Bangkang Papel

Bata pa lamang si Mark ay pangarap na niyang maging isang seaman. Ito ay dahil gusto niyang masundan ang yapak ng yumao niyang lolo. Labis siyang nahumaling sa nasabing larangan lalo na kapag nagkukwento ang matanda tungkol sa mga lugar na napuntahan na nito.

“Kailangan ko na sigurong mag-aral ng mabuti at makapagtapos para naman lumaki ang tiyansang makasampa ako ng barko! Aba kahit mahina ako sa loob ng silid-aralan kayang kaya ko naman siguro ang trabaho doon!” buong siglang aniya habang papuntang eskwelahan, isang araw bago ang kanilang huling pagsusulit.

Kinabukasan, handang-handa na siya sa pagsusulit. Panatag siyang makapasa dahil nagbasa-basa naman siya ng mga lessons nila. Walang tigil siyang bumubulong ng panalangin habang binibigay ng kanilang guro ang mga sagutang papel upang makapasa, kailangan niyang maipasa ito para kahit paano ay mahila pataas ang kanyang grado.

Mabilis natapos sa pagsusulit nila. Kampante siya na makakapasa. Ngunit pagbalik sa kanya ng kanyang papel, gulat na gulat siya na halos kalahati lamang ang kanyang nakuhang score.

“Ma’am, teka lang po. Tama naman po yung mga sagot ko dito ha, bakit po minalian niyo? Nangalahati po tuloy ang score ko.” pagtatanong ni Mark sa kanyang guro.

“Ah, basahin mo kasi ang panuto iho. ‘Ilagay sa patlang ang tamang sagot’, eh ang ginawa mo eh binilugan mo. Alam mo iho kailangan mong matutong sumunod sa panuto. Kailangan habang nasa paaralan ka pa lang matutunan mo na yan kasi kapag ikaw nagtrabaho na, aba baka masisante ka agad dahil lang sa hindi mo sinunod ang panuto nila.” pangangaral ng guro.

Nakasimangot at walang siglang umupo sa kanyang upuan si Mark. Dali-dali siyang pinuntahan ng mga kaibigan upang magtanong kung ilan ang kanyang nakuhang score.

“O, pare ilan ka? Ako kasi 85 lang out of 100.” pagmamayabang ni Vincent, habang winawagayway ang sagutang papel.

Advertisement

“Aba mas mataas pala ako sayo, Vincent! 87 ako o, yahoo! O, ikaw Mark, siguro hindi ka pasado no? Halos sumayad na sa lupa iyang nguso mo!” panunukso ni Jon, tumawa naman ng malakas si Vincent habang pinapalo-palo pa ang upuan.

“Oo e, bagsak ako. Nakaligtaan ko na basahin yung panuto. Kaya ayan, 45 lang ako. Sayang o, puro tama pa naman sana ang sagot ko.” malungkot na sabi ni Mark.

Tawa nang tawa ang dalawang kaibigan ni Mark. Yun na nga lang daw ang paraan para mahatak ang kanyang grado sinayang niya pa.

“Alam mo pare, siguro kailangan mo nang tigilan yung pangarap mong maging seaman. Diba dapat pasado ang grado para makapag-aral doon sa paaralan dyan sa tapat ng mga seaman? Kung ako sayo maging mangingisda kana lang. Parehas lang naman nasa dagat!” pangungutsa ni Vincent.

“Oo nga pare, eh sa kalagayan mo para kang gumagawa ng bangkang papel tapos sasakyan mo papuntang laot. NAPAKALABO!” dagdag pa ni Jon habang ngingisi-ngisi.

Naiiyak na sa inis at galit si Mark kaya naman napagdesisyunan niyang umalis na dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili at makagawa pa siya ng gulo.

Nakagraduate naman si Mark kaya lang pasang-awa ang kanyang marka malabong makapasok sa nais niyang paaralan. Kaya naman habang nag-iisip-isip pa siya ay pumasok muna siya bilang isang barista sa isang bar.

Doon nakilala niya si Mr. Fajardo, may-ari ng bar. Tuwang-tuwa ito sa sipag at tiyagang mayroon ang binata. Nalaman niyang pangarap ni Mark na makasampa ng barko kaya naman kinausap niya ito.

Advertisement

“Mark, balita ko gusto mo daw makasampa ng barko?” pag-uusisa ni Mr. Fajardo.

“Ah opo eh, kaso mukhang hindi po yon ang nakatadhana sa akin. Pasang-awa po kasi ang marka ko, hindi pwede sa paaralan na papasukan ko po sana para maging seaman.” nakayukong ika ni Mark.

“Aba walang imposible! Hindi mo naman kailangan maging isang seaman para makasampa ng barko. Pwede ka naman maging barista don.” nakangiting sabi ni Mr. Fajardo sa maluha-luhang puno ng pag-asang si Mark.

Tinulungan siya ni Mr. Fajardo na makasampa ng barko. Doon nagtrabaho siya bilang isang barista.

Nagulat ang mga kaibigan ni Mark na sina Vincent at Jon nang malaman na ang kaibigan nila ay nagtatrabaho na sa barko.

“Hanep na Mark yan! Ang galing, hindi mo talaga mapigil kapag gusto niya no.” sabi ni Jon.

“Aba oo nga eh, ikaw kasi eh, tinukso mo na parang gumagawa siya ng bangkang papel, napahiya tayo pare.” pailing-iling na sabi ni Vincent.

Pagpupursigi at tiyaga ang tunay na puhunan para maabot ang iyong pangarap. Babagsak man gaya ng marka ni Mark, may darating rin na pag-asa. Ang buhay ay parang gulong, hindi laging nasa ibabaw at hindi rin laging nasa ilalim kaya wag susuko.

Advertisement

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.