Inakala ng Babae na Mayaman ang Kapitbahay Kaya Kinaibigan Niya Ito; Kasambahay Lamang Pala Ito ng Mayamang May-ari ng Bahay

Dumating na ang pinakaaabangan ni Nita, ang may-ari ng bagong tayong malaking bahay sa kanilang barangay. Ilang buwan na niyang hinihintay ito para engganyuhing sumali sa kanilang samahan.

Si Nita ang presidente ng isang samahan na nagvo-volunteer para sa ikauunkad ng kanilang barangay. Minsan ay namimigay sila ng pagkain, naglilinis ng mga kalat at sa tingin niya ay malaki ang maitutulong ng bago nilang kapitbahay sa kanilang mga proyekto, sa yaman ba naman nito ay siguradong may financier na sila lalo na kung hindi ito kuripot.

Ilang araw nang nag-aabang si Nita sa paglabas ng may-ari ng mansyon at nung may makita siyang lumabas na isang sopistikadang babae ay agad niya itong nilapitan para kumbinsihing sumali sa kanilang samahan.

“Matet, marami salamat at sumali ka sa aming samahan. Bukas may briefing ka tungkol sa samahan natin at kung ano ang mga proyekto natin para sa ating barangay ngayong buwan. Kung may iba ka pang katanungan, puntahan mo na lang ako. Katapat lang ng bahay mo ang bahay ko.”

Ang buong akala ni Nita ay naka-jackpot na siya nung sinali niya si Matet sa kanilang samahan. Hindi niya inakala na sa kabila ng yaman ng babae ay ubod naman pala ito ng kuripot. Mas gugustuhin pa nito mag-manual labor kaysa sa mag-donate ng pera para sa kanilang mga proyekto. “Ako ng bahalang maghugas ng mga paglulutuan natin para sa feeding program sa linggo. Sisiguraduhin kong malinis ang lahat ng ginamit natin.” Alok serbisyo ni Matet sa samahan.

Ang pinagtataka pa ni Nita ay kung bakit tuwing linggo lang nila pwedeng makausap sa Matet tungkol sa kanilang mga proyekto. Naiintindihan niya na may kani-kaniya rin silang mga buhay pero mahigpit na bilin ng dalaga na huwag na huwag siyang pupuntahan sa bahay mula Lunes hanggang Sabado. Bawal din siyang tawagan sa mga araw na iyon. Kahit pa sa gabi siya pupuntahan ay ayaw din nito. “Masyado akong abala at maraming ginagawa. Linggo lang talaga ang libreng araw ko.”

Nawala ang mga agam-agam ni Nita noong araw ng Christmas party ng samahan. Nag-donate si Matet ng sampung sako ng bigas para idagdag sa mga ipamimigay nilang papremyo sa kanilang mga palaro. Hindi na niya kinuwestiyon kung mas gusto ng dalaga na serbisyo na lang ang ambag niya kaysa mag-donate na pera. Kahit papaano ay malaki din ang naitutulong niya para maging matagumpay ang kanilang mga proyekto. Siguro ay sadya lang mas gusto nito na magbanat ng buto kaysa magpaambon ng kaniyang salapi.

Nagkaroon ng maliit na aberya ang isang proyekto ng samahan. Kulang ang perang ipambabayad para sa pagpapaimprenta ng mga raffle ticket na ibebenta nila para sa kanilang fund raising campaign. At dahil si Matet ang treasurer ng samahan ay kailangan nila siyang makausap para makapag-release ng dagdag na pera mula sa kanilang pondo. Ang problema ay baka hindi nila ito madatnan sa bahay dahil hindi pa araw ng linggo.

Advertisement

“Itetext ko na lang muna siya. Hintayin natin ang reply niya hanggang Miyerkules. Kung wala pa kong natatanggap na sagot ay pupuntahan ko na siya sa bahay niya.” Sabi ni Nita sa ibang miyembro ng samahan nang matapos na ang kanilang meeting.

Walang natanggap na reply si Nita mula kay Matet kaya nagbakasakali na lang siyang madatnan pa ito sa kaniyang bahay. Ngunit hindi niya inaasahan ang kaniyang matutuklasan nang pagbuksan siya ng pinto ni Matet suot ang kaniyang uniporme sa trabaho.

Ang buong akala ni Nita ay si Matet ang nagmamay-ari ng mansyon pero nagkakamali siya. Si Matet ay isa lamang kasambahay ng isang mayamang pamilya. Kaya pala mas gugustuhin nitong mag-offer ng kaniyang serbisyo imbes na mag-donate ng pera ay dahil wala naman pala itong perang maiaambag dahil mas mahirap pa ito sa kaniya. Gayunpaman ay hindi niya naiwasang tanungin ito dahil sopistikada itong manamit tuwing pumupunta sa kanilang mga meeting.

“Ah, yun ba. Hindi sa akin galing iyon. Sa mga amo ko. Alam nila na malaki ang naitutulong ng ating grupo sa ating barangay dahil sa mga ikinukwento ko sa kanila kaya nag-donate sila ng bigas para sa party natin. Sa akin lang nila pinadaan dahil miyembro ako ng samahan. Yung cell phone pinahihiram lang nila sa akin para madali nila akong makontak pag aalis sila tuwing linggo. Huwag mo kong isusumbong, ha. Baka masesante ako sa trabaho pag nagkataon. Sinusuot ko yung mga damit ng amo kong babae pag wala sila.”

Mali ang naging pamantayan ni Nita sa kung sino ang dapat na kasapi ng samahan at si Matet ang nagpatunay niyan. Hindi man siya nakapagbibigay ng pera sa kanilang mga proyekto ay dinadaan naman niya sa gawa ang kaniyang mga ambag. Simula noon ay hindi na niya ginagawang batayan ang antas ng buhay ng tao. Basta gusto nilang makatulong sa proyekto para sa kanilang barangay ay malugod na niyang tinatanggap ang mga ito sa samahan.