Binalak ng Babae na Itakbo ang Pensyon sa SSS ng Matandang Kapitbahay, Nangilabot Siya nang Makita ang Kaluluwa Nito

Nakatira si Margarita sa isa sa pinakamahihirap na lugar sa Maynila. Kung alam niya lang na taga-rito pala ang mister niya ay baka hindi niya na ito pinatulan. Kaya lang ay buntis na siya noon nang iuwi rito ng lalaki kaya wala na siyang nagawa.

Ngayon ay dalawa na ang kanyang anak, ang asawa niya ay nagtatrabaho sa isang factory habang siya naman ay sa bahay lang at nag-aasikaso sa mga batang pumapasok sa eskwela.

Nakatanaw siya sa mga kapitbahay na nag-iiyakan isang hapon. Kapapanaw lang kasi ng matandang tatay ng mga ito, si Mang Javier. Dating foreman si Mang Javier na siya pa ngang nagpasok sa asawa niya sa trabaho. Ang sabi, inatake raw sa puso.

Apat ang mga anak nitong naiwan at maraming apo ang binubuhay kaya nai-imagine na ni Margarita ang pagluluksa ng pamilya. Unang araw ng burol noon, naisipan niyang magtinda ng balut para sa mga nagsasakla.

Naringgan niyang nag-uusap ang dalawang anak ni Mang Javier.

“Baon na baon tayo ate, sa ospital palang ay napakahaba na ng listahan ng utang natin. Buti nga ay pinayagang ilabas ang katawan ni tatay,” sabi ng bunso, si Jonel.

“Gagawaan natin ng paraan. Sabi ng kasamahan ni Tatay may ano raw siya.. SSS. May makukuha raw tayo basta ipapakita ang dead certificate ba iyon..dead,death..”

Napailing nalang si Margarita, palibhasa ay hindi nakapag-aral ang magkakapatid kaya mangmang ang mga ito. Isang ideya ang pumasok sa isip niya.

Advertisement

“Nel, gusto nyo ako nalang lumakad sa papel ng tatay nyo?” nakangiting sabi niya. Aba, kahit papaano ay umabot siya ng 1st year college ano.

Kaya alam niya ang mga papel papel na iyan. Marunong naman siyang sumulat at bumasa, madali nang magtanong sa mga ahensya.

“T-talaga ho Aling Margarita?”

“Oo naman! Basta ibabawas ko yung pamasahe ko ha, wala rin akong datung eh,” sabi niya.

Tuwang-tuwang pumayag ang magkapatid. Nagkasundo silang tatlo kaya lang ay may iba palang iniisip si Margarita. Balak niyang gapakin ang perang makukuha ng matanda, malaki-laki na rin iyon. Pwede nang puhunan sa sari-sari store niya. Bibigyan niya nalang ng dalawang libo ang mga ito para di na maghinala pa. Tutal ay mga bobo naman.

Hindi mailibing libing si Mang Javier dahil hinihintay nga ang pera.

“O ayan, bukas pwede ko na i-claim yung pera ng tatay nyo. Tapos sabi roon sa SSS, may pension raw siya monthly pero maliit lang. Siguro ay mga nasa 500 lang kada buwan. Ako na ang kukuha para sa inyo,” pagsisinungaling niya, ang totoo kasi ay 3000 ang pension na makukuha dapat ng pamilya.

“Salamat ho Aling Margarita, kundi ho dahil sa inyo ay baka hindi na namin nakuha ang pera,” walang kaalam-alam na sabi ni Jonel.

Advertisement

Hindi muna umuwi si Margarita, tumambay muna siya sa labas. Ninanamnam ang simoy ng hangin habang nanonood sa nagsasakla. Ang ganda ganda ng mood niya dahil magkakapera na siya bukas.

Pero nanlaki ang mata niya nang makita ang matandang naglalakad palapit sa kanya. Titig na titig ito at nakasuot ng kulay puti.

Si Mang Javier!

Tumayo lahat ng balahibo niya sa katawan, para siyang napako sa kinauupuan.

“M-Mang..Mang Javier..” kinakabahang sabi niya, mabagal lang ang lakad nito.

Bumwelo lang siya at nagtatakbo na sa loob ng kanyang bahay, ini-lock niya ang pinto habang nagdarasal ng Ama Namin.

“Patawarin mo ako Mang Javier, patawarin mo ako Diyos ko..Ibabalik ko na ho ang pera, sasabihin ko na ang totoo!” takot na takot na wika niya.

Kinaumagahan ay maagang lumakad si Margarita para i-claim ang pera. Nanginig ang laman niya nang matanaw ang matanda na nakatayo sa pintuan ng bahay nito, wala pang tao noon dahil madaling araw pa lang.

Advertisement

Buti nalang ay hindi siya sinundan.

Wala pang alas dose ng tanghali ay pauwi na siya, pagbaba niya sa tricycle ay agad niyang hinanap si Jonel.

Ibinigay niya ng buo ang pera, sinabi niya rin sa binata kung magkano ang makukuha nito buwan-buwan nang walang labis, walang kulang.

“Jonel, akala ko 500. 3000 pala ang pension, swerte ninyo!” sabi niya nalang pero kinakabahan pa rin.

“Salamat ho Aling Margarita, ito ho ang isang libo para sa-“

“Hindi na! Inyo na iyan, abuloy kona!”

“Naku, sobra hong matutuwa ang tatay sa inyo.”

“Sana nga..” akmang tatalikod na siya nang mapasigaw, dahil nakatayo sa gilid niya si Mang Javier.

Advertisement

Halos himatayin na siya nang magsalita si Jonel.

“Pasensya na ho Aling Margarita, si Tiyo Jaime ko ho iyan. Kakambal ng tatay. Kararating lang kagabi mula probinsya.. naku natakot yata kayo.”

“Tiyo mo?!”

“Oho..”

Nakahinga siya nang maluwag, natatawa siya at ikinahihiya ang sarili.

Hindi man nagmulto si Mang Javier, tiyak niyang Diyos na ang gumawa ng paraan upang hindi niya ituloy ang masamang naiisip niya.