Konsensya ang Siyang Magpaparusa

“Buwisit na buhay ʼto!”

Kunot na kunot ang noo ni Dan nang siyaʼy lumabas sa bar kung saan sila nagkayayaang magbabarkada kanina. “Bad trip!” Napahiyaw ang kaniyang isip. “Natalo ako sa pustahan namin kaya lagas ang sampung libong kinita ko lamang kahapon!” Naiinis siyang napasipa sa hangin.

Ni hindi man lang tumagal ang sampung libong pisong nadilihensya niya kahapon. “Lintek na pustahan ʼyan! Sana hindi na lang ako sumali!”

Sa inis ay hindi na siya nakapagpaalam pa sa mga kaibigan niyang paniguradong nagpapakasasa na ngayon sa perang pinaghirapan niya. Pumuwesto siya sa tapat ng bar kung saan puwedeng mag-abang ng jeep ngunit halos mapalakas pa nga ang mura niya nang maalalang buong isang libo na lamang ang perang nakalagay sa pitakang nakasilid ngayon sa kaniyang bulsa. Sinubukan niyang kapain ang bulsa niya pero wala talaga siyang siyam na pisong baryang puwede niyang ipamasahe man lamang.

No choice. Kailangan niyang maglakad mula rito hanggang sa tinutuluyan niyang apartment. Sinimulan niyang ihakbang ang kaniyang mga paa. Tinahak niya ang daan sa pamamagitan ng mabilis na paghakbang. Ngunit isang babae ang humarang sa kaniya mayamaya. Bitbit nito ang anak na marungis din katulad nito. Nanlilimahid ang kanilang mga suot na damit. Mabaho na rin ang kanilang amoy at nakadidiri ang mga hitsura.

Mariin siyang umiling upang ipahiwatig na wala siyang perang maipanlilimos dito ngunit kumunot lamang ang noo ng ina.

“Sa inyo yata ito. Nahulog niyo kanina paglabas niyo roon,” sabi ng babae na kaagad na ikinagulat ni Dan. Iniaabot nito sa kaniya ang wallet na naglalaman ng isang libong piso habang iningunguso kung saang gusali siya lumabas.

Bigla siyang kinilabutan nang matitigan ang babaeng nag-aabot ng pitaka. Para bang bumalik sa alaala niya ang hitsura ng babaeng ito.

Advertisement

“Tama! Ito rin iyong babae kahapon!”

Dali-dali niyang kinuha ang pitaka sa kaniyang kamay at walang sabi-sabing tinalikuran ang babae upang magpatuloy sa paglalakad. Nanlalamig siya ngunit may namumuong mga butil ng pawis sa kaniyang noo.

Napapaisip siya kung papaanong naroroon ang babaeng naging saksi sa pagnanakaw niya kahapon ng pitakang iniaabot din nito ngayon? “Papaano?”

Kitang-kita ng kaniyang dalawang mga mata kung papaano ito nasagasaan kahapon habang karga ang anak nito. Ito kasi ang pinagbintangan ng mga tao bilang tunay na nagnakaw ng pitaka!

Ilang minuto na ring naglalakad si Dan habang pinagpapawisan ng malamig ngunit bakit parang hindi siya makaalis sa kaniyang puwesto?

Bigla siyang natigilan sa kaisipang iyon at kinabahan. Sinubukan niyang muling humakbang ngunit para bang napakabigat ng kaniyang mga paa, binti at hita.

“Tatakas ka na naman ba?” dinig niyang bulong ng tinig ng babae sa tapat mismo ng kaniyang tainga. “Saan ka pupunta?” Humahalakhak ito sa mismong tainga niya!

Nanigas siya sa kinatatayuan. Gusto niyang sumigaw ngunit hindi siya makapagsalita. Ni hindi niya maibukas ang kaniyang bibig.

Advertisement

Ramdam na ramdam niya nang hawakan ng isang malamig na kamay ang kaniyang leeg bago siya pinilit na sakalin.

Binalot ng takot ang buong pagkatao ni Dan. Takot na kahit anong pilit niyang iwaglit ay hindi mawala sa kaniyang kaibuturan.

“Layuan mo ako!” ang paulit-ulit na hiyaw niya ngunit parang hindi nakakarinig ang babaeng naging biktima ng maling akala. Kahit saan siya lumingon ay naroon ang babaeng iyon, umiiyak, humahalakhak. Animo’y isa itong baliw na palagi siyang binabantayan. “Layuan mo ako. Nakikiusap ako sa iyo!”

Nakatanim na ang pigura at hitsura ng babae sa kaniyang konsensiya. Hindi man nito nakamit ang hustisyang hanggang ngayon ay tinatakasan niya ang kunsensiya naman ni Dan ang malupit na nagbibigay ng parusa. Patunay na kahit anong gawin niyang pag-iwas sa kaniyang mga kasalanan ay hindi niya talaga ito matatakasan.

Kalaunan ay hindi rin niya kinaya ang mga pangyayaring paulit-ulit lamang na bumabalik sa kaniyang mga ala-ala. Buhay pa siya ngunit pakiramdam niyaʼy narating na niya ang impiyerno.

Isang araw ay nagpasya na lang siyang sumuko sa mga pulis. Nangingitim na noon ang ilalim ng kaniyang mga mata. Nangangayayat na rin ang kaniyang katawan na tila ba malapit nang bumigay. Lango siya sa ipinagbabawal na gamot dahil sa takot na baka siyaʼy makatulog at muli na naman siyang dalawin ng babae sa panaginip niya.

Ngunit maging doon ay hindi rin siya tinigilan ng kaniyang konsensiya. Patuloy pa rin iyon sa pangririndi sa kaniya. Iyon ang habang buhay niyang parusa para sa walang kapatawarang kasalanang nagawa niya sa inosenteng mag-ina na hinayaan niyang umako noon ng kaniyang mga kasalanan.