Inakala ng Anak na Hindi Siya Mahal ng Tunay Niyang Magulang Kaya Siya Pinaampon, Hindi Niya Inaasahan ang Kaniyang Matutuklasan

Dumating na ang tamang panahon kung kailan makikilala na ni Aldrin ang tunay niyang ina. Matapos ang maraming taong paghahanap ay nagbunga din ang kaniyang pagsisikap. Dugo at pawis ang kaniyang inialay mabuo lang ang kaniyang pagkatao.

Magkakaroon na rin ng kasagutan ang kaniyang mga tanong. Umaasa si Aldrin na may magandang idudulot ang pagtatagpong ito.

Hindi lingid sa mga umampon kay Aldrin na hinahanap niya ang tunay niyang mga magulang. Bagama’t nabibigay nila ang lahat ng kaniyang mga pangangailangan batid nila na may malaking puwang sa puso at isipan nito na hindi nila kayang punan.

Sa halip na pagbawalan ay tinulungan pa nila ito sa kaniyang paghahanap. Ipinaunawa din nila kay Aldrin na dapat ay huwag siyang pangunahan ng kaniyang damdamin sa halip ay maging bukas ang kaniyang isipan sa paliwanag ng kaniyang mga magulang.

Nag-alangan si Aldrin nung marating ang address na nakasaad sa hawak-hawak niyang papel. Ang gusaling nasa kaniyang harapan ay hindi isang bahay kung hindi isang simbahan. Hindi niya mawari kung papasok ba siya sa loob o hindi.

Sa kabila ng pagdududa ay kusang gumalaw ang kaniyang mga paa at tila may kakaibang pwersa na nagtutulak sa kaniya na pumasok.

Sa loob ng simbahan ay isang paring papasok ng kumpisalan ang kaniyang nakita. Bago pa niya masabi ang kaniyang pakay ay inunahan na siyang magsalita nito.

“Kaawaan ka ng Diyos, Aldrin. Hintayin mo ako dito at may kukunin lang ako sa aking silid.”

Advertisement

Nung magbalik ang pari ay iniabot niya kay Aldrin ang isang malaking kahon bago tuluyang pumasok sa kumpisalan. Isang pangalan ang nakasulat sa itaas na bahagi nito, ang pangalang Aldrin.

Nanginginig ang mga kamay ni Aldrin habang unti-unting binubuksan ang kahon. Ang unang nahagip ng kaniyang mga mata ay ang larawan ng isang bagong silang na sanggol habang karga-karga ng isang magandang babae.

“Ito marahil ang kaniyang ina.” Bulong ni Aldrin sa sarili.

Marami pang nakitang larawan si Aldrin sa loob ng kahon, karamihan ay mga solo pictures niya noong sanggol pa lamang siya. Iilan lang ang kuha na kasama niya ang kaniyang ina.

May nakitang din siyang mga litrato nung binyag niya. Ilan sa mga litrato ay kasama ang pari na nagbigay ng kahon sa kaniya.

Sa loob ng kahon ay isang scrapbook ang nakaagaw ng kaniyang pansin. Hindi na napigilan ni Aldrin ang pagtulo ng kaniyang mga luha habang binubuklat ang mga pahina. Tandang-tanda niya pa ang mga pangyayaring nakaakibat sa bawat larawan at memorabilia na masusing prineserba sa scrapbook.

Ang kaniyang kaarawan, kumpil, mga quiz bee na kaniyang naipanalo, nung nagkampiyon ang basketball team nila, pati nung graduation niya. Nakadokumento din ang mga masaklap niyang karanasan. Nung nabali ang kaniyang buto, nung natalo siya sa talent show, first heartbreak, nung nakipagbasag-ulo siya sa bar. Sa bawat larawan ay may naaaninag siyang babae sa di kalayuan.

Ang larawang nakadikit sa pinakahuling pahina ay nung engagement party niya dalawang buwan na ang nakakalipas. Sa pagkakataong ito ay malinaw na ang imahe ng babae. Ang babae ay walang iba kung hindi ang kaniyang ina. Lingid sa kaniyang kaalaman ay parating nakasubaybay sa kaniya ang babae.

Advertisement

Ang sumunod na inilabas ni Aldrin sa kahon ay mga lumang clippings ng dyaryo. Sa kaniyang pagbabasa ay nalaman niyang tungkol ito sa isang karumal-dumal na krimeng naganap sa isang pamilya. Pinasok ang tahanan ng mga biktima ng mga hindi kilalang nilalang. Apat na miyembro ng pamilya ay walang-habas na pinatay.

Isa lang ang nakaligtas at ito ay isang kinse años na dalagita. Nag-aagaw buhay ito sa isang ospital at pinaniniwalaang ginahasa. Nanlumo si Aldrin nung makita ang litrato ng kaniyang ina sa pahayagan. Ang kaniyang ina ang bukod-tanging nakaligtas sa kamay ng mga halang ang bituka.

Kahit halos maubusan na ng lakas sa kaniyang natuklasan ay binuklat pa rin niya ang natitirang laman ng kahon. Isang sobre na naglalaman ng death certificate ng kaniyang ina. Namatay ang kaniyang ina dahil sa sakit na kanser isang linggo matapos ang kaniyang engagement party.

Bagama’t malungkot ay may ngiti naman ang kaniyang puso. Hindi ito ang kaniyang inaasahan ngunit nagpapasalamat siya sa kaalamang mahal siya ng kaniyang ina at dama niya na nabuo na ang kaniyang pagkatao. Nanghihinayang lang si Aldrin na hindi siya nabigyan ng pagkakataong ipadama sa kaniyang ina ang kanyang pagmamahal.

Kung ikaw ang nasa kalagayan ng ina ni Aldrin, ipapaampon mo rin ba ang iyong anak? Ano kaya ang nararamdaman ng ina ni Aldrin habang patagong niyang sinusubaybayan ang paglaki ng anak niyang bunga ng karahasan? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.