Ang kaibigang kinukwestyon niya ang siya pa palang sasagip sa kanya ngayon.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyongnsagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.