Para sa Iyong Kaligtasan

Habang naglalakad si Emma papasok ng eskwelahan ay minalas-malas na nakasalubong nito ang mga manyakis na laging tumatambay sa kanilang kanto.

“Miss, wala ata ‘yong palagi mong kasama ah? Gusto mo ako na ang maghatid sa’yo?” pabirong sabi ng isang tambay habang ngingisi-ngisi. Hindi ito pinansin ni Emma at nagtuloy-tuloy lamang sa paglalakad.

“Grabe ka naman! Bakit hindi ka namamansin? Parang hindi mo gusto ah,” patuloy na pambabastos pa ng isa. Sa takot ay lalo pang binilisan ni Emma ang paglalakad hanggang umabot sa sakayan. Agad itong sumakay ng jeep deretso sa kanyang eskwelahan.

Nang makababa ng jeep ay nakaabang na sa kanya ang nobyong si Alfred.

“Baby, pasensiya ka na at hindi kita nasundo. Late na kasi ako nagising dahil nawalan ng tubig sa amin kagabi, kaya nag-igib ako ng tubig noong madaling araw,” malungkot na sabi ni Alfred sa kanyang nobya.

“Ano ka ba? Walang problema, baby. Naiintindihan ko naman. At isa pa, hindi naman delikado sa amin,” pagsisinungaling ng dalaga.

Madalas niyang iwasan ang pagsusumbong kay Alfred dahil mabilis mag-init ang ulo ng lalaki sa tuwing maririnig na may nangahas na bastusin siya. Noong nakaraang buwan nga lang ay halos mabasag ang bungo ng lalaking nahuli ni Alfred na titig na titig sa dibdib ng nobya niya habang sila ay namamasyal sa mall.

“Hindi raw delikado. Sus! Bakit kasi hindi pa kayo lumipat. Dalawa na lang kayo ng mama mo sa bahay, pareho kayong babae, tapos napapaligiran kayo ng mga lalaking ganyan. Ihahatid kita mamaya ha?” sagot ni Alfred.

Advertisement

Pagkatapos ng klase ay sinigurado ni Alfred na makakauwi ng ligtas si Emma kaya hinatid niya ito hanggang sa tapat ng bahay ng dalaga. Kinabukasan, maagang umalis si Emma dahil naalala niyang may kailangan pa siyang ihanda sa laboratory sa eskwelahan. Alas singko pa lamang ng madaling araw at madilim pa noong mga oras na iyon. Nakasalubong na naman niya ang isang lalaking halatang langong-lango sa alak.

“Oy, wala ka na namang sundo? Sakay ka sa akin, makakarating ka sa langit!” malokong sabi nito sabay akbay sa dalaga.

Sa sobrang takot ng dalaga ay nagpumilit itong kumalas sa pagkaka-akbay ng lalaki. Subalit dahil mas malakas ang lalaki, nakaakbay lang ito hanggang sa sakayan ng jeep. At bago nito bitawan ang babae ay pinalo pa niya ito sa puwet na labis na ikinagalit ni Emma.

“Sa susunod pag nakasabay kita, lagot ka na,” natatawang sigaw ng lalaki habang pasakay ng jeep ang dalaga. Natakot itong ituloy ang plano niya dahil marami-rami na ring tao ang nag-aabang sa sakayan ng jeepney.

Sa sobrang takot ni Emma ay napaiyak ito sa biyahe papunta sa eskwelahan. Tinawagan niya si Alfred upang salubungin siya nito sa harap ng eskwelahan. Mabilis namang nakarating ang binata doon dahil malapit lamang ang bahay niya mula doon.

“Alfred, may lasing na nambastos sa akin,” naiiyak na sabi nito sabay yakap kay Alfred. Nagulat ang binata kaya nagalit agad ito.

“SINO? ITURO MO SA AKIN YAN AT BABALIKAN KO NGAYON DIN!” galit na sabi nito sabay hawak sa kamay ng nobya.

“Kahit ituro ko sa’yo, hindi mo na siya maaabutan doon,” sagot naman nito. Mabuti na lamang at kumalma si Alfred. Matapos ng kanilang eskwela ay nagdesisyon ang binata na dumiretso ng mall upang bumili ng pepper spray na maaaring gamitin ng dalaga sa mga pagkakataong hindi siya masasamahan ni Alfred.

Advertisement

Makalipas ang ilang linggo ay nagkaroon ng event sa kanilang eskwela at dahil inabot sila ng hating gabi, nagkayayaan ang magkakaibigan na uminom sa bahay ng isa nilang ka-eskwela.

Dala ng kalasingan ay nagawang dalhin ni Alfred sa isang kwarto ang kanyang nobya. Tila nakalimutan ng binata ang usapan nila ni Emma na walang mangyayari sa kanila hanggang makatapos sila ng pag-aaral. Habang sinusubukan ni Alfred na isa-isang hubarin ang mga damit ng dalaga ay pilit naman na kumakawala ito sa kanyang nobyo.

“Alfred! Ano ba?! Bitawan mo ako! Lasing ka!” sigaw ni Emma habang hinahanap ang pepper spray na binili nito. Nang mahanap ito, agad niya itong itinutok sa mukha ng binata.

“ARAY!” sigaw ni Alfred habang namimilipit sa sakit. Agad naman na lumabas si Emma ng kwarto at naghanap ng gatas para ipangbuhos sa mukha ng binata. Nang makahanap, agad itong bumalik at binigay ang gatas sa nobyo.

“Babe, ok na ba?” nag-aalalang tanong ni Emma.

“Ok naman na babe. Ano bang nangyari?” sagot naman nito habang hinihilamos ang gatas sa mukha. Tila ba nahulasan ito sa pagkalasing nang mai-spray-an ng pepper spray sa mukha. Ipinaliwanag ni Emma ang mga nangyari sa kanila. Pagkatapos ay paulit-ulit na humingi ng tawad ang nobyo nito at nangakong hindi na ito gagawin muli.

Maraming taon ang lumipas at mas pinagtibay pa ang relasyon ng dalawa. Katunayan ay sa isang buwan ay ikakasal na ang dalawa. Natatawa na lamang sila sa tuwing naaalala ang kwento ng pepper spray na iyon.