Palaging Napapanaginipan ng Babae ang Lola Niya Kasama ang Isang Misteryosong Binata, Nakakaiyak Pala ang Love Story ng Dalawa

“Kamusta? Pwedeng makipagkaibigan? Ang pangalan ko ay Teodoro. Ikaw, anong pangalan mo?” Tanong ng isang anim na taong gulang na batang lalaki sa batang babae na nasa kaniyang harapan.

“Ang pangalan ko ay Luningning,” mahiyaing sagot ng batang babae.

Simula nung sumapit ang ika-dalawampu’t isang kaarawan ni Bituin ay halos gabi-gabi na niyang napapanaginipan ang kaniyang Lola Luningning at ang lalaking walang mukha sa kaniyang panaginip, si Teodoro.

At habang tumatagal ay lalong umaalab ang kuryosidad ni Bituin sa pagkatao ng lalaki. Hindi niya maipaliwanag ng mabuti ang kaniyang nararamdaman pero kahit hindi niya pa nakikita ang mukha nito ay tila sinakop na ng lalaki ang malaking bahagi ng kaniyang puso.

“Ma, may nababanggit po ba sa inyo si lola tungkol sa isang lalaking nagngangalang Teodoro? Sa tingin ko po ay kababata siya ni lola,” tanong ni Bituin sa kaniyang ina.

“Wala naman, anak. Bakit? Napanaginipan mo na naman ba ang lola mo? Ang lolo mo talaga, o. Napaghahalata na paborito ka niya. Kahit matagal na siyang sumakabilang buhay dinadalaw ka pa rin niya sa panaginip mo,” biro ng nanay ni Bituin.

Sumapit ang gabi, nang makatulog na si Bituin ay muli na naman niyang napanaginipan ang kaniyang lola.

“Saksi ang buong kalangitan, ang mga kumikislap na mga bituin sa buong kalawakan, pati ang kabilugan ng buwan, isinusumpa ko na ikaw lang, Luningning, ang nilalaman ng aking puso,” matapang na pahayag ni Teodoro sa kaniyang sinisinta.

Advertisement

“Ikaw lang rin, Teodoro, ang tanging nagpapatibok ng aking puso. Pero ano ang gagawin natin? Tutol ang ating mga magulang sa ating relasyon,” malungkot na saad ni Luningning.

“Dating matalik na magkaibigan ang ating mga ama. Ngunit nung umibig sila sa iisang babae ay nakalimutan nila ang kanilang pinagsamahan. Hindi natin kasalanan kung napaniwala sila ng babae sa kaniyang mga kasinungalingan na naging dahilan ng pagkasira ng kanilang pagkakaibigan. Wala tayong kinalaman sa nangyari. Labas tayo sa away nila.”

Malungkot na bumangon si Bituin sa kama. Dama niya ang matinding takot at pangamba ng kaniyang lola na tila ba pareho sila ng nararamdaman. Na ang katawan, puso at isipan niya at ng kaniyang Lola Luningning ay iisa lamang.

“Bituin, anak, nakita ko nga pala yung lumang baul ng lola mo nung naglinis ako ng bodega. Nandoon po yung mga gamit niya. Baka may makikita ka doong impormasyon tungkol sa nagngangalang Teodoro na tinanong mo sa’kin nung isa araw. Nilagay ko na yung baul sa loob ng kwarto mo,” wika ng nanay ni Bituin.

Isa-isang inusisa ni Bituin ang laman ng baul. May mga nakita siyang mga lumang damit, mga alahas at palamuti, mga litrato, mga liham at ang talaarawan ng kaniyang Lola Luningning.

Ang mga litrato ay puro mga larawan ng kaniyang lola nung bata pa lamang siya hanggang sa nung tumanda siya. Sa ibang mga larawan ay kasama niya ang kaniyang mga kaibigan, kamag-anak at pamilya pero wala ni isang larawan ni Teodoro.

Nang tinignan naman niya ang mga liham ay napansin niyang sa iisang tao lang galing ang mga ito, kay Teodoro. Tulad ng kaniyang inaasahan ay naglalaman ito ng mga tula at matatamis na pananalita ng lalaki para sa kaniyang lola. Nang mabasa niya ang pinakahuling sulat mula dito ay di na niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha sa mata. Ang huling sulat ay tila ba isang liham ng pamamaalam ngunit umaasang muli silang magkikita ng Lola Luningning niya.

“Saan ka man dalhin ng iyong mga paa, lagi mong pakatandaan na hindi ako mawawala sa iyong tabi. Huwag kang malungkot at pahiran mo ang luha sa iyong mga mata. Hindi man tayong palaring magkasama sa panahong ito, ipinapangako ko na sa muli nating pagkikita ay magiging isa ang ating mga puso.”

Advertisement

Humagulgol ng iyak si Bituin matapos niya basahin ang sulat. Nagsunud-sunod pa lalo ang pagtulo ng kaniyang mga luha nang mahulog mula sa sobre kung saan nakasilid ang liham ang isang panyong may pulang mantsa at may burda ng pangalan ni Teodoro. “Kung mahal nila ang isa’t-isa, bakit sila naghiwalay? Ano kaya ang nangyari?” Bulong ni Bituin sa kaniyang sarili.

Matapos niya ibalik sa baul ang mga gamit ng kaniyang lola ay humiga na siya sa kama para matulog.

Isang matandang lalaki ang lumapit kay Luningning. Inabot niya ang isang duguang panyo sa dalaga.

“Itay, bakit po nasa inyo yung iniregalo kong panyo kay Teodoro? Bakit po ‘to duguan? Anong nangyari? Sabihin niyo sa’kin, Itay. May nangyari po bang masama sa kaniya? Nasaan na siya?” Nanginginig ang mga kamay ni Luningning habang hawak niya ang panyo.

Bumuka ang bibig ng matandang lalaki. Tila nagsasalita ito ngunit walang marinig na boses mula sa kaniyang mga bibig. Ilang sandali pa ay biglang naghihiyaw sa Luningning.

“Nagsisinungaling ka, Itay! Ayaw mo lang sa kaniya para sa’kin kaya sinasabi mo ‘yan! Buhay si Teodoro! Hindi siya pwedeng mamatay! Sinungaling ka! Hindi niya ko iiwan! Hindi ako iiwan ni Teodoro!”

Napabalikwas sa kama si Bituin dahil sa matinding emosyong kaniyang naramdaman dahil sa kaniyang napanaginipan. Pawis na pawis at nanginginig ang kaniyang katawan. Binalot ng matinding kalungkutan ang kaniyang kaluluwa. Hindi niya maintindihan pero umiiyak ang kaniyang puso, nagdadalamhati ang buo niyang pagkatao.

Ngayon ang unang araw ng bagong boss kung saan nagtatrabaho si Bituin. Para hindi tuluyang magsara ang kompanya ay napilitan itong ibenta ng dating boss sa iba. At bilang sekretarya ng bagong may-ari ay abalang-abala si Bituin sa paghahanda para sa pagdating nito.

Advertisement

“Good morning po, Mr. Marasigan. Ako po si Bituin ang inyong magiging sekretarya,” bati ni Bituin sa kaniyang boss.

“Good morning, Ms. Secretary and future Mrs. Marasigan. Teddy na lang ang itawag mo sa akin. Pero mas matutuwa ako kung tatawagin mo kong hubby, wifey.” Bagama’t nagulat si Bituin sa sinabi ng kaniyang boss ay agad din siyang nakabawi.

“Palabiro po pala kayo, sir.”

“Seryoso ako. Hindi ako nagbibiro. Baka multuhin ako ng lolo ko pag ginawa kong biro ang kasal. Alam kong hindi pa tayo gaanong magkakilala pero unang kita ko pa lang sa litrato mo nung natanggap ko ang mga files ng mga empleyado ko ay nakakasiguro ako na ikaw ang babaeng matagal ko nang hinahanap, ang nag-iisang babae na ihaharap ko sa dambana at pag-aalayan ko ng aking buhay.

Liligawan kita at di magtatagal ay magpapakasal tayo. Pero kung gusto mo nang magpakasal ngayon, mas pabor sa’kin. Pwede tayong ikasal ng ninong ko. Okay lang bang sa’yo na sa huwes muna tayo magpakasal?” Nalaglag ang panga ni Bituin sa mga salitang binibitawan ng kaniyang boss.

Tinotoo ni Teddy ang panliligaw niya kay Bituin at di nagtagal ay sinagot din siya ng babae.

“Napapanaginipan mo pa ba ang lola mo?” Napaisip si Bituin sa tanong sa kaniya ng ina. Ang huling panaginip niya sa kaniyang lola ay nung natanggap nito ang duguang panyo ni Teodoro.

“Hindi na po.”

Advertisement

Dahil sa pagtatanong ng ina ay naalala ni Bituin ang talaarawan ng kaniyang lola kaya kinuha niya ito sa lumang baul at inumpisahan niyang basahin ang nilalaman noon. Tulad ng kaniyang inaasahan ay punong-puno ito ng matinding damdamin ng kaniyang lola tungkol sa iniirog nitong si Teodoro.

Ngayon ang araw ng unang anibersaryo nina Teddy at Bituin bilang magkasintahan at balak ng dalawang na mag-date pagkatapos ng oras ng trabaho.

Habang naghihintay si Bituin na matapos ang meeting ni Teddy sa isang kliyente ay ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng talaarawan ng kaniyang lola.

“Nawalan ng kulay ang aking buhay simula nung nawala ka, Teodoro. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Maaring hindi nga ito ang tamang panahon para sa ating dalawa. Pero sa muli nating pagkikita ay panghahawakan ko ang iyong pangako na hindi na tayo maghihiwalay.”

Tuloy-tuloy ang pagpatak ng mga malalaking butil ng luha mula sa mga mata ni Bituin matapos niyang basahin ang huling pahina ng talaarawan ng kaniyang lola. Sa takip ng talaarawan ay may napansin siyang isang papel na nakasiksik. Nang hilahin niya ito ay isa pala itong larawan ng isang matipunong sundalong lalaki, ang larawan ni Teodoro. Sa wakas ay nagkaroon na rin ng mukha ang lalaki na palaging napapanaginipan niya.

Matapos makipag-meeting sa kliyente ay nadatnan ni Teddy na umiiyak si Bituin. Aaluin na sana niya ito nang mapansin niya ang larawan na hawak-hawak nito.

“Saan mo iyan nakuha?”

Bagama’t nagtataka ay mahinahong sinagot ni Bituin ang kasintahan. “Sa talaarawan ng lola ko.”

Advertisement

Imbes na mag-date ay dinala ni Teddy si Bituin sa bahay ng kaniyang mga magulang para ipakita sa kaniya ang malaking kwadro na nakasabit sa dingding.

“Siya ang Lolo Teodoro ko. Isa siyang sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nahuli siya ng mga Hapon, ikinulong at pinahirapan. Ilang beses na niyang ninais mamatay pero sa tuwing naaalala niya ang pinakamamahal niyang babae ay muli siyang nabubuhayan ng loob. Nang makalaya siya at natapos na ang digmaan ay binalikan niya yung babae pero tanging abo ng nasunog na bahay ang kaniyang nadatnan.

Naniniwala siya na kasama itong nasawi sa digmaan. Bagama’t pinakasalan at minahal niya ang lola ko kahit kailan ay hindi nawala ang pagmamahal niya sa kaniyang unang kasintahan. Palagi niyang ikinikwento sa akin ang love story nila. At kung hindi ako nagkakamali ay Luningning ang pangalan ng lola mo.”

“Kung ganoon ay nagsinungaling ang tatay ni lola sa kaniya. Ang alam ni lola ay sumakabilang buhay na ang lolo mo,” malungkot na pahayag ni Bituin.

Tadhana man o pagkakataon ang maitatawag sa pagtatagpo ng kanilang mga landas ay hindi nila alam. Pero nakakasiguro sina Teddy at Bituin sa dalawang bagay. Una, tulad ng kanilang mga lolo at lola ay wagas ang pagmamahalan nila sa isa’t-isa. Pangalawa, taliwas sa nangyari sa kanilang mga lolo at lola ay habangbuhay silang magsasama.

Di nagtagal ay ikinasal sina Teddy at Bituin. At sa buong seremonya ng kanilang kasal ay dama ng dalawa ang presensya nina Lolo Teodoro at Lola Luningning.

“Sa wakas ay muli tayong pinagtagpo, Luningning. Sa pagkakataong ito ay hindi na tayo maghihiwalay pa.”

“Hahawakan ko ng mahigpit ang iyong mga kamay, Teodoro. At hindi ko na ito bibitawan kahit kailan.”