Macho Gwapitong si Jerome

Ipinanganak ang lalaking si Jerome na may gwapong mukha. Kaya naman simula bata hanggang magbinata ay panay ang papuri sa kanya ng mga tao.

“Mercy! Kay pogi naman ng anak mo! Aba’y pwedeng mag-artista,” papuri ng kapitbahay sa pitong taong gulang na si Jerome.

Bukod pa roon, elementarya pa lamang siya ay napakarami nang babae ang nagkakagusto sa kanya. Ngunit makalipas ang ilang taon, imbis na maging mapagkumbaba ay tumandang mayabang at malaki ang ulo ni Jerome. Naging mapanglait din siya sa pisikal na anyo ng mga tao, kaya’t piling-pili lamang din ang kanyang mga naging kaibigan.

“P’re! Tingnan mo oh! Ang pangit na nga nung babae, mataba pa,” tatawa-tawang sabi ni Jerome sa kanyang kaibigan.

“E, ayun pre? Ang ganda oh, chicks!” nakangiting sagot naman nito.

“Oo nga ‘no? Teka panoorin mo niyo ‘ko ah? Isang yaya ko lamang diyan, agad papayag ‘yan,” tiwala sa sariling sabi ni Jerome.

Dahil gwapong-gwapo sa sarili, agad nilapitan ng lalaki ang dalaga. Hindi nga siya nagkamali dahil isang ngiti lamang niya ay agad din itong pumayag na kunin ang numero niya. Ngunit hindi pa lumilipas ang ilang minuto ay agad nawalan ng interes ang babae sa kanya. Hindi naman maintindihan ni Jerome kung bakit.

“O, ano nangyari? ‘Kala ko ba kayang-kaya mo?” nang-aasar na sabi ng barkada ni Jerome.

Advertisement

“Nako! Pangit naman sa malapitan,” panglalait ng binata, ngunit sa totoo ay tinanggihan na siya ng dalaga.

Ilang beses nang naulit ang mga ganoong pangyayari ngunit patuloy si Jerome sa paglapit sa mga kababaihan. Madalas kasi siyang asarin ng kanyang mga barkada.

“Ano ba ‘yan, pre? Ikaw ang pinakapogi sa tropa pero hindi ka pa nagkaka-nobya? Mahina ‘to,” madalas na pangangantyaw ng mga ito.

Isang araw ay may nakita na namang magandang babae si Jerome malapit sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan. Agad niya itong nilapitan upang magpakilala.

“Hi, miss! Jerome nga pala,” bungad ng binata na may malaking ngiti sa mga labi.

“Hello! Ako naman si Tina,” sagot ng dalaga na halatang nabighani sa hitsura ng binata.

“Tina? Kay gandang pangalan! Bagay na bagay sa gwapo kong mukha, ano?” mayabang na sagot ni Jerome.

Agad natawa ang dalaga, “Palabiro ka, ano? Gusto ko ‘yan sa mga lalaki.”

Advertisement

“Palabiro? Tina, hindi ako nagbibiro. Aminin mo, magagawa mo bang magsawa sa katitingin sa mukha kong ito? Hindi naman sa pagmamayabang pero marami ang nagsasabi sa akin na mukha raw akong artista,” pagpapatuloy ni Jerome.

“Ganoon ba? Sa totoo lang, wala akong pakialam sa hitsura mo. Gwapo ka nga, napaka-hangin mo naman!” sagot ni Tina.

“Ano? Anong mahangin doon? Nagsasabi lang naman ako ng totoo,” naiinis nang sagot nito.

“Sige na, mauuna na ako. Baka matangay pa ako ng lakas ng hangin dito,” nakangising sabi ni Tina. Naglalakad na siya palayo nang marinig ang sigaw ni Jerome.

“Pangit ka kasi! Akala mo maganda ka?”

Hindi nakapagtimpi si Tina dahil maraming tao ang napatingin sa kanila. Habang lumalakad muli papalapit kay Jerome ay inihanda na niya ang mga bibitawang litanya.

“Hoy, lalaki! May sinabi ba akong maganda ako? Ikaw ang lalapit-lapit dito kahit nananahimik ako! At isa pa, aanhin mo ‘yang gwapo mong mukha at matipuno mong katawan kung puro basura naman ang lumalabas sa bunganga mo. Tantanan mo ako ha? Halatang-halata sa’yo na hindi ka pa nagkaka-nobya e. Wala kasing makatiis sa kayabangan mo,” wika nito.

Napakalakas ng boses nang pagkakasabi ni Tina. Pahiyang-pahiya si Jerome kaya nagmadali itong umalis at umuwi na lamang sa kanila. Ngunit gulat na gulat siya nang magbukas siya ng kanyang cellphone.

Advertisement

Isang babae pala ang nakasaksi ng nangyari sa kanila at ipinakalat ang bidyo sa Facebook. Walang humpay ang pagtunog ng kanyang cellphone mula sa mga mensahe at chat ng kanyang mga kakilala at kaibigan.

“Pre! Pahiya ka ah? Bakit mo naman kasi nilalait at pinapahiya ang babae kapag binabasted ka?” wika ng isang kaibigan.

“Buti nga sa’yo! Saksakan ka kasi ng g*go! Akala mo lahat ay nadadaan sa hitsura. Ang bantot ng ugali mo, magbago ka na!” wika ng isang babae na niligawan niya rin noon.

“Go, girl! Turuan ng leksyon ang mga lalaking ganyan. Bastos na, gwapong-gwapo pa sa sarili. Ew!” komento naman ng isang babae sa bidyo.

Pahiyang-pahiya si Jerome. Hindi niya napigilan ang luha na tumulo mula sa kanyang mga mata dala ng labis na kahihiyan. Maya-maya ay pumasok ang kanyang ina sa kanyang kwarto.

“Jerome, anak? Nabalitaan ko iyong bidyo. Ayos ka lang ba?” pangangamusta nito.

“Ba’t ganon, ma? Nagsabi lang naman ako ng totoo, ah?” sagot nito.

Napahawak na lamang sa kanyang ulo ang ina.

Advertisement

“O, Diyos ko! Ganito nga ba kita napalaki? Pasensiya ka na kung may pagkukulang ako, pero hindi tama ang ganoong asal. At isa pa, kahit baliktarin mo ang mundo ay mas mahalaga pa rin ang kabutihang asal kaysa sa magandang mukha at pangangatawan. At anak, hayaan mong sa kanila manggaling ang papuri. Hindi iyong ikaw pa ang magpapakandalakan,” payo ng kanyang ina.

Mabuti na lamang at dahil sa pag-uusap na iyon ay natauhan si Jerome. Magmula noon ay sinubukan na niyang magbago at ginawa niya ang lahat upang alisin ang pagiging mapanlait. Hindi na rin siya nakatutok sa pagtingin sa pisikal na hitsura ng isang tao, bagkus ay kinilala niya muna ang pag-uugali ng mga ito.

Hindi nagtagal ay tuluyan nang nagbago ang binata, at kung noon ay siya ang nagkakandarapa sa atensyon ng mga babae, ngayon ay siya na ang nilalapitan ng mga ito upang makipagkilala pa. Laking pasasalamat na lamang niya sa babaeng si Tina dahil dahil sa nangyari ay natutunan niya ang malaking leksyon sa kanyang buhay.