Isang Kababalaghan ang Naranasan ng Dalaga ng Gabing Tumakas Siya sa mga Magulang na Hindi Pumayag na Umalis Siya

Nasa huling taon na sa kolehiyo si Anna, kung tutuusin ay labing siyam na taong gulang na siya. Nasa tamang edad na ngunit ubod pa rin ng higpit ng kanyang mga magulang, iniingatan lamang siya ng mga ito dahil nag iisa siyang anak pero di niya nakikita iyon.

Ang nakatatak sa isip niya, nakakasakal ang mga magulang at ayaw ng mga itong maging masaya siya.

“Who are you with?” tanong ng mommy niya isang gabing kumakain sila ng dinner, nagpapaalam siya na lalabas ngayong gabi at a-attend sa birthday ng kaibigan.

“Mom, the usual. Si Ces kasama ko at si Vanessa,” sabi niya, sinadya niyang ngayon lamang magpaalam kung kailang biglaan. Kasi pag matagal pa lang ay nagsabi na siya, may chance pang magbago ang isip ng mga ito.

“Same pa rin ang number nila?” tanong naman ng daddy niya. Napairap naman si Anna, eto na naman ang dalawa. Tatawagan nanaman ang mga kaibigan niya, nakakahiya talaga! Bwisit!

“Yes dad, pero seriously tatawagan nyo ba sila? Don’t you trust me?”

“Anak kaya namin sila tinatawagan hindi dahil we don’t trust you, nag aalala lang kami and we wanna make sure na may kasama ka, at safe ka,” sabi ng mommy niya at hinawakan pa ang kamay niya.

Hindi na lamang siya kumibo, alam niya na naman ang patutunguhan ng pag uusap na ito eh, hindi siya papayagan.

Advertisement

Ilang sandali lang, nakumpirma niyang tama ang kanyang hinala. Di nga siya pinayagan, sabi ng mom at daddy niya next time nalang raw bumawi.

Nakasimangot siyang dumapa sa kama, siguro nagkakasiyahan na ang friends niya at heto siya, nakatunganga sa boring na kwarto. Nakukuntento na sa pagtingin sa posts ng mga ito sa nagaganap na kasiyahan ngayong gabi.

Hanggang makaisip siya ng isang ideya, pagsulyap niya sa orasan ay 11 na ng gabi. Tiyak niyang tulog na ang mga magulang. Malapit lang naman ang bahay ng classmate niyang si Bianca, isang jeep lang. Makiki-party lang siya kahit dalawang oras lang, sisiguruhin niyang paggising ng mga magulang niya ay nasa bahay na siya.

Matagumpay siyang nakaalis sa bahay nila at para siyang nakawala sa kural nang makarating sa party. Inom rito, inom roon. Langung lango siya, buti na lang at pinigil na siya ng kaibigang si Vanessa.

Hawak hawak siya nito sa siko para ihatid sa kanila, nang makarating sila sa sakayan ng jeep ay pabalibag siyang umupo malapit sa pinto.

“Ayokong maging taga-abot ng bayad no, hik!” tatawa-tawang sabi niya. Napansin niyang nakatingin sa kanya lahat ng nakasakay, hindi nakangiti ang mga ito. Si Vanessa naman ay umupo sa tapat niya. Napapailing na lamang itong nakatitig sa kanya.

“Naku, siguruhin mong di ka makikita ni tita at tito sa ganyang itsura. Kundi, yari talaga tayo,”

“H-hindi ako mahuhuli, kung aalis na tayo. Etong manong kondoktor na to tawag pa ng tawag, hoy kuya! Punong puno na tong jeep! Tara na!” sigaw niya sa barker.

Advertisement

Sinulyapan lang siya ng lalaki at muli nang nagtawag, sigaw ito nang sigaw, waluhan raw ang upuan. Diyos ko, saan kaya nito isasaksak ang pagkarami-raming pasahero? Ikakandong niya?

Ilang sandali pa, palibhasa ay madaling araw na kaya wala nang masyadong tao, napagpasyahan ng kondoktor at driver na umalis na. Iiling iling pa ang matandang nagmamaneho, “Lugi pa ako sa gasolina nito eh,”

Pagsulyap ni Anna kay Vanessa ay tulog na ang kaibigan, nakatitig naman sa kanya ang babaeng katabi niya, siguro ay kaedad niya lamang ito.

“Tinitingin tingin mo? Pampam ka?” taas kilay na sabi niya.

“K-kung nakinig lang ako sa mama at papa ko, sana maayos pa ang lahat. Sana kasama ko sila ngayon. Kaya ikaw, makinig ka ha?” sabi nito.

“Hala, marunong ka pa sa akin. Papansin much miss, tara selfie tayo, bida bida ka eh!” sabi niya, mabilis uminit ang ulo palibhasa ay lasing na. Kinuha niya ang cellphone at nag-video pa siya.

“Hi! Nakasakay ako ngayon sa jeep kasama nitong papansin na babaeng katabi ko na marunong pa sa akin, nangingialam sa buhay ng may buhay! At eto nga pala yung mga taong sobrang OA rin kung makatingin wagas, kaway kaway guys!” sabi niya at iniikot ang camera sa mga pasaherong nakatitig lamang sa kanya kanina pa, feeling niya ay hinuhusgahan siya ng mga ito dahil lasing siya.

Sinulyapan siya ng matandang driver sa rear view mirror, “Huy miss, gabi na, wag kang manggulo rito,” saway nito.

Advertisement

“Sawayin mo itong nagmamarunong na katabi ko!” bulyaw niya bago siya hinila ng antok.

Sira ang plano ni Anna, dahil pagbukas niya pa lamang ng pinto ay nakaabang na ang mga magulang niya sa salas. Buti nalang, kasama niya pa si Vanessa kaya may katulong siyang magpaliwanag. Di muna sila kinausap ng dalawa at hinayaan muna silang matulog upang lumipas ang kalasingan.

Kinaumagahan, seryoso ang mga magulang niyang nakatitig sa kanilang dalawa ng kaibigan. Nagulat pa siya nang bigla na lamang siyang yakapin ng kanyang ina.

“Sorry kung nasasakal kana sa amin, s-sorry anak, natatakot lang kasi akong matulad ka sa anak ng kumare ko,” malungkot na sabi nito. Hindi naman makasagot si Anna.

“Akala namin kapag naghigpit kami ay mapapanatili ka naming ligtas pero mali, dahil lalo kang umaalpas anak. Kung alam mo lang ang takot namin kagabi noong wala ka sa kwarto mo,” sabi naman ng kanyang daddy.

“A-ano po ba ang nangyari sa anak ng kumare nyo?”

“Ganyang ganyan din, tumakas sa magulang para sumama sa party. Gabing gabi na, sumama sa barkada niya. Sumakay silang lahat sa jeep tapos lasing na lasing, harutan nang harutan sa loob. Ang isang barkada niya, inagawan pa ng manibela ang driver, nabangga sila sa truck anak at patay silang lahat. Iyak nang iyak si kumareng Gina, sabi nga raw ay nagmumulto raw ang dalaga at ang barkada niya tapos nakikisakay sa mga sasakyan sa hatinggabi. Halos mabaliw si kumare at sumasakay na rin sa jeep kung madaling araw, para lang magmulto sa kanya ang anak. H-heto siya o,” sabi ng mama niya at sinearch pa ang Facebook ng dalaga.

Nanlaki ang mata ni Anna nang makilala ang babae, hindi pwede!

Advertisement

Eh ito yung nakatabi niya kagabi diba? Hindi, joke time ‘to. Tinatakot lang siya ng mommy niya para sumunod.

“Mom come on, if this is some kind of a joke, it’s not funny. Hindi naman kailangang maggawa gawa kayo ng kwento para mapasunod ako. I’m sorry okay, sorry kung nagsinungaling ako. Pero imposible yang sinasabi mo, kasi kilala ko yang babae na yan. Wait,” sabi niya at inilabas ang cellphone. Natatandaan niyang nag-video siya kagabi.

Pero nalaglag ang panga niya nang mapanood ang video, naroon siya at nagsasalita pero wala siyang katabi.

Walang ibang tao sa jeep kundi ang driver at kondoktor sa unahan, siya, at si Vanessa na natutulog sa tapat niya.

“M-mom, oh my God.” nasabi niya nalang.

Mula noon ay natuto nang makinig si Anna, naintindihan niya na ang pinaghuhugutan ng kanyang mga magulang. Hindi na naman ganoon kahigpit ang mga ito pero siya na ang kusang sumusunod.

Kinailangan pang pakitaan siya ng multo, para matuto siyang makinig. Ayaw lamang siguro nitong matulad siya sa malungkot na kapalaran nito.