Hahanapan Ko ng Karamay sa Buhay si Mama!

Hahanapan Ko ng Karamay sa Buhay si Mama!

FunLoveStories

“Mama, laro po muna tayo,” pakiusap ni Benjie.

“Anak, bukas na lang. Kailangan ko pang tapusin itong mga tocino at longganisa para maibenta at magkaroon tayo ng dagdag na pera,” sagot ng kaniyang ina.

“Sige po, mama. Maglaro na lang po tayo pagkatapos niyan,” ang sabi ni Benjie.

“Benjie, puwede ba? Puro na lang laro ‘yang nasa utak mo! Ang dami ko pang kailangan gawin. Pagkatapos nito, maghuhugas pa ako ng mga pinagkainan natin, maglalaba at maglilinis pa ng buong bahay,” pahayag ng kaniyang ina.

“Pagod na pagod na ako pero kailangan ko pa itong tapusin lahat dahil wala namang ibang gagawa nito,” dagdag pa ng kaniyang ina.

Hindi na pinilit pa ni Benjie na makipaglaro sa kaniyang ina. Siya ay naglaro na lamang mag-isa habang hinihintay na matapos sa mga gawain ang kaniyang ina at umaasang makikipaglaro ito pagkatapos. Subalit sa kaniyang pag-aantay ay nakatulog na lamang siya sa isang tabi.

Nang mapansin ito ng kaniyang ina ay agad siyang binuhat at inilipat sa kama. Pagkatapos siguraduhin na maayos at komportable ang tulog ng kaniyang anak ay hinaplos niya ang mala-anghel na pisngi ng nito at sinabing: “Patawarin mo ako, anak. Para rin naman sa’yo ang mga ginagawa ko.”

Bago bumalik sa mga gawain ay napagisip-isip ng ina na dumadalas na ang pagiging mainitin ng kaniyang ulo dahil sa pagod at pressure sa kaniyang mga responsibilidad bilang isang single mother kaya parati niya nang napapagalitan ang sariling anak. Napagtanto niya na bagamat ginagawa niya lamang ang mga ito para sa kaniyang anak ay nagkukulang pa rin siya ng oras para rito at marahil ay hindi pa nito masyadong nauunawaan ang sitwasyon nilang mag-ina kaya napagdesisyunan niyang kausapin ang anak upang paliwanagan.

Kinabukasan, sinigurado ng nanay ni Benjie na matatapos sila sa paghahanda sa eskwela ng maaga upang magkaroon ito ng oras na kausapin ang anak. Matapos ang kanilang paghahanda ay kinausap niya na nang masinsinan ang anak.

“Anak, pagpasensiyahan mo na ang mama kung dumadalas ako sa pagsusungit sa’yo at dumadalas kitang kagalitan kagaya kagabi. Hindi ko sinasadya ‘yun. Marami kasing iniisip at inaalala ang mama,” paliwanag ng kaniyang ina.

“Anu-ano po ba ‘yun, mama? Pangako, tutulungan ko po kayo,” ang sabi ni Benjie.

“Iyon ‘yung mga pangangailangan natin, mga pang araw-araw, mga bayarin at lahat ng responsibilidad ng mama para sa ating dalawa. Huwag mo na munang isipin ‘yun. Ako na munang bahala doon. Ang atupagin mo muna ay ang pag-aaral mo. ‘Yun ang isa sa matutulong mo sa akin. At siyempre dapat good boy ka at malambing kay mama para naman mas ganahan si mama at hindi panghinaan ng loob!” ang sabi ng kaniyang ina.

“Pangako anak, mas hahabaan ko pa ang pasensiya ko at mas susubukan kong bigyan ka ng oras simula ngayon. Mahal na mahal kita,” dagdag pa ng kaniyang ina bago yakapin si Benjie.

Labis itong ikinatuwa ni Benjie at dahil dito ay mas naengganyo pa siyang mag-isip ng iba pang mga paraan kung papaano makakatulong sa kaniyang ina habang nasa klase. Sa kaniyang pagninilay-nilay ay isang napakagandang ideya ang dumapo sa kaniyang isipan: “Tama! Hahanapan ko ng karamay sa buhay si Mama!”

Saktong tumunog ang bell ng kanilang paaralan bilang hudyat na oras na ng kanilang reses at nagsabi na ang kanilang guro na maari na silang kumain ng kanilang mga baon.

Pagkakita ni Benjie sa kanilang guro habang nagsasalita ay muli na naman siyang nagkaroon ng ideya.

“Teacher Luigi – Mama Lottie, puwede!”

Agad na nilabas ni Benjie ang baon na inihanda ng kaniyang mama at inalok ang kaniyang guro.

“Teacher, tikman niyo po ‘tong baon ko. Gawa po ‘yan ng mama ko,” pag-aya ni Benjie sa kaniyang guro.

“Wow! Ang ganda naman niyan. Mukhang pinaghirapan talaga ‘yan ng Mama mo,” pagpuri ni Teacher Luigi.

“Masarap din po ‘to,” ang sabi ni Benjie bago ipatikim sa guro.

“Masarap nga. Napakahusay ng mama mo,” papuri ni Teacher Luigi.

“Opo at saka hindi lang po magaling at masarap magluto ang mama ko. Masipag, mabait at maganda rin po siya,” pagbibida ni Benjie sa kaniyang ina.

Mula noon ay halos araw-araw niya na itong ginagawa sa kaniyang guro. Parati na niyang ibinibida ang ina sa kaniyang guro at parati rin naman niyang ikinukuwento sa kaniyang ina si Teacher Luigi sa pagbabakasakaling magkakagustuhan ang dalawa.

Makalipas ang isang linggo ay dumating na ang araw na pinakaabangan ni Benjie. Ito ang araw nang pagkikita ng kaniyang Mama Lottie at Teacher Luigi nang dahil sa PTA meeting sa eskwelahan.

“Good morning po! Kayo po siguro ang mama ni Benjie? Parati niya po kayong ipinagmamalaki rito sa eskwelahan. Lalo na po ‘yung mga cute na pinaghirapan niyo na baon niya,” pagbati ni Teacher Luigi kay Mama Lottie.

“Naku! Nakakahiya naman. Ikaw po siguro si Teacher Luigi? Marami pong magagandang naikuwento tungkol sa inyo ang anak ko. Maraming salamat sa matiyagang pagtuturo sa kaniya,” sagot ni Mama Lottie.

Naging maayos ang pag-uusap ni Mama Lottie at ni Teacher Luigi. Labis na natuwa si Benjie sa pag-aakalang nagkakasundo na ang dalawa. Naging maayos ang lahat hanggang sa may biglang dumating na isang Ginang na may kasamang babaeng anak pagkatapos mag-alisan ng kaniyang mga kaklase at mga magulang nito mula sa meeting.

“Benjie, ito nga pala ‘yung anak kong si Andrea at asawa kong si Teacher Annie. Isa siya sa magiging guro mo sa susunod na taon,” pagpapakilala ni Teacher Luigi.

Biglang nawala ang ngiti sa mga labi ni Benjie. Siya ay tumungo lamang at naging matamlay.

“Naku, pasensiya na kayo. Bigla atang nahiya ‘yung anak ko. Nice meeting you and your family, Teacher Luigi. Una na kami ng anak ko,” ang sabi ni Mama Lottie.

Pagkauwi ng bahay ay napansin ni Mama Lottie na matamlay ang kaniyang anak kaya tinanong niya ito. Doon niya nalaman ang pinlano ng kaniyang anak para sa paghahanap nito ng taong makakaramay niya sa buhay. Siya ay napangiti at nagpasalamat sa pag-aalala ng kaniyang anak bago ito masinsinang kinausap.

“Anak, salamat pero hindi mo kailangang gawin ‘yun. Kung mayroong ibang darating na magiging karamay natin sa buhay, maganda ‘yun. Pero kung wala, ayos lang din. Kasi nandyan ka naman ‘di ba? Hindi ba’t ikaw naman ang karamay ko sa buhay? Hindi ba’t ipinangako mo na tutulungan mo ako?” pahayag ng kaniyang ina.

“Anak, ikaw lang sapat na,” dagdag pa nito.

Niyakap nang mahigpit ni Benjie ang kaniyang ina. 

“Opo, mama! Ako po ang makakaramay niyo sa buhay. Hinding-hindi ko po kayo papabayaan,” pahayag ni Benjie.

Mula noon ay parati nang tinutulungan ni Benjie ang kaniyang ina sa lahat ng bagay. Siya rin ay nagpapaturo rito ng mga gawaing buhay upang mabawasan ang gawain ng kaniyang ina. Nang dahil dun ay mas nagkaroon ng oras ang mag-ina sa isa’t-isa.

Paglaki ni Benjie ay patuloy niyang dinamayan ang kaniyang ina. Hindi niya ito pinabayaan. Kahit na siya ay nagkaroon ng sariling pamilya ay isinama niya sa kanila ang kaniyang Mama Lottie at inalagaan gaya ng pag-aalaga sa kaniya nito nung bata pa siya.

More Stories