I-Pinta Mo ang Tagumpay

“Por que ako ang panganay ako na ang titigil sa pag-aaral, nay? Paano na lang ang pangarap kong maging teacher kung papahintuin niyo ako?” galit na galit na ika ni Janmark nang malaman na gusto siyang patigilin ng ina sa pag-aaral.

“Anak, kulang na kulang na ang pera natin. Hindi ko na kayo kayang pag-aralin tatlo. Baon na rin tayo sa utang.” pagpapaliwanag naman ng kanilang ina sa nanggigilaiting anak.

“Nay, ako na lang po ang titigil.” sabat naman ni Janjo, pangalawa sa magkakapatid dahilan para mapatigil ang ina.

“O, ayan ang bayani niyo, siya na daw ang titigil. Huwag niyo na akong kulitin mag-aaral pa ako.” ika pa ni Janmark saka padabog na pumasok sa kwarto.

“P-pero anak?” hindi makapaniwalang ika ng kanilang ina.

“Okay lang po Nay, tutulungan ko muna kayo sa pagtatrabaho. Hindi naman paunahan ang buhay eh, kung nakatakda talaga sakin ang makapagtapos ng pag-aaral, makakapatapos ako. Huwag niyo po akong alalahanin.” nakangiti namang sambit ni Janjo dahilan para mapaluha ang kanyang ina, agad naman niya itong niyakap upang kumalma.

Tatlong taon na simula nang pumanaw ang kanilang ama dahil sa sakit sa puso at simula noon ang kanilang ina na lamang ang bumubuhay sa kanila. Namamasukan ito sa kanilang tiyahin bilang isang kasambahay, at ang kinikita nito ang ginagastos nila sa pang-araw-araw nilang pagkain.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Janjo na kasalukuyang nasa unang taon niya sa kolehiyo. Nasaksihan niya ang paghihirap ng kanyang ina kaya naman nagdesisyon na siyang tumigil muna ng pag-aaral upang makatulong rito. Dalawang taon na lang kasi at makakapagtapos na ang kanilang panganay kaya nagpaubaya na siya upang mabawasan ang pasan pasan na krus ng ginang.

Advertisement

Ginawa nga ni Janjo ang pinangako niya sa kanyang ina. Kinabukasan, naghanap agad siya ng trabaho. Sakto namang nakita niya na naghahanap ng waiter sa isang restaurant malapit sa kanilang lugar kaya kanya itong sinubukan. Sa kabutihang palad, agad naman siyang natanggap.

Lumipas ang isang buwan at tila napagtanto ng binata na hindi sapat ang kinikita niya upang matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid kaya naman sa kanyang bakanteng oras, naisipan niyang magpinta ng mga magagandang tanawing makikita sa Pilipinas at ibinenta niya ito sa kanyang mga kaibigan.

“Naku Janjo wala ka pa ring kupas! Saktong-sakto ito pangdesign sa kwarto ko!” ika ng kaibigan niya na manghang-mangha sa likhang kamay na hawak niya.

“Oo nga Janjo! Gusto mo ba dumami ang magpapinta sayo?” sambit ng isa pa niyang kaibigan.

“Oo naman no! Pandagdag rin yon!” buong siglang sambit ni Janjo.

“O sige, kami ang bahala!” sabay na ika naman ng dalawa.

Kanilang kinuhanan ng litrato ang mga obra ni Janjo saka inilagay sa Facebook. Agad namang nagtrending ang mga ito dahilan para dumami ang tumangkilik sa mga likha ng binata.

Halos kada-araw may tatlo hanggang limang obra siyang gagawin sakto lamang sa bakanteng oras niya pagkatapos ng trabaho. Kahit na pagod paggaling ng trabaho, hindi nagpapatinag ang binata, lagi niyang nasa isip, “Para sa pamilya ko ito.”

Advertisement

Hindi naman kalaunan nagbunga ang pagsisikap ng binata dahil nakilala ang kanyang mga likha sa buong Pilipinas. Pinaanyayahan siya ng isang sikat na pintor upang magbigay ng kanyang talumapati sa isang paaralan ng sining sa Maynila, natuklasan rin kasi nito ang kalagayan ng binata.

Wala namang sinayang na oras si Janjo, agad siyang lumuwas ng Maynila at nakipagkita sa nasabing pintor. Doon niya ikinuwento ang kanyang buhay na labis namang nakapagbigay inspirasyon sa mga kabataang nakikinig na may hilig rin sa sining at pagpinta. Ginawaran siya doon ng isang iskolarship na talaga nga namang ikinatuwa ng binata.

“Kung maipipinta ko lamang ang kagalakang mayroon ako ngayon, ibabahagi ko ito sa inyong lahat. Marami pong salamat sa mainit na pagtangkilik sa aking mga obra.” ika niya bilang pagtatapos sa kanyang talumpati.

Simula noon umalwan na ang buhay ng pamilya ni Janjo. Tumigil na rin siya sa pagtatrabaho sa restaurant at mas lalong pinagbigyan ng pansin ang magpipinta. Napagtapos na niya na rin ang kanyang kuya na labis ang pasasalamat sa kanya.

“Alam mo, sobrang hanga ako sa tapang at dedikasyon mo sa buhay. Salamat Janjo! Dahil sayo nakapatapos ang Kuya. Hinding-hindi na ako magiging pabigat pa sayo, tutulungan na kitang maiahon ang nanay sa kahirapan.

Pasensya kana’t kailangan mo pang magsakripisyo para sakin.” maluha-luhang ika ni Janmark habang nagdiriwang sila ng graduation nito, labis naman ang tuwang bumabalot sa puso ni Janjo kaya naiyak na rin siya. Agad naman silang niyakap ng kanilang ina at bunsong kapatid.

Tunay ngang hindi karera ang buhay, ang para sayo ay para sayo. Kinakailangan mo lamang na maging matapang sa pagharap sa mga pagsubok.