Galit ang Mister Dahil Nag-uwi ng Askal ang Asawa Niya, Di Niya Akalaing Magagawa Ito ng Aso sa Kanya

“Ano ba naman yan, Marife? May aso na nga tayo, mag-uuwi ka pa! Maigi sana kung may breed, kaso bakit naman askal ‘yang dinala mo dito sa bahay?!” galit na galit na sabi ni Ramon sa kanyang misis.

“Eh kasi, sobrang nakakaawa. Sinundan niya ako hanggang doon sa may kanto natin. Hayaan mo na siya dito, kaysa naman nasa kalsada lang ito,” depensa ng misis.

“Hay naku! Ewan ko sa’yo, bahala ka! Siguraduhin mong hindi yan papasok ng bahay ko ha!?” sagot ni Ramon.

“Ha? Eh bakit si Bruno, nandito sa loob ng bahay?” reklamo ni Marife.

“Eh alagang-alaga ko na ‘to eh. Saka ayoko ng askal sa loob ng bahay. Ang dumi-dumi! Mamaya, baka may garapata pa yan!” sagot ng mister.

Hindi na nakipagtalo pa si Marife. Ang tanggapin lang ng asawa niyang nag-ampon siya ng bagong aso ay ayos na sa kanya.

Ngunit para hindi na lalong magalit ang kanyang mister, tinali niya muna ang askal sa kanilang malaking gate para maging bantay. Hindi rin kasi sila pwedeng magkatabi pa ni Bruno – isang golden retriever na aso ng mag-asawa, dahil baka mag-away lang ang dalawang ito.

Pero naging magkakampi si Marife at ang kanyang sampung taong gulang na anak na si Charise sa pagkupkop sa askal. Pinangalan nila itong Puti dahil lamang sa kanyang kulay. May mga kaunting sugat at maraming dumi sa katawan si Puti kaya naman ginamot at pinaliguan nila ang ang aso.

Advertisement

Simula noon, palaging naiinis si Ramon tuwing nakikita niya si Puti. Naiirita siya dahil sa pagiging askal nito.

At kung minsan naman, sa sobrang ingay ni Puti sa pagtahol ay napapalo siya ni Ramon ng tsinelas para lang manahimik.

“Pwede ba?! Magpatulog ka! Ang ingay ingay mo!” sabay hampas niya ng tsinelas sa aso.

Agad namang tumitigil sa pagtahol si Puti.

Pero si Marife naman ay tuwang-tuwa sa aso. Dahil tumatahol lamang siya tuwing may ibang tao siyang nakikita na lumalapit sa kanilang bahay.

Sa totoo nga niyan, mas kampante ang misis na si Puti ang kanilang bantay sa harap ng bahay at hindi si Bruno. Tamad kasi si Bruno at lagi lamang tulog sa loob ng kanilang bahay. Siguro’y dahil na rin sa edad kaya hindi na rin matahol si Bruno tulad noong siya’y tuta pa lamang.

Madalas ay talagang kinukumbinse ni Marife ang kanyang mister na makipaglaro kay Puti baka sakaling mawala ang inis ng mister sa aso. Ngunit talagang ayaw ni Ramon.

Isang araw ay nagpaalam si Ramon sa misis na gagabihin siya sa paguwi dahil napakarami pa niyang tambak na trabaho.

Advertisement

“Mga alas-otso pa ako makakaalis dito sa trabaho, kaya mauna na kayong kumain ng hapunan ha,” ani Ramon.

“O sige. Magiingat ka ha,” sagot ng misis.

“Kayo rin, mag-ingat kayo diyan. Hintayin mo na lang akong makauwi ha,” sambit ng mister.

Kinagabihan, pagkatapos kumain ng hapunan ng mag-ina ay pinakain rin nila ng hapunan si Puti at si Bruno.

Pagtapos noon ay naghanda na rin sila para sa kanilang pagtulog. Pinakawalan na nila si Puti sa pagkakatali para nakakatakbo siya sa loob ng gate ng kanilang bahay.

Habang pinapatulog ni Marife ang kanyang anak, biglang tumahol ng napakalakas si Puti at galit na galit ito. Napapatahol na rin si Bruno dahil naririnig niya ang gigil na pagtahol ni Puti.

Kinabahan ng bahagya si Marife dahil may kakaiba sa pagtahol ni Puti. Kaya’t dahan-dahan siyang pumunta sa kanilang sala at sinilip ang labas ng kanilang bahay. Doon niya nakita ang isang lalaking nagtatangkang pumasok sa gate ng kanilang bahay.

May bitbit itong malaking patpat kaya’t lalong natakot si Marife dahil baka gamiting itong pampukpok sa aso at maging sa kanila.

Advertisement

Habang walang tigil ang tahol ni Puti, mabilis na tinawagan ni Marife ang kanyang mister.

“Nasaan ka na, Ramon?? Nasaan ka na?” sambit niya nang agad na sagutin ng mister ang telepono.

“Eto, nandito na ako sa may kanto natin. Bakit? Ano’ng nangyari?” kinakabahan niyang tanong.

“Bilisan mo. Magmadali ka na! May lalaking nagtatangkang pumasok sa bahay!” nanginginig na sabi ni Marife.

Hindi na nakasagot si Ramon at agad niyang binilisan ang pagmamaneho.

Ilang segundo lamang ay narinig ni Marife ang sasakyan ni Ramon na nasa tapat na ng kanilang bahay. Natapos na rin ang pagtatahol ni Puti kaya’t unti-unti ay kumalma na ang misis.

Sinalubong agad ni Marife ang asawa at niyakap ito ng napakahigpit habang si Puti ay nagmamasid-masid pa rin sa labas.

Sinabi ni Ramon sa kanyang misis na nakita niya pa ang mukha ng lalaking umaakyat sa gate ng kanilang bahay bago ito tuluyang tumakbo palayo. Kaya’t bukas na bukas rin ay pupunta sila sa istasyon ng pulis para ireport ang pangyayari.

Advertisement

Nakita rin ni Ramon kung paano prinotektahan ni Puti ang kanilang bahay lalo na ang kanyang pamilya sa pamamagitin ng walang tigil na pagtahol para malaman ni Marife ang nangyayaring masama sa labas. Kaya’t bago siya pumasok ng kanilang bahay ay lumapit muna siya sa asong si Puti. Dahan-dahan at nakayukong lumapit si puti sa amo niyang si Ramon.

“Puti, salamat ha? Kung hindi dahil sa’yo ay baka nalooban na itong bahay. Mabuti na lang at inuwi ka ng asawa ko. Pasensya ka na kung lagi kitang napapagalitan, hayaan mo babawi ako sayo,” sambit ni Ramon habang hinihimas-himas ang ulo ng aso.

Mula noon ay hindi na tinatali si Puti at hinahayaan siyang tumakbo kahit sa loob ng kanilang bahay. Naging magkalaro na rin si Puti at Bruno kaya tuwing gabi ay parehas silang natutulog sa loob ng gate ng bahay para magbantay.

Kung paano alagaan ni Ramon si Bruno ay ganoon na rin ang trato niya kay Puti.