Maluho ang Babae pero Pagdating sa Nanay Niya ay Napakabigat na Ibili Man Lang Ito ng Gamot, Natauhan Siya nang Masilayan ang Isang Kaawa-awang Ale

Maganda ang trabaho ni Lani sa Ortigas, isa siyang HR staff o iyong mga nag-iinterview at nagpa-process ng mga dokumento ng mga taong nais mag apply sa kanilang kumpanya. Tinitingala rin siya sa opisina dahil mabait ang pakikitungo niya sa lahat, bukod pa sa matalino ang babae at magaling sa kanyang larangan.

Kung anong buti niya bilang empleyado, siya namang laki ng pagkukulang niya bilang anak. Nag iisang anak lamang siya ng kanyang inang na-biyuda na siyam na taon na ang nakalilipas. Matanda na ang ale at wala nang ibang pagkukunan ng ikabubuhay kundi si Lani, bagamat ayaw nitong maging pabigat, hindi na rin kasi kaya ng katawan nito ang magtrabaho. Wala itong ipon sa sarili o negosyo dahil lahat ng perang pinagtrabahuhan nito ay inilaan sa pag aaral ng nag iisang anak, kaya nga nakapasok sa magandang eskwelahan si Lani at ngayon ay maganda ang hanapbuhay.

“Anak, gusto ko sanang magkaroon ng sari-sari store..” nahihiya man ay kinapalan na ng matanda ang kanyang mukha, hindi rin kasi niya naaatim na buwan buwan nalang ay si Lani ang pumapasan ng gastusin. Baka kapag nagkaroon siya ng tindahan at napaikot niyang mabuti ang puhunan ay makatulong siya sa anak.

“Magkano ba ang puhunan doon?” matabang na tanong ni Lani, pera na naman! Ano ba yan! Bibili pa naman siya ng bagong labas na Nike for women shoes.

“Siguro ay limang libo, ayos na sa akin kahit mga sabit sabit lang. Kahit wala na munang softdrinks, susubukan kong palaguin..” paliwanag pang muli ng matanda.

“Titignan ko,” walang kasiguruhang sagot ni Lani. Pag sa nanay niya ay tila ba nanghihinayang siya sa pera, kahit pa hindi naman pang sarili lang nito ang iniisip sa pagtatayo ng tindahan.

Kung tutuusin, kurot lang sa sahod ni Lani ang halagang sinabi ng kanyang ina, baka nga tax niya lang iyon dahil malaki naman ang sinusweldo niya.

Tahimik na tumango naman ang ginang, umaasang pumayag ang anak. Nagligpit na ito ng pinagkainan nila, pinunasan ang mesa at nagsimula nang maghugas ng pinggan. Kasabay niyon ay ang pagpapakulo nito ng tubig upang kinabukasan ay may pampaligo si Lani, maya-maya ay aayusin na rin nito ang higaan ng dalaga.

Advertisement

Nagmistulang katulong ni Lani ang kanyang ina, dahil wala nang ginagawa sa bahay ang babae. Bukal naman sa loob ng matanda na pagsilbihan ang anak.

“Aray ko,” daing ng matanda dahil biglang nanigas ang kamay nito habang naghuhugas ng pinggan.

Hindi ito nilingon ni Lani kahit pa narinig niya iyon, abala siya sa paggamit ng kanyang cellphone.

“Anak, sumusumpong na naman ang rayuma ko,” sabi nito na kahit ano’ng pilit ay hindi maigalaw ang kanang kamay. 78 years old na rin kasi ang ginang kaya naglalabasan na ang mga sakit.

“Maya-maya lang mawawala yan, relax ka lang kasi.” kampanteng sabi ni Lani. Di na naman kumibo ang matanda. Dahil sa madalas na pagsumpong ng rayuma sa kamay at balakang ay nahirapan na ang matanda na magtrabaho sa bahay, doon lang nagsimulang mag alala si Lani. Aba, ni hindi na ito makalaba kahit may washing machine pa.

Dali-dali niyang ipina-check up ang ina at isinama ito sa botika. Pero maging sa pagkakataong iyon ay nanghihinayang ang babae na gastusan ito kaya puro generic at iyong pinakamurang gamot ang binili niya para rito. Umeepekto naman pero bumabalik rin ang sakit sa kamay ng matanda.

Isang araw, papasok sa trabaho si Lani. Wala siyang makuhang taxi o grab kaya napilitan siyang sumakay sa pampublikong aircon bus. Nasa ikalawang hilera siya umupo, tumigil ang bus at isinakay ang isang babae.

“Sandali lang manong, patulong naman po,” sabi ng babae sa kondoktor. Napukaw tuloy ang interes ni Lani, sana naman bilisan nilang buhatin ang bagahe niya, baka ma-late ako, sa isip isip niya.

Advertisement

Hindi pala basta bagahe ang bitbit ng babae. Iniakyat nito, katulong ang kondoktor at ilan pang nagmagandang loob na iakyat ang isang matandang babae na baldado na. Mata ang gumagalaw pero hindi ang katawan nito, parang gulay ang matandang babae na kitang kita ang lungkot sa mukha.

“Ma, relax ka lang dyan ha, papa-check up lang tayo,” nakangiting sabi ng babae at hinimas pa ang noo ng matanda. Itinupi ng babae ang wheelchair nito at inilapag iyon sa gilid ng driver.

Tila namalik-mata naman si Lani at nag iba ang tingin sa matanda. Napalitan iyon ng mukha ng kanyang ina, hindi makagalaw at hinang hina na.

Dali-dali siyang napababa ng bus at sumakay pabalik sa kanilang bahay. Pagdating doon ay niyakap niya ang nagulat na matanda at sinabihan itong magbihis.

“Saan tayo pupunta anak?” tanong nito, bagamat nakangiti at halatang excited.

“Magde-date tayo ma!” sabi niya rito. Dinala niya ito muli sa doctor at ibinili ng eksaktong gamot na naka-reseta. Dinala niya rin ito sa mall, nanood sila ng sine at kumain sa labas. Sobrang saya ng matanda.

“Hindi mo naman kailangang gawin ito anak,” sabi ng matanda na di pa rin makapaniwala.

“Gusto ko’ng gawin ito ma, salamat..”

Advertisement

Ang pasasalamat na iyon ay para rito, sa walang sawa nitong pagmamahal sa kanya kahit pa napakalaki ng naging pagkukulang niya, pasasalamat dahil hindi ito nanghinayang sa buhay nitong iginugol sa pagpapalaki sa kanya. Pasasalamat rin iyon sa Diyos dahil malakas pa at malusog ang kanyang ina.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.