Pinatalsik ng May-ari ang Empleyadong Mas Magaling sa Kanya; Balang Araw Pala ay Magiging Utusan Siya Nito

Bilang presidente ng kompanya na gumagawa ng mga cellphone ay responsibilidad ni Mike na masigurong umuusad ang kompanya ayon sa direksyon na dapat nitong tahakin. Ngunit si Mike ang klase ng presidente na ipinapasa ang kaniyang tungkulin sa kaniyang bise presidente habang siya ay nagpapakasarap sa buhay ng walang kahirap-hirap.

“Eddie, gusto ng board na gumawa tayo ng mga bagong features sa cellphone na hindi pa nagagawa ng ibang kompanya. Ikaw na lang ang bahalang mag-asikaso niyan. Ibigay mo sa akin ang proposal sa susunod na linggo para mapresenta ko na sa kanila.” Utos ni Mike sa kaniyang bise presidente.

Habang araw-araw nag-oovertime si Eddie para masigurong maganda at maayos ang bagong feature na ipropropose ni Mike ay masaya namang nagbabakasyon si Mike sa Japan kasama ang kaniyang nobya. Tuwing nagkakaroon ng aberya sa mga investors at sa budget ay sinusubukan siyang kontakin ni Eddie ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nito mahagilap kaya wala siyang magawa kung hindi mag-isang gumawa ng paraan para masolusyunan ang problema ng kompanya.

Nagpuyat sa bar si Mike nung gabi bago ang araw na magprepresenta siya sa board kaya ang resulta ay hindi siya nakarating sa oras at si Eddie ang napilitang humarap para ilatag ang proposal na dapat sana ay ipropropose ng presidente ng kompanya. Tapos na ang meeting nung makarating sa kompanya si Mike.

Nagustuhan ng marami ang detalyadong presentasyon ni Eddie at tumaas ang kumpyansa sa kaniyang ng board. Ang patuloy na pagbango ng kaniyang pangalan ay ikinabahala ni Mike sa takot na baka palitan siya nito sa kaniyang posisyon kaya gumawa siya ng paraan para mapatalsik ito sa kompanya.

“Akala ko pa naman ay magpagkakatiwalaan ka pero nagbabalatkayo ka lang pala! Pababagsakin mo lang ang kompanya. Buti na lang at natuklasan ni Mike ang ginawa mo! Pasalamat ka wala kaming balak na ipakulong ka! Sisiguraduhin kong walang kompanya ang tatanggap sa iyo!” Galit na sigaw ng isang miyembro ng board kay Eddie.

Binagbibintangan si Eddie na nagbebenta ng sikreto ng kompanya sa kalabang kompanya. Isang akusasyon na puno ng kasinungalingang gawa-gawa lamang ni Mike. Hindi nagawang ipagtanggol ni Eddie ang sarili sa dami ng mga ebidensyang nakalap laban sa kaniya kaya wala siyang nagawa kung hindi umalis sa kompanya.

Ang pagpapatalsik ka Eddie ay nagdulot ng malaking kaguluhan sa kompanya.

Advertisement

Sunud-sunod ang naging problema ng kompanya. Naging magulo ang sistema ng operasyon. Mabilis ang naging produksyon ng bagong labas nilang cell phone ngunit dahil panay aberya ang mga bagong features nito ay mababa ang bentahan nito sa merkado.

Kung dati ay walang kahirap-hirap si Mike sa kaniyang trabaho, ngayon ay naging doble ang kaniyang responsibilidad. Maliban sa kaniyang mga tungkulin ay napipilitan siyang ayusin ang mga kapalpakan ng bagong bise presidente. Dahil si Eddie ang gumagawa ng kaniyang trabaho noon ay nangapa siya sa kung ano ang dapat niyang iprioridad at kung paano niya reresolbahan ang mga problema.

Nawalan ng tiwala ang mga investors kaya binawi nila ang kanilang ipinuhunan na nagresulta sa tuluyang pagbagsak at pagsasara ng kompanya.

Ilang taon ang lumipas bago muling nakahanap ng trabaho si Mike. Maliban sa overqualified siya ay kumalat sa ibang kompanya ang pagiging iresponsable niyang presidente. Bunga ng kaniyang maluhong pamumuhay noon ay madaling naubos ang kaniyang ipon. Naging desperado na siya kung kaya’t tinanggap niya ang alok na posisyon bilang sekretarya ng nag-iisang kompanyang nag-hire sa kaniya.

“Siguraduhin mong may kape akong dadatnan sa lamesa tuwing umaga. Dapat ay na-confirm na ang lahat ng mga meetings a day before. At bago ka umuwi ay linisin mo muna ang buong opisina kasama na ang c.r. ko araw-araw. Huwag na huwag kang magtatangkang magnakaw dahil hindi ako magdadalawang isip na ipakulong ka. Galit na galit ako sa mga magnanakaw.”

Dahil walang gustong tumanggap kay Eddie bilang empleyado ay nagtayo na lang siya ng sarili niyang kompanya. Nagamit niya ang kaniyang karanasan sa kompanyang nagpatalsik sa kaniya at dahil sa angkin niyang husay ay nahigitan niya pa ito. Kilalang-kilala ang kanyang kompanya at namamayagpag ang kaniyang pangalan bilang isa sa pinakamagaling na negosyante sa buong mundo.

Kung noon ay si Mike ang utos nang utos sa kaniyang bise presidente, ngayon ay siya naman ang inuutusan ng may-ari ng kompanya at ang kaniyang dating bise presidente na si Eddie. Ang kaniyang katamaran sa trabaho noon ang nagpabagsak sa kaniya samantalang ang pagpapahirap niya kay Eddie ay nagamit nito ng husto para marating ang rurok ng tagumpay.