Matapos Tangkaing Hiwalayan ang Mister, Nadiskubre ng Misis na Siya Pala ang Nag-iba

Tatlong taon na ang nakakalipas nang ikasal sina Kyla at Kent.Maganda ang trabaho ng lalaki at isa itong responsableng asawa, mayroon na silang sariling bahay at kotse, marami-rami na rin ang naiipon nilang pera sa bangko.Samantalang si Kyla naman, piniling maging simpleng may bahay upang mapagsilbihang mabuti ang asawa.

Hindi pa sila binibiyayaan ng anak at tingin ni Kyla ay iyon ang nagiging sanhi ng problema nila ngayon. Dama niya kasing nanlalamig sa kanya ang mister, siguro dahil hindi niya pa ito mabigyan ng anak. Siguro, nasa kanya ang diperensya- bakit kasi ang hina ng matris niya, ano pa ang silbi niya bilang babae? Siguro..sa iba na nito hinahanap ang hindi niya maibigay..

“Ah!” napasigaw si Kyla dahil ang dami dami niya nang negatibong naiisip. Mas mabuti pa sigurong kausapin niya na muna si Kent.

Nag isip siya kung paano sisimulan, kailangan niya ng pruweba, ng halimbawa na maaari niyang masabi rito.Halimbawa ng panlalamig nito. Nakaupo siya sa salas at tulala nang tumunog ang pintuan, dumating na ang asawa niya.

“Hi honey..” sabi lang nito, hinalikan siya sa pisngi.Tuloy tuloy na ito sa kwarto at nagbihis. O diba? nanlalamig na ito, nasabi niya sa sarili.

Pero bago mo naman pakasalan si Kent ay ganyan na talaga sya.Alam mo namang tahimik siya noon pa man at di mahilig maglambing,bulong naman ng isang bahagi ng utak niya.

“Bahala na,” sabi niya sa sarili tapos ay pumasok siya sa kwarto nila, kakausapin niya na si Kent.

“Hi.” sabi niya rito. Abalang nagbibihis ng sando ang lalaki.

Advertisement

“Hello,” sabi nito, sumulyap sa kanya at ngumiti.Hmp! Ni hindi man lang siya kumustahin!

“M-may sasabihin sana ako..” mahinang sabi niya. Tumitig lang naman sa kanya ang lalaki, tanda na naghihintay ito ng sasabihin niya.

Kaya ipinagpatuloy niya ang pagpapaliwanag, “Napansin ko kasing parang may problema tayo. Dahil ba ito sa hindi natin pagkakaroon ng anak? Dahil ba.. hindi ko maibigay iyon kaya hinahanap mo sa ibang babae?” dire-diretsong tanong niya.

Halata namang nagulat ang mister sa sinabi niya dahil kitang kita ang pagkagulat sa mukha nito.Maya maya pa ay tiim bagang na bumuntong hininga.

“So iniisip mo palang may babae ako?” kalmadong sabi nito, tila ba pinipigil ang galit.

“Oo.” walang alinlangang sagot ni Kyla.Bumalatay ang sakit sa mukha ng mister niya pero di niya iyon pinansin.Malay niya ba kung umaarte lang ito.

“Ayos ka rin eh,” nasabi na lang ng lalaki. Kauuwi lamang kasi nito sa trabaho at grabe ang pagod tapos ay pagdududa lamang pala ang madadatnan sa bahay.

“Uuwi na lang ako kina mama.Di ko alam kung ano’ng nangyayari sa atin Kent, basta alam ko may iba.May iba akong nararamdaman.” sabi niya. Di naman sumagot ang lalaki, grabe talaga.Hahayaan nalang talaga sya.

Advertisement

Nag empake siya ng ilang damit, sa ibang araw niya na lang kukunin ang mga natira niya pang gamit ang mahalaga sa ngayon ay makaalis siya rito.Bago siya lumabas ng kwarto ay di niya naiwasang itanong sa asawa, “Hindi mo na ako gustong makasama?”

“Hindi na,” simpleng sagot nito.

“H-hindi ka ba iiyak man lang ngayong aalis na ako?” tanong niya, aminin man kasi niya o hindi ay may munting bahagi ng puso niya ang umaasang pipigilan siya nito. Pero siya naman ang nagsimula nito kaya paninindigan niya na.

“Hindi,” sagot ulit nito.

Hindi na natiis pa ni Kyla ang sakit na nararamdaman kaya dali dali siyang umalis sa lugar na iyon, siguro nga ay hanggang dito na lang sila ni Kent. Mabuti nga na habang maaga pa ay natapos na. Dinatnan niya ang kanyang ina na may kausap sa telepono, nang makita siya ay agad itong nagpaalam roon.

“Sige, sige hijo kami na muna ang bahala sa kanya,” sabi ng ginang at ibinaba na ang tawag. Sinulyapan niya lamang ito ng malungkot na tingin bago ay dumiretso na siya sa kanyang kwarto at doon umiyak nang umiyak. Simpleng tanong lang naman eh, konting lambing lang sana pero binalewala siya ng asawa. Nakatulugan na ni Kyla ang pag iyak.

Kinabukasan, nagising siya na may humahaplos sa kanyang pisngi. Akala niya nga ay nananaginip lang siya dahil naaninagan niyang si Kent iyon, nasiguro niya lamang na hindi siya nag iilusyon nang dampian siya ng mister ng isang mababaw na halik sa labi.

“I’m sorry kagabi, pagod lang ako.” sabi nito.

Advertisement

“Bakit ka nandito? Diba sabi mo hindi mo na ako gustong makasama? Sabi mo pa nga hindi ka iiyak pag nawala ako, tapos eto ka ngayon.” nakangusong sabi niya, ewan niya ba pero parang biglang nawala naman ang galit sa kanyang dibdib, pati na mga pagdududa. Nababaliw na yata siya.

“Hindi naman talaga kita gustong makasama, KAILANGAN kitang makasama. Hindi ako iiyak pag nawala ka, MAMAMATAY ako pag nawala ka.” seryosong sabi ng lalaki at niyakap pa siya ng mahigpit. Napangiti si Kyla, marunong rin palang maglambing ang loko!

Hahalikan niya sana ang asawa pero bigla na lamang siyang naduwal, tumakbo siya kaagad sa banyo dahil nararamdaman niyang di niya kayang pigilan ang pagsuka. Nag aalala at nagtataka naman ang ekspresyon ni Kent, doon nanlaki ang mata ng babae. At may biglang naalala, delayed siya!

Naging malinaw sa kanilang dalawa ang dahilan ng pagiging matampuhin ni Kyla nang sinubukan ng babae na mag-pregnancy test. Ubod ng linaw, dalawang linya..

Sa wakas, buntis siya.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.