Muling Pinagtagpo ang Dating Magkasintahan Matapos ang Walong Taon; Muli Pa Kayang Bigyan ng Isa Pang Pagkakataon ang Kanilang mga Puso?

Taong 2006, unang araw sa eskuwela ng first year highschool at transferee noon na si Darlene. Bagong mga guro at bagong mga kaklase na naman ang kanyang pakikisamahan.

May pagka-morena si Darlene ngunit maganda ang mata niya, mahaba at itim na itim ang buhok at sobrang lakas ng appeal. Tahimik lamang siya at naghihintay na mag-umpisa ang klase.

“Hi! New student ka pala.” Bati sa kanya ng isang lalaking maputi at matangos ang ilong.

“Ako nga pala si Janny. Jann Yoren Del Mundo. Pero Janny na lang for short.” Sabay abot sa kanya ng palad nito.

“Darlene Jane Perez, but call me Darlene na lang.” At kanyang inabot ang palad ng lalaki. Nagkamay sila at nagpalitan ng mga ngiti. Tumalikod at umalis na si Janny matapos noon.

Ilang minuto pa ang lumipas at bumalik ang binata dala ang bag at mga libro nito.

“Puwedeng dito na lang ako? Tabi tayo, okay lang?” Tanong nito kay Darlene na may malaking ngiti.

“S-sure.” Sagot naman ng dalaga na tila ba naiilang.

Advertisement

“Don’t worry, di ako nangangagat,.” Biro ni Janny.

Naging maganda ang unang araw ni Darlene sa bagong paaralang nilipatan. Madami siyang nakilalang mga bagong tao at kaibigan.

Lumipas ang mga araw at mga buwan, naging kumportable sa isa’t isa ang magkaibigang Janny at Darlene. Tila ba kambal na hindi sila mapaghiwalay. Lubos na ikinatuwa ni Darlene ang pagiging komedyante ni Janny, na walang ibang ginawa kundi ang patawanin siya.

Lubos naman na ikinagalak ni Janny na mapangiti ang sweet na dalaga. Pakiramdam niya ay para siyang nanalo sa lotto sa tuwing ngingiti at tatawa ito.

Nagsumikap ang magkaibigan sa pag-aaral. Madalas silang nagtutulungan pag may takdang-aralin at proyekto na kailangan isumite sa kanilang mga guro. Naging ganito ang takbo ng kanilang pag-aaral hanggang sa makarating sila ng third year highschool.

“D-Darlene, pwede bang..” Tila nalunok ni Janny ang kanyang dila.

“Pwede bang ano..”

“Ano yun?” Sagot naman ni Darlene habang tumatawa.

Advertisement

“Bilisan mo at uuwi na din ako.”

“Pwede bang maging date kita sa JS Prom?” Nagmamadaling tanong ng binata.

Napangiti namang lalo si Darlene at namumula na ito. “Oo naman.”

“YES!” Napatalon ang binata sa sagot na narinig.

Dumating ang araw ng JS Prom. Sinundo ni Janny sa kanilang bahay si Darlene. Laking pagkamangha niya nang makita ang napakagandang dalaga na nakasuot ng pulang dress.

Dumating sila sa venue at tila ba hindi matanggal sa kanya ang titig ng binata.

“Baka naman matunaw ako niyan ha?” Biro ni Darlene.

“H-ha? Sobrang ganda mo ngayon Darlene.” Namamanghang sagot ng binata.

Advertisement

“Baka ma-in love ka sa’kin niyan ha?” Muling pagbibiro ni Darlene.

“Matagal na..” Seryosong sagot ni Janny habang nakatingin sa mga mata ni Darlene.

Kinuha nito ang kamay niya at iginiya siya sa gitna upang magsayaw. Nagsimula silang sumayaw sa mabagal ngunit nakakakilig na kanta. Hindi pa rin mapawi ang titig ng binata sa dalaga.

“Alam mo bang gusto na kita simula nung first year tayo?” Seryosong tanong ni Janny sa kasayaw na dalaga.

“Mahal kita, Darlene.”

“Alam mo rin bang gusto na rin kita simula nang unang araw kitang nakilala?” Nakangiting sagot naman ng dalaga.

“Mahal na rin kita, Janny. Kahit na madalas mo akong inaasar.”

“Will you be my girlfriend?” Napahinga ito ng malalim habang naghihintay ng sagot.

Advertisement

“Yes. Girlfriend mo na ako.” Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa binata.

Walang paglagyan ang saya ng binata ng gabing iyon. Daig pa niya ang naka-jackpot sa lotto sa sobrang saya na nararamdaman. Nabigyan ng award ang dalawa ng gabing iyon bilang Prince and Princess of the Night.

Nagsimula na ring dumalaw ni Janny sa tahanan nila Darlene upang doon ay pormal na ligawan ang dalaga. Naging maganda naman ang takbo ng kanilang relasyon. Inaprubahan ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-iibigan. Sinuportahan nila ang isa’t isa lalo na tuwing mayroong problemang hinaharap.

Dalawang taon pa ang lumipas at nalalapit na ang kanilang graduation. Nakatakdang kumuha ng course na Pharmacy si Darlene sa unibersidad na malapit sa kanilang bahay ngunit isang malungkot na balita naman ang dala-dala ni Janny.

Aalis si Janny patungo sa America, kasama ang pamilya nito isang linggo pagkatapos ng kanilang graduation. Doon siya mag-aaral ng kolehiyo sapagkat permanente nang doon ang trabaho ng kanyang mga magulang.

Ilang araw pa ang lumipas at napapalapit na ang pag-alis ng pamilya nila Janny.

“Pero paano tayo niyan?” Tanong ng dalaga habang tumutulo ang mga luha sa mapupulang pisngi nito.

Magkausap ang magkasintahan sa tapat ng San Grabriel Parochial Church, kung saan silang madalas sabay na nagsisimba.

Advertisement

“Babalik naman ako. Pangako ko sa’yo iyan.” Paniniguro ni Janny sa kanyang kasintahan.

“Ano’ng kasiguraduhan ko? Paano kung makakita ka ng iba doon?” Nag-aalalang tanong naman ni Darlene.

Niyakap siya ng mahigpit ng binata at hinalikan sa noo. “Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. Pangako ko sa’yo iyan. Babalik ako at magpapakasal tayo.” Hinawakan niya ang mukha ng kasintahan at pinunasan ang luha sa mga pisngi nito.

“Maghihintay ako sa pagbabalik mo. Hihintayin kita.” Sagot ni Darlene sabay yumakap ng mahigpit sa nobyo.

Lumipad na si Janny at ang pamilya nito patungo sa America. Naging mahirap para sa kanila at lalong-lalo na kay Darlene ang pagkawalay sa kanyang kasintahan. Gabi-gabi siyang umiiyak at hindi mapagkatulog sa lungkot na nararamdaman.

Buti na lamang at dumating ang dating matalik na kaibigan ni Darlene noong elementarya na si Celine. Kahit papaano ay natulungan niyang mapawi ang lungkot ng kaibigan.

Naging madalang naman ang pag-uusap ni Darlene at Janny. Dahil na rin sa pagkakaiba ng oras sa Pilipinas at Amerika.

Lumipas pa ang mga araw at tuluyan nga silang nawalan ng komunikasyon. Unti-unting tinanggap ni Darlene ang mga nangyayari. Maaring hanggang doon na nga lamang siguro muna titigil ang kanilang relasyon, ngunit umaasa pa rin siyang babalik ang dating kasintahan upang ipagpatuloy ang naudlot na pag-iibigan.

Advertisement

Nagsimula nang pumasok si Darlene ng kolehiyo. BS Pharmacy ang kanyang kinuha, kasama ang matalik na kabibigang si Celine na kumukuha naman ng Accountancy.

“Hoy, girl!” Tawag ni Celine sa kaibigan.

“Ano na naman ‘yon? Nakakita ka na naman ng gwapo?” Pagbibirong sagot naman ni Darlene.

“Ano pa nga ba? Humanap ka na kasi ng jowa! Wag ka nang umasa dun sa ex mo no!” Sabay hawi sa buhok nitong nakakulot.

“Bahala ka. Tatanda kang dalaga.”

“Wala na akong panahon para diyan . Ang focus ko ngayon ay makatapos at maging doctor sa future. Di katulad mo, puro pagbo-boypren ang inuuna.” Seryosong tugon niya sa kaibigan.

“Ay nako. Bahala ka nga dyan. Tumanda kang dalaga! O siya. Papasok na ako.” Kinuha nito ang mga gamit at iniwan si Darlene na nag-iisa sa library.

Hindi naging madali ang buhay kolehiyo ni Darlene. Marami siyang pagsubok na pinagdaanan ngunit patuloy pa rin siyang lumalaban para sa pangarap niya.

Advertisement

Paminsan-minsan ay kanyang naaalala ang dating kasintahan. Iniisip niya kung kumusta na kaya ito at kung naiisip din kaya siya nito?

Ilang taon pa ang lumipas ay naka-graduate si Darlene bilang Cum Laude. Kasabayan din niyang nakatapos si Celine na nakatakdang umalis din upang magtrabaho sa ibang bansa nang taong iyon.

Pinagpatuloy ni Darlene ang pag-aaral ng kursong medisina sa University of Sto. Tomas. Gusto niyang tuparin ang pangarap na maging Pediatrician. Marami-rami din ang nagtangkang suyuin siya, ngunit wala sa kahit sino sa kanila ang nagtagumpay na mabihag ang puso ng dalaga.

Summer ng taong 2018, nabalitaan niyang umuwi ang dating kasintahang si Janny. Naghalong kaba at excitement ang kanyang nadama.

“Magkikita na kaya kami? Naaalala niya pa kaya ako?” Tanong nito sa kanyang sarili.

Maya-maya ay narinig niyang kumatok ang ina nito.

“Anak, dumaan pala dito yung ex mo noong highschool ka. Si Danny? Iyon nga ba ang pangalan niya?” Tanong ng kanyang ina.

“Ahh. Janny po, ma.” May kaunting kiliting naramdaman ang dalaga sa kaibuturan ng puso niya.

Advertisement

“Pinabibigay ito sa’yo.” Sabay abot ng puting sobre na mabango at may mga dekorasyon.

“At tsaka eto pa.” Isang malaking box na hindi niya alam ang nasa loob.

Dahan-dahan niyang binuksan ang sobre. Nanalaki ang kanyang mga mata na nakitang naka-imprenta doon ang pangalan ni Janny at malapit dito ay ang pangalang Darlene.

Binuksan niya ang kahon at nakitang may puting damit sa loob na saktong-sakto ang sukat sa kanya. Napaluha siya at hindi makapaniwala sa nakikita at mga nangyayari.

Ika-24 ng Abril taong 2018, eksaktong walong taon matapos silang magkahiwalay, ay muling pinagtagpo ang dating magkasintahan. Sa harap ng altar ng San Gabriel Parochial Church… Doon nag-hihintay ang matipunong lalaking pamilyar na pamilyar sa kanya.

Naglalakad si Darlene ngayon palapit sa altar habang kumakanta ang mga singer ng wedding song. Tila ba panaginip lamang lahat ng ito. Kinurot niya ang sarili upang malaman kung totoo nga ba lahat ng nangyayari.

Bumabagsak ang mga luha sa kanyang mga mata. Matapos ang ilang taong pangungulila ay sa wakas nagkita silang muli, at tulad ng pangako ni Janny, sa kasal sila nagtagpo… Sa kasal ni Janny at ng bestfriend ni Darlene na si Celine.

Noong una ay hindi matanggap ni Darlene ang mga pangyayari. Tila bata siyang nangangailangan ng paliwanag sa bawat bagay. Hindi niya alam kung paano at bakit ito nangyari. Pero totoo ang lahat, totoo ang lahat na nakalagay sa imbitasyon. Siya ang bridesmaid sa kasal ng dating kasintahan at matalik na kaibigan.

Advertisement

Masakit ang mga pangyayari, ngunit kinailangan niya itong tanggapin. Bago siya umalis at bago matapos ang araw ay nag-iwan siya ng sulat para sa dating kasintahan. Doon niya ibinuhos lahat ng katanungan at sama ng loob.

Walong taon, walong taon akong nangulila para sa iyo. Walong taon akong nag-hintay sa pagkakataong makita kang muli nang harapan. Gabi-gabi ay kasama ka sa panalangin ko, dinadalangin ko na sana ay ayos ka lamang. Sana ay masaya ka at may malusog na pangangatawan. Pinapanalangin ko na sana’y muling pagtapuin ang landas nating dalawa, at hindi naman ako binigo ng Diyos doon.

Labis ang kaligayahang nadama ko nang nabalitaan kong nagbalik ka na, ngunit para bang malamig na tubig na ibinuhos sa akin ng reyalidad nang mabasa ko ang mga salitang nakalagay sa imbitasyon na galing sa iyo. Gusto kong magalit sa’yo, gusto kong magalit sa inyo. Ang tanging lalaking minahal ko at ang nag-iisang matalik kong kaibigan ay ikakasal.

Ngunit nang nabalitaan kong buntis si Celine at masayang-masaya ka sa pangyayaring iyon, tila ba tinik na nabunot ang lahat sa aking dibdib. Napagtanto ko na ang tanging gusto ko lamang sa buhay kong ito ay makita kang masaya, at masaya na din akong malaman na magsisimula ka nang bumuo ng pamilya na dati ay pangarap lang natin.

Ang mga ngiti mo sa altar kanina, at ang mga luhang bumagsak sa iyong mga mata ay tamang dahilan at rason na upang maging masaya ako para sa inyo. Ito na siguro ang closure na hinihintay ko ng mahabang panahon. Salamat sa masasayang alaala. Mahalin mo at ingatan ang iyong asawa at ang inyong anghel na parating.

Ito pala ang tunay na ibig sabihin ng pagmamahal, ang magparaya para sa kaligayahan ng iba. Alam kong darating din ang panahon na magiging masaya ako, pero hindi pa sa ngayon.

Patuloy ko kayong ipagdadasal at hiling ko ang walang katapusang kaligayahan para sa iyong pamilya. Nandito lamang ako palagi.

Maraming salamat sa lahat.

Advertisement

Nagmamahal,

Darlene