Binayaran ng Ina ang Titser ng Anak Upang Manguna sa Eskwela, Hindi Niya Inasahan ang mga Sumunod na Yugto sa Buhay ng Kanilang Dinaya

“Mama! Top 1 daw po ako sabi ng titser ko sa Math. Nasilip daw po niya kanina sa notebook ng adviser namin,” tuwang-tuwang balita ni Shaira sa kanyang inang si Flor.

Natahimik ang ina ni Shaira at maya-maya pa’y bumuhos ang napakaraming luha sa mga mata nito.

“Alam kong kayang-kaya mo, anak! Talagang ipagmamalaki kita habambuhay!”

Dahil lubog sa kahirapan, ganoon na lamang ang saya ng mag-ina nang malaman ang magandang balita. Kung sino kasi ang valedictorian sa klase ay libreng makakapasok ng kolehiyo. Hindi na kailangang magkalubog-lubog sa utang ng ama’t ina ni Shaira para lamang maigapang siya sa pagtatapos ng kolehiyo.

Sa kabilang pamilya naman, ibang-iba ang eksena.

“Mommy, ‘wag ka na pong magalit. Ginawa ko naman po kasi ang lahat, kaso sadyang mas matinik sa Math si Shaira sa akin,” paliwanag ni Myra sa galit na galit na inang si Edna.

Nabalitaan kasi ng ina ni Myra na Top 2 lamang ang anak sa klase. Dahil napakayaman nila, hindi matanggap ni Edna na natalo ng isang hamak na anak ng labandera ang kanyang anak.

“Hindi! Hindi ako papayag! Ako ang gagawa ng paraan. Lahat naman nadadaan sa pera,” nakangising sabi nito sa umiiyak na anak.

Advertisement

Kinabukasan, dumating na ang araw ng pagtatapos at pagpaparangal. Kahit walang pera, pinilit ng mga magulang ni Shaira na ibili ng toga at puting baro ang dalaga. Isinuot din ng dalawa ang kanilang nag-iisang pinakamagagandang damit na hinalungkat pa nila sa kanilang mga baul.

“Shaira! Congrats ha! Kahit hindi pa sinasabi, alam naming ikaw na ang valedictorian. Wala namang pag-aalinlangan na ikaw ang pinaka-magaling sa klase natin,” pagpuri ng isa sa mga kaklase ni Shaira. Labis naman ang ngiti ng tatlo nang marinig iyon.

Maya-maya pa ay nagsimula na ang parangal. Nang sasabihin na kung sino ang valedictorian, naghawak-hawak nang kamay sina Shaira at ang kanyang ama’t ina.

“At ang ating valedictorian ay… Walang iba kung hindi si Myra Rivera!”

Nanlaki ang mata ng lahat ng mga tao.  Sa totoo lang ay alam ng lahat kung sino ang karapat-dapat na mag-uwi ng parangal. Kaya naman hindi maiwasan ang kaliwa’t kanang bulungan.

Nang maparangalan, nilapitan pa ng mag-ina ang nanlulumong pamilya ni Shaira.

“O, bakit?! Hindi niyo matanggap? Bakit umiiyak ka, Shaira?” matapang pang salita ng inang si Edna.

“Uhh. Hindi po. Masaya po ako para sa tagumpay ng anak ninyo. Umasa lamang po ako,” nakangiting sabi ni Shaira ngunit hindi niya mapigil ang pagpatak ng kanyang mga luha.

Advertisement

Kahit pa alam nilang binili lamang nila ang tagumpay ay tuwang-tuwa pa rin ang mag-ina. Wala silang paki-alam kung makatapak man sila ng dignidad at pangarap ng isang naghihikahos sa hirap na estudyante.

“Anak? Huwag ka nang umiyak! Top 2 ka naman e. Salutatorian. Napakahusay pa rin. Hindi pa rin ako titigil na ipagmalaki ka, anak,” wika ng inang si Flor habang pinupunasan ang luha sa mga mata ng anak.

“At ipinapangako ko sa iyo, anak, na kahit pa mahirap tayo ay gagawin ko ang lahat upang makapagtapos ka ng kolehiyo,” wika ng ama niyang si Rene. Kailanma’y hindi nakita ni Shaira ang ama na lumuluha, ngunit ngayon ay patuloy ang pagbagsak ng luha mula sa mga mata nito.

Ang pangyayaring iyon ang pinanghawakan ng tatlo upang magsumikap sa buhay. Nagtrabaho bilang tindera at tiga-lako ng isda sa umaga, at labandera naman si Flor sa gabi. Habang ang amang si Rene naman ay namasukan bilang isang construction worker. At dahil sa labis na awa sa pagpapaka-pagod ng kanyang mga magulang, pumasok din si Shaira bilang tiga-hugas ng pinggan tuwing gabi sa isang restwaran.

Limang taong bubunuin ng tatlo ang ganoong pamumuhay para lamang makapag-aral si Shaira. Kung minsan ay bigla na lamang maiisip ng dalaga ang labis na panghihinayang sa iskolarship na sana ay kanyang nakuha kung siya ang itinanghal na valedictorian. Ngunit natutunan naman niyang walang mangyayari kung puro panghihinayang na lamang ang gagawin, at nagpasyang ipagpatuloy ang pagsisikap.

Hindi naman binigo ni Shaira ang kanyang ama’t ina. Lumipas ang limang napakahirap na taon, at sa wakas ay nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang dalaga. Labis-labis ang tuwa ng mga magulang niya dahil humakot ng napakaraming parangal ang kanilang anak. Itinanghal din itong Suma Cum Laude na pinakamataas na parangal sa unibersidad na iyon.

Kaya naman hindi nakapagtatakang sunod-sunod na alok ng trabaho ng pinakamagagandang kompanya ang natanggap ni Shaira. Nagsimula siya bilang isang secretary, ngunit dahil sa kanyang patuloy na pagsusumikap at dahil sa angking galing sa numero ay agad siyang umangat bilang isa sa pinakamatataas na posisyon sa kompanya.

Agad niyang napaganda ang buhay ng kanyang pamilya. Una ay bumili siya ng magandang bahay para sa kanila, sumunod ay ang magagandang kotse para sa ama’t ina. Dahil gusto rin niyang makabawi sa lahat ng paghihirap ng mga magulang, ibinigay niya ang lahat ng luho ng mga ito dahil ngayon ay kayang-kaya na niya dahil sa laki ng kanyang sinasahod.

Advertisement

Isang araw, habang nagtatrabaho si Shaira ay lumapit sa kanya ang isa sa mga tauhan ng kompanya.

“Ma’am Shaira? May isa pong aplikante ang sumusubok na makapasok sa ating kompanya. Kung pwede po ay ikaw ang mag-iinterview sa kanya,” wika nito.

“Ganon ba? O sige. Papasukin mo na siya rito.”

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Myra, ang babaeng nagnakaw ng pangaral ay dapat na sa kanya noong hayskul pa siya. Biglang nanumbalik ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan ng dalaga nang makita niya ang mukha nito. Ngunit alam niyang hindi dapat maapektuhan ng kanyang emosyon ang kanyang desisyon.

“Myra Rivera? Kumusta ka na?” nakangiting bati nito sa dating kaklase.

Halos lamunin ng lupa si Myra nang makita kung sino ang mag-iinterview sa kanya. Ngunit dahil sa matinding pangangailangan ay kailangan niya itong harapin.

“Ayos naman. Big time ka na pala dito, ano?”

“Hindi naman. Nagsumikap lang.”

Advertisement

“Kailangan ko kasi ng trabaho. Nalugi ang negosyo nila mama. Sana ay tanggapin mo ako sa kompanya ninyo.”

“Ganoon ba? Siyempre kailangan natin ng…” hindi na nakatapos si Shaira nang pananalita nang biglang lumuhod at humagulgol sa kanyang harap ang dating mapagmataas na kaklase.

“Patawarin mo ako! Hindi ko iyon ginusto. Si mama ang nagbayad upang ako ang itanghal na valedictorian. Patawad!” lumuluhang pakiusap nito.

Hindi nagpatinag ang dalaga. Tiningan niya muna ang resume ni Myra, ngunit laking gulat niya nang makitang hindi pala ito nakapagtapos ng pag-aaral. Napatalsik kasi ito sa unibersidad na pinasukan dahil sinubukan na naman nitong mandaya at magbayad ng isang propesor. Ngunit hindi kagaya noong hayskul, hindi nagpabayad ang propesor at agad silang isinumbong sa kanilang kalokohan.

Awang-awa si Shaira sa sinapit ni Myra. Ngunit ayon din sa alituntunin ng kanilang kompanya na hindi pwedeng tumanggap ng tauhan na hindi pa nakakapagtapos ng pag-aaral.

“Pasensiya ka na, Myra. Ngunit kahit gustuhin ko man ay hindi pwede,” wika ni Shaira.

“Ayan! Mayabang ka! Akala mo kung sino ka na?! Anak ka lang naman ng labandera,” panghahamak nito nang hindi nakuha ang gusto.

“Ganon ba? Sige. Guard! Pakilabas na itong babaeng ito. Mukhang mag-eeskandalo pa siya rito,” nakangiting wika ni Shaira habang pinapanood si Myra na kaladkarin ng mga gwardiya palabas ng kompanya.

Advertisement

Balak sana ni Shaira ay ipasok sa ibang kompanya ang kawawang babae, ngunit dahil sa nakita niyang hindi pa rin ito nagbabago ng ugali ay agad nagbago ang kanyang isip.

Nagpatuloy na lamang sa kanyang buhay si Shaira. Ngayon ay inaani na nila ng kanyang pamilya ang lahat ng kabutihan at tiyagang itinanim nila noon ng kanyang mga magulang. Habang bali-balita ay lubog na lubog na sa utang ang mag-inang si Myra at Edna dahil sa ugaling hindi nila mabago.