Pilit na Nagpapapayat ang Matabang Babae Dahil sa Pangungutya ng mga Kaopisina, ‘Di Niya Akalain na ang Katabaan Niya Pala ang Magdadala Sa Kaniya Sa Tagumpay

“Hinay-hinay lang sa pagkain, Fatty. Ay, Patty pala. Ang dami na namang laman ng plato mo,” pangungutya ni Kristal na katrabaho ni Patty bago tumungo sa katabing lamesa.

“Nagutom kasi ako sa trabaho natin kanina sa opisina, eh,” sagot ni Patty.

Ngunit dahil naapektuhan si Patty dito ay binagalan niya ang pagkain at unti-unti na niyang binitawan ang kubyertos at inakmang tapos na siyang kumain.

“Ano yan? Tapos ka na?” Tanong ni Luis na matalik na kaibigan ni Patty. Tumango lamang ito at hindi na nagsalita.

“Hayaan mo nga sila. Huwag kang magpapa-apekto sa sinasabi ng ibang mga tao. Ang importante ay kung anong gusto mo at kung saan ka masaya,” payo ni Luis.

“Ang taba-taba ko naman talaga. Kailangan ko na talagang magpapayat. Bez, damayan mo ako, ah,” sagot ni Patty.

“Oo na pero basta ako, tanggap kita kahit ano pang itsura o pigura mo,” sagot ni Luis.

Pagkatapos sa trabaho ay sabay nang umuwi ang matalik na magkaibigan. Inaya ni Patty na magsimula na silang mag-gym kinabukasan. Pumayag naman si Luis at handa siyang suportahan ito sa kung anuman ang nais niya.

Advertisement

Kinabukasan ay dumiretso ang dalawa sa gym pagkatapos ng kanilang trabaho. Ngunit ilang minuto pa lang silang nagsisimula ay ramdam na agad ni Patty ang kaniyang pagod kaya naman pinagpahinga muna ito ni Luis at binigyan ng tubig.

Sa pagpapahinga ni Patty ay nadatnan siya nila Kristal at iba pang mga ka-opisina nila.

“Wow, naggi-gym ka na pala ngayon, Fatty. Para ba yan sa nalalapit nating company outing o para kay Charles?” pang-aasar ni Kristal.

“Please lang, ah, hindi kayo bagay ni Charles,” wika ng isa nilang kaopisina.

“Super gwapo, macho at sikat siya para sa’yo. Huwag kang umasa,” gatong pa ng isa nilang kasama.

Nainis na si Luis sa mga sinasabi nila kaya naman hinatak niya na ang kamay ni Patty at inaya itong umalis.

“Tigilan niyo na si Patty,” sambit ni Luis sa mga ka-opisina.

“Alam mo sayang ka, Luis. Ang gwapo mo naman pero nasisira ‘yung imahe mo dahil sa pagsama-sama mo diyan kay Fatty,” sabi ni Kristal.

Advertisement

“Wala na kayo doon. Mahalaga sa akin si Patty,” sagot ni Luis, sabay alis kasama ni Patty.

Mula noon ay hindi na sila bumalik sa gym na iyon. Naghanap sila ng ibang gym na malayo sa opisina nila upang hindi na makutya si Patty. Araw-araw silang pumupunta rito at binawasan na rin ni Patty ang kaniyang pagkain. Hindi ito naging madali kay Patty. Mangilang ulit niya nang binalak na tumigil at kung minsan ay napapakain pa rin siya ng marami kaya naman isang gabi, bago ang outing nila ay kinausap siya ni Luis.

“Para saan o kanino mo ba talaga kasi ginagawa ito? Para ba sa outing bukas? Kaso kulang ang oras mo. Bukas na ‘yun,” pabirong sinabi ni Luis.

Hindi sumagot si Patty kaya seryosong nagtanong si Luis. “Dahil kila Kristal o dahil may gusto ka pa rin kay Charles?” pag-uusisa ni Luis.

“Matagal na ‘kong walang gusto kay Charles. Kahit matipuno siya, ang sama naman ng ugali niya. Wala man lang siyang ginagawa sa tuwing pinapahiya ako nila Kristal sa harap niya. Ginagawa ko ‘to kasi parati na lang akong napapahiya nila Kristal. Pati ikaw nadadamay pa,” sagot ni Patty.

Napangiti si Luis at inamin sa matalik na kaibigan ang kaniyang nararamdaman. “Huwag mo silang intindihin. Gawin mo lang kung ano ‘yung talagang gusto mo at makakapagpasaya sa’yo. Ang totoo niyan matagal na kitang gusto. Maganda ka sa paningin ko at saka mabuti kang tao. Iyon ang mas importante. Sana hayaan mong ligawan kita,” malambing na pagkakasabi ni Luis.

Nagulat si Patty. Hindi niya akalain na may magkakagusto pa sa kaniya kahit ganoon na lang ang kaniyang pigura. Pumayag si Patty na magpaligaw kay Luis.

Kinabukasan ay sinundo ni Luis si Patty sa kanilang bahay. Niregaluhan niya ito ng swimsuit para sa outing nila sa araw na iyon. Noong nakita ni Patty ito ay nag-aalangan siyang suotin ito ngunit pinilit siya ni Luis upang mapakita sa kanilang mga ka-opisina ang halos isang buwan na pagsusumikap ni Patty na magpapayat at upang ipamukha sa kanila na hindi na siya apektado sa pangungutya nila Kristal.

Advertisement

Pagkadating nila sa beach ay sinuot na ni Patty ang regalo ni Luis. Noong makita ito nila Kristal ay agad na siyang kinutya ng mga ito ngunit hindi niya na ito pinansin. Si Luis naman ay agad siyang sinalubong at hinawakan ang kaniyang kamay. Nginitian na lamang nila sina Kristal at naglakad palayo.

Sa di kalayuan ay may isang sikat na fashion designer pala ang nakasaksi sa eksenang iyon. Lumapit ito sa kanila at inalok si Patty na maging modelo ng kaniyang mga likhang damit. Dahil kilala itong fashion designer ay hindi na tumanggi pa si Patty.

Pinasok ni Patty ang pagmomodelo para sa isa sa mga sikat na fashion designer sa Pilipinas hanggang sa kalaunan ay umalis na siya sa pagtatrabaho sa kanilang opisina. Ito ay kinagulat nila Kristal at ng mga dating ka-opisina na nangungutya sa kaniya. Wala silang magawa kung hindi ang mainggit na lamang kay Patty sa tuwing makikita ito sa mga magasin at telebisyon.

Naging sikat na modelo si Patty ng mga plus size na kasuotan. Hindi rin nawala sa kaniyang tabi si Luis na kaniyang sinagot at naging kasintahan. Dahil sa kaniyang tagumpay at suporta ni Luis ay nagkaroon siya ng kompiyansa sa sarili. Mas natanggap at mas minahal niya ang kaniyang sarili.