Ipinagtabuyan Niya ang Kaibigan Dahil Tingin Niya ay Plastik Ito, Nagising Lamang Siya sa Pagkakamali Nang Huli na ang Lahat

Isang linggo nang naghahanap ang pamilya ni Diane ng heart donor para sa kapatid niyang si Ella pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang nakikita. Kahit paganahin pa ng kanilang pamilya ang lahat ng kanilang yaman sadya talagang may mga bagay na hindi kayang bilin ng pera.

Sa panahong ito ay palaging nakaagapay si Frances kay Diane. Simula nung nabalitaan niya ang nangyari sa kapatid nito ay hindi na siya lumiban sa kaniyang tabi. Halos araw-araw niyang binibisita ang kapatid ni Diane. Nakikipagrelyebo din ito sa pagbabantay kay Ella. Nais niyang damayan ito sa abot ng kaniyang makakaya.

Nasa ospital na naman si Frances. Tila isang linta na dikit ng dikit kay Diane. Sanay na naman si Diane sa mga pekeng tao na kinakaibigan siya dahil lang sa mayaman ang kaniyang pamilya. At para sa kaniya, isa si Frances sa mga iyon. Wala itong ginawa kung hindi magpalakas sa kaniyang pamilya. Hindi na siya makapaghintay na tumigil na ito sa kakabuntot sa kaniya.

“Nagluto ako ng paborito mong nilagang baka. Kumain ka muna.”

Araw-araw ay nagdadala si Frances ng pagkain para sa nagbabantay sa ospital kahit hindi naman kailangan. Tingin ni Diane ay ginagawa ito ng babae para lalong mahulog ang loob ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Lumang taktika na ito para sa kaniya.

Sa paglipas ng panahon ay lalong nawawalan ng pag-asa ang pamilya ni Diane na madugtungan pa ang buhay ng kaniyang kapatid. Desperado na ang buong pamilya. Wala silang magawa kung hindi maghintay. At sa bawat pagpatak ng segundo ay pahina nang pahina ang katawan ni Ella.

“Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Matagal pa ninyong makakasama si Ella. Bubuo pa kayo ng maraming magagandang alaala. Magtiwala lang kayo sa Kaniya.”

Naiinis si Diane kay Frances. Dada lang ito nang dada pero wala naman itong naitutulong. Hindi nito alam ang pakiramdam nang naghihintay na mamatay ang mahal niya sa buhay na parang nauupos na kandila. Hindi nito nauunawaan kung gaano kabigat ang kanilang pinagdadaanan.

Advertisement

Tuluyang naubos ang pasensya ni Diane kay Frances ng aksidenteng madulas ito at mabangga ang mga aparatong nakakabit sa kaniyang kapatid. Natanggal ang pagkakasaksak ng mga ito sa kuryente na naging dahilan para malagay sa alanganin ang buhay ni Ella.

“Umalis ka na! Papatayin mo lang ang kapatid ko! Huwag ka nang babalik! Ayoko nang makita ang pagmumukha mo!” Nanggagalaiting sigaw ni Diane sa humahagulgol na si Frances na walang tigil sa paghingi ng kapatawaran.

Ang tagpong iyon ang huling pagkikita ng dalawa.

Nakahanap na ng heart donor ang pamilya ni Diane at tagumpay ang naging operasyon ni Ella. Unti-unti na niyang nababawi ang kaniyang lakas. Buwan ang lumipas bago siya tuluyang nadischarge sa ospital. Sa mga panahong iyon ay hindi nagpakita si Frances sa kanila. Sinunod nito ang hiling ni Diane na huwag nang magpakita pa.

Ngayong lumipas na ang tension ay hindi maiwasan ni Diane na mag-alala para kay Frances. Ni tawag o text ay wala siyang natatanggap mula dito. Nang magkaroon siya ng panahon ay pumunta siya sa bahay ng dalaga.

Ilang minuto nang kumakatok si Diane pero walang lumalabas na tao para pagbuksan siya.

“Ineng, sinong hinahanap mo? Matagal nang walang nakatira diyan.” Tanong ng matandang babae na kapitbahay ni Frances.

“Kaibigan po ako ni Frances. Alam niyo po ba kung saan siya lumipat?”

Advertisement

“Ah! Ikaw siguro yung sinasabi niyang Diane. May iniwan siyang sulat para sa’yo.”

Hindi maintindihan ni Diane kung bakit biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso pero kinakabahan siya sa maaaring nilalaman ng sulat.

Matapos mabasa ang sulat ni Frances para sa kaniya ay binalot ng pagsisisi ang buo niyang pagkatao. Matagal na pa lang may karamdaman si Frances at bilang na ang oras niya sa mundo pero mas pinili nitong damayan ang kaniyang pamilya imbes na intindihin ang kaniyang sarili. Mas pinili nitong ibigay ang puso sa kapatid niyang si Ella sa kabila ng pagtataboy na ginawa niya dito. Si Frances ang dahilan kung bakit kapiling pa rin niya ang kapatid.

Puro “kung sana” ang tumatakbo sa isip ni Diane habang walang tigil ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Pero wala na siyang magagawa kung hindi buong buhay niyang pagsisihan ang hindi niya pagpapahalaga sa nag-iisang tao na naging tunay at tapat sa kaniya.

Bilang pagbawi sa kabutihan ni Frances ay lalong naging mabuting kapatid si Diane kay Ella, dahil alam niya, bukod sa kapatid niya ito ay taglay nito ang puso ni Frances.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.