Ang Inaasam Kong Promosyon

Halos isang dekada na rin nagtatrabaho si Renato bilang isang inhinyero sa isang kilalang kumpanya na pagawaan ng bakal. Dahil sa katagalan ng pagsisilbi rito, wala na siyang inasam kundi ang tumaas ang kaniyang posisyon.

Araw-araw ay maagang pumapasok si Renato at ni minsan ay hindi siya lumiban. Kung mayroong mang mga report na kailangang tapusin ay naipapasa niya agad ito. Siya ang laging inilalagay sa trabaho kung mayroong kailangan mag overtime o pumunta sa ibang lugar. Kaya iisipin talaga nang nakararami na hindi malabo na ma-promote siya. Ngunit tila imposible ito sa kanyang boss na si Vicente.

Si Vicente ay ang istriktong manager ng kumpanya. Halos kanang kamay siya ng may-ari. Napakaseryoso nito at sadyang matapang. Dahil sa kanyang ugali, walang nakakalagpas sa mitikuloso niyang paningin. Madalas niyang mautusan si Renato at madalas niya rin ito mapagalitan.

“Renato, ano ba naman itong ginawa mo? Mas mainam sana ay ganitong model na lang ang iyong ginawa. Paano iyan magugustuhan ni boss at ng kliyente ha? Parang napakarupok ng itsura ng bakal na iyan. Iyan lang ba ang ibubuga mo?!” dismayadong pahayag ni Vicente.

“Tandaan mo, hindi lang basta-bastang mga bakal ang ibinibenta natin. Dapat de-kalidad ang mga ito sapagkat ito ang pundasyon ng lahat ng instraktura kaya paghusayan mo naman!” dagdag pa ng lalaki.

Hindi rin naman makaimik si Renato sa tuwing siya ay napapagalitan, dahil minsan, kahit may punto siya ay alam niyang hindi naman siya pakikinggan ng amo niya. Kaya sinusunod na lamang niya kung ano ang pinag-uutos ni Vicente.

Isang promosyon ang nag-aantay sa mga empleyado. Nabakante kasi ang isang posisyon nang matanggal na ang dating nakaluklok dito. Malaki ang pag-asa ni Renato na siya ay mapapabilang sa mga nominado at siya ang pinakamalaking tiyansa na makakuha nito.

Laking gulat niya na ibinigay ni Vicente ang posisyon sa kasamahan niyang si Edison. Hindi lubusang maintindihan ni Renato ang mga nangyari sapagkat si Edison ay mas mababa pa ang posisyon sa kanya. Madalang rin itong makikita na mag-overtime at sakto lamang sa oras kung pumasok. Nalungkot siya dahil sa tinagal-tagal na niya sa kumpanya, hindi pa siya nakalasap ng promotion.

Advertisement

Nagpatuloy si Renato sa mga gawain at hindi nawalan ng pag-asa. Alam niya na isang araw ay darating din ang kanyang pagkakataon. Batid din niya na mahihirapan man siya, pero nais niyang maipakita sa amo niya na maging siya ay karapatdapat para sa isang promosyon.

“Mainit ata talaga ang dugo sa akin ni Boss Vicente, pare! Mantakin mo ginagawa ko na ang lahat, pero hindi pa rin ako napili. Sa katunayan medyo sumasama ang loob ko. Ano nga ba ang aking magagawa? Napagdesisyunan na ang lahat ng ito,” kwento niya sa isang katrabaho.

“Napapansin ko rin iyon, pare! Katulad noong isang araw, maayos naman iyong ipinasa mong report sa kanya. Isipin mong ipaulit ba naman niya sa iyo ‘yun ng tatlong bese?. Parang hindi na iyon makatarungan,” sulsol pa ng kaibigan.

“May isang promosyon pa, pare. Kaso parang malabo na makuha ko iyon, eh. Lalo pa at heto may pinapagawa na naman si Boss Vicente. Nakaatang na naman sa akin ‘yung pinaka mahirap na disenyo kahit alam naman niyang may gagawin pa akong isang report na kailangan ipresinta sa mga kliyente sa susunod na linggo,” wika ni Renato.

Related image

“O’siya! Dahil marami akong gagawain pa,sisimulan ko na kaagad upang makatapos na. Sigurado ako na marami pang ipapabago si Boss Vicente dito,” at pinagpatuloy na ni Renato ang paggawa.

Hindi nga siya nagkamali. Makailang ulit na ipinaulit ni Vicente sa kanya ang ginawa niyang report. Tinanggap lamang ito ng amo ng tuluyan na itong masiyahan sa mga naging rebisyon.

Paglipas ng ilang araw, balitang balita sa opisina ang pag-aanunsyo ng muling pag-aangat ng posisyon. Tulad rin ng kanyang inaasahan, hindi napili si Renato bagkus ang kaibigan niyang si kausap lamang kamakailan ang nakakuha ng promosyon.

Halos maghinanakit si Renato sa nangyari, ganoong mas hamak na mas masipag naman siya dito. Sobrang pagkainis ang naramdaman niya sa kanyang among si Vicente. Gusto na niya itong harapin at kausapin.

Advertisement

Masakit kasi ang nangyayaring pagbabaliwala sa lahat ng kanyang naiambag sa kumpanya. Naglakas loob siyang kausapin ang amo.

“Boss!” wika ni Renato. Kahit na kinakabahan ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagtatanong. “Parang hindi naman ho ata pantay ang paraan ng inyong pagpili,” mariing pahayag pa nito. Napakunot lamang ng noo si Vicente sa tinuran ni Renato.

“Masipag ho akong nagtatrabaho rito sa loob ng halos isang dekada. Sa kanilang lahat po ako po ang may pinakamataas na performance. Bakit hindi ho ako nakakasali sa mga promotion na ‘yan? Hindi pa po ba sapat ang lahat ng nagawa ko? Bakit ang init-init ng dugo ninyo sa akin? pagtatapos ni Renato.

“Tapos ka na bang magsalita? Kung tapos ka na ay ako naman!” tugon ni Vicente. “Gusto mo malaman bakit hindi ikaw ang napromote, hindi ba? Ibibigay ko sayo ang kasagutan,” hindi na makaimik si Renato sa sinabi ng amo. “Dahil ikaw ang napili kong humalili sa akin,” wika ni Vicente.

Labis na ikinagulat ni Renato ang kanyang mga narinig. “Anong sinasabi ninyo?” nagtatakang wika ni Renato.

“Gusto ko nang mag retiro ng maaga, Renato. Ngunit napamahal na sa akin ang kumpanyang ito. Hindi ko maaaring isuko ang aking posisyon sa basta kung sino na lamang. Kaya minabuti ko na hasain kita sa lahat ng trabaho,” pagpapaliwanag ni Vicente.

“Wala akong makitaan ng dedikasyon ng tulad ng mayroon ka. Nakikita ko sa iyo ang aking sarili. Pursigido ka palagi sa iyong ginagawa at laging naroon ang puso mo. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na ikaw ang piliin upang humalili sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ka nababagay sa mga promotion na nagdaan.” pagtatapos ni Vicente.

Hindi inaakala ni Renato na maririnig niya ito sa kanyang amo. Kaya pala kung may ipapagawa ito ay kailangan laging perpekto at pulido sapagkat hinahasa niya ang galing at talendo ni Renato. Lalong pinag-igihan ni Renato ang kanyang trabaho. Hindi naglaon ay tuluyan nang nagretiro si Vicente at nakuha na rin ni Renato ang promosyon na matagal na niyang inaasam.

Advertisement

May mga pagkakataong kinukwestyon natin ang mga pangyayari dahil hindi ito tumutugma sa mga naisin natin. Pakatandaan na gawin lamang natin kung ano ang tama at hayaang ang kapalaran ang magbalik sa atin ng lahat ng pagpapagod at pagsasakripisyo na ating ginagawa.

Sa lahat ng ating gagawin, siguraduhin lamang natin na ibinibigay natin ang lahat ng ating makakaya, pasasaan pa’t makakamtan din natin ang tagumpay na inaasam.