Lumayas Ka!

Malalim na ang gabi ngunit gising na gising pa rin ang magkasintahang sina Jacob at Christine. Umaalingawngaw na naman ang boses ng babae at alam na ng kanilang mga kapitbahay na nag-aaway na naman ang dalawa.

“Christine, naman. Hatinggabi na. Matulog na tayo. Ang liit ng issue natin nagsisisigaw ka na naman diyan!” wika ni Jacob.

“Wow, Jacob! Maliit? E, nagsinungaling ka na naman sa akin, tang*na ka! Bakit mo ba ginagawa sa akin ito, ha? Dahil ba nakuha mo na ako kaya wala ka ng pagpapahalaga sa mga pangako mo?” naiiyak na wika ni Christine.

“Ano na naman ba iyang sinasabi mo? Ito na naman tayo sa lumang issue, e. Hindi nga ganun. I’m sorry kung humawak ako ng yosi ulit. Hindi ko lang napigilan. Hindi mo na ba ako mapapatawad?” nagsusumamong pahayag ng lalaki.

“Babe, kanina pa tayo nag-aaway para lang sa yosi na hindi ko naman nga sinindihan. Nakita mo lang sa bulsa ng polo ko. Inamin ko naman ang kasalanan ko pero bakit ganito? Bakit ang hirap na naman. Ang hirap mong pakiusapan,” dagdag pa ni Jacob.

Nagkakilala sa trabaho ang magnobyo. Barista si Jacob sa bar na paboritong puntahan ng mga kaibigan ni Christine. Agad na nahumaling ang lalaki sa babae at sinagot naman ito kagaad ng dalaga.

Unang nobyo ni Christine ang lalaki sa edad na 23 anyos at kahit na labag sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang ay agad na nagsama ang dalawa lalo na noong may nangyari na nga sa kanilang espesyal.

“E, kasi nagsinungaling ka na naman sa akin. Sabi mo noong nangliligaw ka pa lang ay handa kang magbago para sa akin. Kaya nga kita sinagot, ‘di ba? Pero ganiyan ka ngayon. Ginagag* mo lang ako, Jacob,” wika ni Christine sa lalaki.

Advertisement

“Kailangan ba kapag sinabi ko iyon ay instant? Hindi ba pwedeng nasa adjustment period pa lang ako, babe? Grabe ka naman sa akin. Para akong robot sa paningin mo!” baling ng lalaki.

Hindi na sumagot pa si Christine at umiyak na lang ito tsaka niya kinuha ang kaniyang bag at nagsimula siyang ligpitin ang kaniyang mga damit.

“Sige na. Tama na. Sorry na, babe. Tapusin na natin itong away na ito. Alam mo naman na ayaw kong ganito tayo, ‘di ba? Patawarin mo na ako,” mabilis na lambing ni Jacob at niyakap niya ang babae.

Sa loob nga ng anim na buwan ay umiikot lamang sa ganoon ang kanilang relasyon. Away, sigawan tapos isang lambingan at tapos na ang lahat. Iniintindi na lamang ni Jacob ang kaniyang nobya. Alam kasi niyang bago lang ito sa ganitong relasyon at mas kailangan niyang habaan pa ang pasensya kung gusto niyang magtagal sila. Ngunit minsan ay napapailing na lang ang lalaki sa lahat ng dikta ng kaniyang nobya.

“O, basta kapag aalis kayo ng mga katrabaho mo dapat i-text mo ako mga 3 hours before, ha. Kapag walang ganun ay hindi ako papayag,” wika ni Christine sa kaniya. Ngumingiti na lamang ang lalaki kahit nga pakiramdam niya minsan ay nasasakal na siya dito. Ngunit mas mahal niya ang babae kaysa sa kaniyang pride kaya naman handa siyang maging sunud-sunaran dito.

Sumapit ang araw ng Sabado at sakto namang magdidiwang ang magnobyo ng ika-pito nilang buwan bilang magkasintahan kaya naisip ni Christine na sorpresahin ang lalaki. Pinuntahan niya ito sa bar kung saan nagtatrabaho ang nobyo. Bitbit niya ang keyk at isang maliit na regalo para kay Jacob.

Madilim at patay sindi ang ilaw ng gusali ngunit malayo pa lamang ay natanaw na kaagad ng babae ang gwapo niyang kasintahan na nagtitimpla ng alak sa harapan ng isang babae.

“Wow, talagang ngayong monthsary natin mo pa ako niloko, Jacob!” isip-isip ng babae tsaka siya marahang naglakad at nagmasid sa kanilang dalawa. Lalapitan na sana niya ito kaya lamang ay biglang niyakap ni Jacob ang babae at binuhat pa nga ito. Labis namang ikinasama iyon ng loob ni Christine kaya kaagad siyang umalis.

Advertisement

“Umuwi ka na, ngayon na! O wala ka nang aabutan sa bahay mo,” mensahe na kaagad pinadala ng babae sa kaniyang nobyo.

Wala pang isang oras ay agad na nakarating si Jacob sa kanilang bahay.

“Ano na naman ito, Christine?” humahangos na tanong ni Jacob.

“Bullshit ka! May babae ka! Nakita ko sa bar kanina. Tinimplahan mo siya ng alak tapos niyakap mo pa! Tang*na mo, Jacob. Binigay ko ang lahat sa’yo, pagkababae ko, panahon ko, oras ko pero ito ang isusukli mo sa akin? Hayop ka!” baling agad ng babae.

“Ano iyang sinasabi mo?” galit na tanong ng lalaki at napaupo na lang ito sa kama.

“Huwag mo nang subukan pang magsinungaling sa akin. Kitang-kita ng mga mata ko kung gaano ka kasaya nung niyakap mo ‘yung babae!” sigaw ni Christine sa nobyo.

“Aalis na ako! Lalayas na ako!” dagdag pa nito.

“Sige, lumayas ka na,” maiksing sagot ni Jacob sa kaniya.

Advertisement

Napalunok naman kaagad si Christine sa sinabi ng kaniyang nobyo. Ito ang unang pagkakataon na hindi siya pinigilan o nilambing man lang ng lalaki.

“Akala mo nagbibiro ako? Tang*na mo! Aalis talaga ako,” pahayag ng dalaga tsaka mabilis na lumabas sa pinto.

Wala pang sampung minuto at hindi pa man nakakalayo si Christine ay bumuhos na ang kaniyang mga luha at napaupo na lamang siya sa pinakamalapit na waiting shed.

Parang sasabog ang kaniyang dibdib at gusto lamang niyang umiyak nang umiyak, “Sawa na siya sa’yo, Christine, Nakuha na niya ang puri mo. Laspag ka na para sa kaniya kaya hindi ka na niya pinigilan pa. Pero kailangan mong maging matapang!” wika niya sa sarili tsaka inilabas ang kaniyang telepono upang palitan ang kaniyang status sa Facebook.

Ngunit pagkabukas pa lamang niya ay agad na lumabas ang litrato ni Jacob at ang babaeng kasama nito sa bar kanina. “Wow, nakapagpost pa siya kaagad! Napakawalanghiya,” isip-isip ng babae. Tsaka niya mabilis na binasa ang caption nitong, “Welcome home, kapatid!”

Parang nabulag at ilang beses kinuskos ni Christine ang kaniyang mga mata sa nabasa tsaka niya naalala na ngayon pala ang uwi ng kapatid ni Jacob na galing sa ibang bansa. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig at pakiramdam niya ay namaga ang kaniyang buong mukha.

Naupo siya saglit tsaka huminga. Ngayon niya napagtanto kung gaano siya naging kahigpit at kabaliw sa kaniyang nobyo. Alam niyang sa pagkakataong ito ay maling-mali ang kaniyang inakto kaya mabilis siyang bumalik sa bahay ni Jacob.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin na si ate pala iyong kasama mo sa bar? Bakit hindi mo ako pinigilan?” saad ng babae nang maabutan niyang nakaupo sa salas ang nobyo.

Advertisement

“Hindi ba dapat ako ang magtanong sa’yo niyan? Bakit hindi ka nagtanong? Kung nandoon ka pala kanina bakit hindi ka lumapit? Bakit kailangang lagi akong masama sa paningin mo? Ano ba ang akala mo sa akin, sa relasyon natin?” malungkot na sagot ni Jacob sa kaniya.

“Kaya hindi kita pinigilan kanina dahil sa pagkakataong ‘yun ay wala ka na sa lugar. Masyado nang masasakit ang binitiwan mong salita sa akin bago pa man tayo makapag-usap. Hindi puri mo ang hinabol ko sa’yo na lagi mo na lang isinusumbat sa akin. Mahal na mahal kita,” dagdag pa ng lalaki.

Mabilis na niyakap ni Christine ang kaniyang nobyo at humingi siya ng tawad. Ngayon ay mas nakampante ang loob niya dahil nagising siya sa katotohanang mahal pala talaga siya nito.

Ngayon ay unti-unti nang nagbabago ang dalaga. Hindi na niya ginagawang robot si Jacob na kailangang sumunod sa lahat ng gusto niya at mas nanaig ang tiwala at respeto nila sa isa’t-isa.