Hindi Maintindihan ng Mag-asawa Kung Bakit Inilalayo ng Kanilang Manugang ang Kanilang Apo sa Kanilang Anak, May Masama Palang Balak ang Lalaki sa Bata

Matapos ang labing isang taong pagsasama bilang mag-asawa ay nakipaghiwalay si Ava kay Drake. Lumipat ang babae sa isang maliit na apartment kasama si Ara, ang sampung taong gulang nilang anak na babae.

Nabuntis agad si Ava matapos silang ikasal ni Drake at dahil naging maselan ang kaniyang pagbubuntis ay napilitang siyang huminto sa pagtatrabaho. Ilang buwan matapos niyang makapanganak ay pinahintulutan naman siya ng kaniyang asawa na magbalik sa trabaho ngunit mas pinili ni Ava na ituon ang buo niyang atensyon sa pangangalaga ng kanilang pamilya.

At dahil ngayon nga na hiwalay na ang babae sa asawa ay kinakailangan na niyang maghanap ng mapapasukang trabaho sa lalong madaling panahon dahil ayaw niyang iasa ang lahat ng gastusin nila ng anak sa sustentong ibibigay ng dating asawa.

“Mommy, Daddy, pwedeng dito muna sa inyo si Ara? May interview lang akong pupuntahan sandali,” pakiusap ni Ava sa kaniyang mga biyenan.

“Bakit kasi hindi ka na lang makipagbalikan sa asawa mo nang sa ganoon ay hindi mo na kailangang magtrabaho at itong anak niyo na lang ang inaasikaso mo?” tanong ng ina ni Drake.

“Mas pipiliin kong maging ligtas ang anak ko kaysa makipagbalikan sa kaniya,” matalinghagang sagot ng babae.

“Bakit? Sinasaktan ba kayo ng asawa mo?” tanong ng ama ni Drake.

“Sa ngayon hindi pa. Pwede bang huwag na lang natin siyang pag-usapan? Ayokong siraan sa inyo ang anak niyo. Tutal hindi naman kayo maniniwala sa akin, eh,” pag-iwas ni Ava sa tanong ng mga magulang ng dating asawa.

Advertisement

Kung hindi nga lang sa Singapore na nakatira ang kaniyang mga magulang kasama ng kaniyang kapatid ay hindi niya pakikiusapan ang kaniyang mga biyenan na alagaan muna ang kaniyang anak habang naghahanap siya ng trabaho. Hangga’t maaari ay ayaw niyang mag-krus ang landas nina Drake at ng kaniyang anak. Pero kung sakali mang magtagpo ang dalawa ay umaasa siyang poprotektahan ng mga ito ang kanilang apo laban sa kanilang anak.

Nakahanap ng magandang trabaho si Ava. Kumuha na rin siya ng yaya para sa kaniyang anak nang sa ganoon ay hindi na niya kakailanganin pang ipaalaga ang kaniyang anak sa kaniyang mga biyenan tuwing pumapasok siya sa trabaho at tapos na sa eskwela ang anak. Naging maayos ang takbo ng buhay nang mag-ina ng ilang buwan hanggang sa napilitang mag-resign ang yaya ni Ara.

“Pasensya na po talaga, ate. Ayaw ko po talagang umalis sa trabaho dahil napamahal na rin sa akin ang anak niyo at maganda naman din po ang trato niyo sa akin. Pero kailangan po ako ng nanay ko. Inatake po siya sa puso,” sambit ng yaya ni Ara.

Walang nagawa si Ava kung hindi muling hingin ang tulong ng kaniyang mga biyenan na alagaan muna ang kaniyang anak habang hindi pa siya nakakahanap ng bagong yaya.

Isang araw, pagkatapos ng trabaho, ay sinundo ni Ava si Ara sa bahay ng kaniyang mga biyenan pero hindi niya nadatnan ang anak niya doon.

“Bakit hinayaan niyong isama ni Drake si Ara? Alam niyo namang inilalayo ko ang anak namin sa kaniya. Mapapahamak lang ang anak ko sa kaniya!” sigaw ni Ava sa kaniyang mga biyenan.

“Ilang beses na naming naririnig sa bibig mo na ipapahamak ng anak namin si Ara. Anak niya si Ara! Hinding-hindi niya ipapahamak ang sarili niyang anak! Gusto niya lang itong ipasyal!” depensa ng nanay ni Drake.

“Tuwing wala sa tamang katinuan iyang anak niyo ay palagi niyang pinagnanasahan ang anak naming si Ara! Ilang beses ko na siyang nahuling hinihipuan ang anak namin habang natutulog ito! Ngayon, sabihin niyo sa aking ligtas ang apo niyo sa mga kamay niya,” matapang na sagot ng babae sa kaniyang mga biyenan.

Advertisement

Hindi naniniwala ang mga biyenan ni Ava na magagawa iyon ni Drake sa sarili nitong anak. Oo, aminado sila na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dati ang anak pero matagal na panahon na iyon. Bago pa nito makilala ang manugang ay hininto na nito ang paggamit ng ilegal na droga.

Tinawagan ni Ava ang selpon ng anak at buti na lang ay sinagot siya nito.

“Ara, anak, nasaan kayo? Okay ka lang ba? Pupuntahan ko kayo diyan?” malakas na pag-iyak ang narinig niya mula sa kabilang linya.

“Mommy, kunin mo ko dito! Ayoko po dito! Nakakatakot po si Daddy! Kung saan-saan niya po ako hinahawakan!” pagmamakaawa ng anak ni Ava.

“Nasaan ka, anak? Sabihin mo sa akin kung nasaan ka?!” nag-aalalang tanong ni Ava sa kaniyang anak.

“Nandito po kami sa dating bahay natin. Noong pinuntahan po ni Daddy ‘yung nagbu-buzzer sa gate ay kinuha ko agad ‘yung selpon ko sa bag bago tumakbo palabas ng kwarto niyo. Tatawagan ko na po dapat kayo pero naunahan niyo po ako. Nagtatago po ako ngayon sa loob ng kabinet sa kusina,” tugon ng bata sa kaniyang ina.

Tumawag muna ng mga pulis si Ava bago siya pumunta sa bahay nila ng dating asawa kasama ng kaniyang mga biyenan. Nagulat ang mga ito nung narinig nila ang mga sinabi ng kanilang apo sa selpon ni Ava. Hindi nila alam na bumalik na naman sa masamang bisyo ang anak at pinupuntirya nito ang sariling anak. Nag-aalala sila para sa anak nila pero mas natatakot sila sa maaaring gawin nito sa kanilang apo.

Nasa bahay na ang mga pulis at nasaklolohan na nila si Ara nung dumating ang tatlo. Napawi ang kanilang takot nung makita nilang maayos ang kalagayan ng bata. Buti na lang at naagapan nila agad ang nagbabadyang trahedya. Punong-puno ng mga negatibong kaisipan ang kanilang utak sa kung anong posibleng mangyari kung sakaling nagtagumpay si Drake sa masama niyang balak sa anak.

Advertisement

Nakulong si Drake sa bilangguan. Hindi siya tinulungan ng kaniyang mga magulang na depensahan ang sarili sa korte. Muntik na niyang halayin si Ara, at kailangan nitong matuto ng leksyon.

Tuluyan nang tinapos ni Ava ang relasyon niya sa asawa. Nung napawalang bisa na ng korte ang kasal niya kay Drake ay nag-migrate silang mag-ina sa Singapore. Doon na sila nagbagong buhay.

Hindi naging masaya ang mga biyenan ni Ava sa kaniyang naging desisyon pero naiintindihan nilang kailangan ito ng kanilang apo. Masyado itong na-trauma sa ginawa sa kaniya ng sariling ama. Makakabuti sa bata ang bagong kapaligiran. Binibisita na lamang nila ang dalawa tuwing may pagkakataon.

Sa kabutihang palad, makalipas ang ilang buwan, at sa tulong na rin ng mga doktor sa pag-iisip ay unti-unting nakalimot ang bata sa masalimuot na karanasan. Nangako si Ava na kailanma’y hindi na makakalapit ni anino ni Drake sa pinakamamahal niyang anak.