Nagpanggap na Tunay na Lalaki ang Beki sa Takot na Makutya ang Anak Niya sa Eskuwelahan; Magugulat Siya sa Gagawin Nito

Nagpanggap na Tunay na Lalaki ang Beki sa Takot na Makutya ang Anak Niya sa Eskuwelahan; Magugulat Siya sa Gagawin Nito

InspiringStoriesSuccess

“Anak, ayos na ba itong isusuot ko para sa graduation mo? Mukha na ba akong lalaking-lalaki rito? Guwapo na ba?” Ipinakita ni Julio sa kaniyang anak na si Julian ang puting long sleeves shirt na isinusukat niya para sa paghahanda sa darating na graduation nito sa hayskul. Ayaw niyang mapahiya ang anak lalo pa at ito ang nakatakdang magkakamit ng pinakamataas na karangalan ngayong taon.

Kakamot-kamot sa ulong tiningnan naman ni Julian ang ama bago ito sinagot. “Papsi, bakit naman ho kayo nagpapaguwapo? Hindi po ba’t maganda ka?” tatawa-tawa pang tugon nito na naglabi kay Julio.

“Maganda nga ako, pero hindi dapat ’yon malaman ng mga kaeskuwela mo. Ayokong mapahiya ka, anak, kapag nalaman nilang beki ang ama mo, kaya nga ilang taon kong itinago iyon sa tuwing pupunta ako sa eskuwelahan n’yo,” sabi pa ni Julio sa anak, suot ang kaniyang pilit na ngiti sa mukha.

“Papsi—” Akmang magsasalita pa sana si Julian nang talikuran siya ng kaniyang ama.

“Anak, hayaan mo na ako. Gusto ko lang maging maayos ang takbo ng buhay mo kahit ganito lang ako. Alam mo naman kung ano ang pinagdaanan ko noon, hindi ba? Nabuhay ako sa pangungutya ng ibang tao dahil sa pagiging beki ko at ayaw kong maranasan mo ’yon.” Napuno ng hinanakit ang mukha ni Julio nang manumbalik sa kaniyang mga ala-ala ang mga panahong nakadaranas siya ng kalupitan dahil sa kaniyang pagiging hindi tunay na lalaki. Mula sa kaniyang mapanakit at malupit na ama, hanggang sa mapanlait na mga tao na hindi marunong rumespeto ng ibang taong wala namang ginagawang masama sa kanila. Halos durugin ng ala-alang iyon ang kaniyang puso.

Wala nang nagawa si Julian kundi ang tumango na lang, ngunit naroon pa rin ang awang nadarama niya para sa kaniyang ama.

Dumating ang araw ng pagtatapos nina Julian. Masayang-masaya ang lahat ng magsisipagtapos dahil sa wakas ay nasa huling hakbang na sila bago magsimula ang panibagong yugto ng kanilang buhay. Samantalang si Julio ay kabado naman. Ikinatatakot niyang baka may makakilala sa kaniyang tunay na pagkatao at malaman ng lahat na isa siyang beki. Baka mapahiya ang kaniyang anak. Nangangatog tuloy ang kaniyang tuhod nang magsimula nang magmartsa ang lahat sa pag-uumpisa pa lang ng seremonya.

Masigabong palakpakan ang paulit-ulit na tinatanggap ni Julian sa tuwing tatawagin ang kaniyang pangalan upang tanggapin ang iba’t ibang karangalang nakamit niya sa buong pamamalagi niya sa hayskul. Proud na proud naman si Julio na makitang nakamit iyon ng kaniyang anak.

“Ngayon po ay inaanyayahan namin ang ating class valedictorian upang magbigay ng kaniyang talumpati. Palakpakan po natin si Julian Pineda!”

Matapos naman iyong i-announce ng emcee ay agad na pumanhik sa entablado si Julian.

“Magandang araw po sa lahat ng narito ngayon. Unang-una po ay gusto kong batiin ang lahat ng kapwa ko mag-aaral na nagsisipagtapos ngayong taon at kalaunan ay tutuntong na sa kani-kaniya naming panibagong yugto ng buhay. Congratulations po sa ating lahat.”

“Pangalawa’y gusto kong batiin at pasalamatan ang lahat ng guro, ang aming punong-guro at iba pang mga kawani ng eskuwelahang ito na tumulong sa aming mga magulang na humubog sa pagkatao naming mga mag-aaral. Salamat po sa lahat ng aral at karanasang ibinahagi n’yo sa amin dito sa eskuwelahan!”

“Ikatlo, at ang huli… gusto ko pong ialay ang lahat ng karangalang nakamit ko sa ngayon sa nag-iisang taong nagparamdam sa akin kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pamilya. Ang aking papsi na si Julio Pineda, na mas kilala bilang “Julia” tuwing gabi… ang pinakamagandang tatay sa balat ng lupa, na siyang nagtaguyod sa akin kahit na siya ay nag-iisa, sa kabila ng pangungutya ng iba, dahil siya ay mayroong pusong babae. Opo, tama ang narinig n’yo. Beki ang papsi ko, pero kahit kailan ay hindi ko ikinahiya iyon. ’Pa, gusto ko lang pong sabihin na walang mali sa pagkatao mo. Mahal na mahal kita!”

Halos mabasa na ng luha ang buong mukha ni Julio matapos marinig ang talumpati ng anak. Ganoon din ang mga nanunuod na talaga namang naantig sa narinig nilang kuwento. Tinakbo niya ang puwesto ni Julian at niyakap ito. Hindi niya akalain na makakaya ng kaniyang anak na isigaw at ipagmalaki ang tunay na pagkatao niya bilang ama nito, kahit na may posibilidad na ito ay makutya rin ng iba!

Dahil pinalaki niya itong matapang, masunurin, at may mabuting puso, ngayon ay inaani na niya ang lahat ng iyon. Tunay ngang ang pagmamahalan ng isang magkakapamilya ay hindi matutumbasan ng anumang bagay sa mundo. Hindi ito magigiba ng kahit na anong panghahamak at pangngutya mula sa ibang tao.

More Stories