Tinutukso at Minamaliit ang Bulag at Pilay na Binatilyo ng mga Kaklase at Sariling Pinsan, May Matindi Pala Itong Pinagdaanan na Sanhi ng Kapansanan Nito

Mula nang lumipat sa bagong eskwelahan ang banatilyong si Jonas ay hindi na siya nilubayan ng panunukso ng mga kaklase. Bulag kasi ang kanang mata niya at may diperensiya pa ang kanyang kanang binti.

“Uy magsitabi kayo at daraan si Jonas pirikit!” tukso ng isa niyang kaklaseng lalaki.

“Hindi lang pirikit, Jonas pilay pa!” gatol pa ng isang bata.

Sabay-sabay na nagtawanan ang mga kaklaseng nanunukso sa kanya.

Imbes na magalit ay hinahayaan na lamang niya ang mga panunukso sa kanya ng mga ito. Wala rin naman siyang dapat ikagalit dahil totoo naman ang sinasabi ng mga kaklase na pirikit siya at pilay.

Ngunit pagdating sa klase ay hinahangaan naman siya ng mga guro niya dahil sa husay at galing niya sa mga aralin. Sa lahat ng subject ay siya ang pinakamagaling kaya kinaiinggitan din siya ng ibang kaklase sa taglay niyang talino.

“Jonas, ang galing mo naman, ikaw na naman ang may pinakamataas na score sa exam natin si Math!” sabi ng kaklase niyang si Ivy.

“Wala iyon, natsambahan ko lang!” natatawa niyang wika sa kausap.

Advertisement

Nilapitan sila ng guro nilang si Ms. Angeles at tuwang-tuwang binati si Jonas.

“Napakatalino mo talagang bata, hijo! Ituloy-tuloy mo lang iyan at siguradong ikaw ang magiging valedictorian sa nalalapit na graduation,” masayang balita ng guro.

Ngunit kahit anong galing niya sa klase at may mga humahanga sa katalinuhan niya ay mas marami pa rin ang kumukutya sa kanyang kapansanan.

Minsan habang naglalakad siya pauwi ay nakasalubong niya ang grupo ni Bobby, ang nangunguna sa pagmamaliit at pangbu-bully sa kanya.

“Hoy, Jonas bulag, ano’t haharang-harang ka sa daraanan namin?” anito.

“Wala naman akong ginagawa sa inyo at hindi ako humaharang,” sabi niya sa mahinahong boses.

“Aba at sumasagot pa, Bobby si bulag, o!” gatol ng kasama nito.

Nilapitan ng binatilyo si Jonas at itinulak nang malakas. Sa tindi nang pagkakatulak sa kanya ay natumba siya at sumadsad sa lupa.

Advertisement

“Sa susunod ay huwag kang haharang ha, kapag humarang kang muli ay hindi lang iyan ang aabutin mo!’ pananakot pa nito.

Nang makaalis ang mga ito ay dahan-dahang tumayo si Jonas at inayos ang sarili. Kahit hirap maglakad dahil sa kapansanan niya sa binti ay pinilit niyang maglakad para makauwi.

Pagdating sa bahay ni Bobby ay inis na inis itong sumalampak sa sofa. Di niya alam kung bakit sa tuwing nakikita niya si Jonas ay asar na asar siya rito. Ang totoo ay pinsan niya si Jonas. Anak ito ng kapatid ng kanyang ina ngunit hindi sila malapit sa isa’t isa dahil sa kakaibang itsura ng pinsan ay ayaw niya itong kasama.

Isa pa sa ikinagagalit niya rito ay ang pagiging magaling nito sa klase na hindi niya magawa dahil hindi naman siya katalinuhan. Kinagigiliwan kasi ng mga magulang niya ang pinsan dahil sa talino nito kaya kapag nakikita niya ito ay kumukulo ang kanyang dugo.

“Bobby, ano itong nabalitaan ko na inaway mo na naman ang pinsan mo?!” sigaw ng kanyang ina.

“Ma, wala naman akong ginawa, e!” pagtanggi niya.

“May nakakita sa ginawa niyo ng mga kaibigan mo sa pinsan mo. Ano ba ang dahilan at bakit palagi mong sinasaktan at tinutukso ang pinsan mo?” tanong ng ina.

Hindi na napigilan ni Bobby ang kinikimkim na sama ng loob at inilabas iyon sa kanyang ina.

Advertisement

“Bakit ba palagi na lang si Jonas ang magaling, siya na lang palagi ang matalino, siya ang paborito ng lahat, ma?” aniya.

Nagulat ang ina sa sinabi ng anak. Nakita nito ang kakaibang galit na nagmumula sa mga mata ng anak.

“Ano bang sinasabi mo, anak?”

“Ma, totoo naman di ba, na si Jonas na lang palagi ang tama sa paningin niyo? Palaging siya ang kinatutuwaan ng lahat kahit na bulag at pilay ang Jonas na iyon!”

“Anak, bakit ba nagkakaganyan ka? Dapat nga ikaw ang umunawa sa pinsan mo dahil ganoon ang kundisyon niya,” sabi ng ina.

“Ayan, palagi niyo na lang sinasabi ang kondisyon niya. Parang napaka-espesyal ng kondisyon ng Jonas na iyon, e nakakadismaya nga ang itsura niya. Bulag na nga ang isang mata, pilay pa ang isang paa!”

Ikinagulat ni Bobby ang sumunod na ginawa sa kanya ng ina. Sinampal siya nito sa sobrang pagkadismaya sa sinabi niya.

“Oo nga, may diperensiya ang pinsan mo pero alam mo ba, hindi sana ganoon ang kalagayan niya kung hindi siya pinagmalupitan ng tatay niya. Masuwerte ka nga at mabait ang papa mo!” anito.

Advertisement

Hindi nakapagsalita ang bata sa sinabi ng ina.

“Anong ibig niyong sabihin, ma?”

“Lasinggero ang Tito Norman mo at palagi niyang binubugbog noon ang pinsan mo. Nang minsan umuwi ito sa bahay nila ng lasing na lasing ay sinaktan niya si Jonas at sa sobrang pananakit nito sa pinsan mo ay di sinasadyang natamaan ng bakal sa sinturon ang kanan niyang mata na sanhi ng kanyang pagkabulag at sa sobrang pagpalo sa kanya ng matigas na bagay sa kanyang binti ay nagkaroon iyon ng kumplikasyon na naging dahilan ng pagkapilay niya. Dahil sa nangyari ay hiniwalayan ng tita mo ang tito mo at binuhay na mag-isa ang pinsan mo,” bunyag ng ina.

Hindi namalayan ni Bobby na tumulo na pala ang luha sa kanyang mga mata nang malaman ang dahilan ng pagkabulag at pagkapilay ng pinsan. Hindi siya makapaniwala na matindi pala ang pinagdaanan nitong pagmamalupit sa kamay ng ama nito. Napagtanto niya na napakasuwerte niya pala dahil nagkaoon siya ng mabait at mapagmahal na ama at hindi ito kasing lupit ng ama ng kanyang pinsan.

Nang muling magkita ang magpinsan sa eskwelahan ay binati ni Bobby si Jonas at nagpakumbaba ito sa lahat ng ginawang kamalian.

“Alam ko na ang nangyari sa iyo, insan. Hindi dapat kita hinusgahan, dapat ay inunawa ko ang kalagayan mo. Ang tanga-tanga ko, napakasama kong tao,” wika niya sa kausap.

“Kalimutan na natin iyon, pinsan. Nagpapasalamat ako dahil okay na tayong dalawa,” anito sabay akbay sa kanya.

Mula noon ay naging malapit na ang magpinsan sa isa’t isa. Hindi pa rin nawawala ang panunukso at pambu-bully kay Jonas ngunit mayroon na itong tagapagtanggol, ang pinsan niyang si Bobby na dati ay inis na inis sa kanya na ngayon ay sanggang dikit na niya at parang tunay na kapatid na ang turingan nila.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!