Hindi Inaasahan ng Lalaking Makakaahon Siya sa Kahirapan ng Dahil sa Pagsagip Niya sa Buhay ng Isang Dalaga

Ang akala noon ni Juls, mas magiging madali ang buhay kapag lumipat siya sa Maynila kasama ang pamilya, pero isang malaking pagkakamali iyon. Nagtatanim siya ng gulay at nagsasaka sa probinsya at ang misis niya ay nagtitinda sa palengke pero nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw, samantalang ngayon, lawit na ang dila niya kakatrabaho ay kulang pa rin sa kanila. Napakamahal ng gastusin dito sa Maynila, sa kanila dati sa probinsya ay ipinamimigay niya lang ang bawang pero dito, bawat utot ay may bayad. Ibig sabihin, kulang na lang pati hinihingang hangin ay singilin sila.

Isa pa sa dahilan ng pagsisisi niya ay ang tahanan, kahit kubo noon ay komportable ang tatlo niyang anak, ngayon ay sa ilalim ng tulay lang sila nananatili.

May bayad pa rin iyong sampung piso kada linggo, na hirap na hirap niyang kitain sa pamamagitan ng pamamasukan sa construction at pagtitinda ng mga ecobag sa Baclaran.

“Tatay, naano ba kasi itong pasa mo. Diyos ko naman, wala na nga tayong makain ay nato-trouble ka pa,” sabi ng misis niya na dinadampian ng basang tela ang pasa niya sa gilid ng labi.

“Eh may dalagitang nanakawan ng bag kanina sa baclaran, kilala ko iyong snatcher kasi talamak na ang gawain nila roon. Naabutan ko, ayun ibinalik ko yung bag ng bata kaya nagalit sa akin yung snatcher, nagsama ng isa pang tropa niya kaninang pauwi ako kaya eto,” paliwanag niya.

“Dapat kasi ay hindi ka na nakikialam sa ganoon, paano kung ginripuhan ka? O edi kami naman ng mga anak mo ang kawawa? Paano na kami aber?” sermon ng kanyang misis, napapabuntong-hininga pa ang babae. Masyado kasing matulungin ang asawa niya, akala kasi nito ay katulad ng mga taga-probinsya ang tao sa Maynila. Iba rito, kapag mabait ka, talo ka. Kung hindi ka sasamantalahin, papatayin ka. Ganoon lang ang kalakaran sa Maynila.

“Hindi naman siguro, may awa naman ang Diyos. At hindi ko rin naman maatim na wala akong gagawin para makatulong sa dalagita, kung may magagawa naman ako,” katwiran niya.

“O e nasaan na ang dalagita, nagpasalamat man lang ba? Kung nakitil ang buhay mo wala namang makakaalala ng kabutihang nagawa mo,” asik pa ng kanyang asawa. Di na kumibo pa si Juls, alam naman niyang di siya mananalo sa misis at higit sa lahat, nag-aalala lamang ito sa kanya.

Advertisement

Mabilis lumipas ang isang linggo, isang kahig isang tuka pa rin ang pamumuhay nina Juls. Nasa pamilihan siya ngayon ng Baclaran at nag-aalok ng ecobag sa mga mamimili, ubod ng dami ng tao dahil malapit na ang pasukan sa eskwela.

“Kuya, pagbili nga.” sabi ng isang may edad na lalaki, maganda ang bihis nito at inaabutan siya ng limangdaang piso.

Naku, wala pa naman siyang barya, napansin rin ni Juls na wala namang dala ang lalaki.

“Sir, wala ho kasi akong barya pa. Kung gusto ninyo, sa inyo na lang po. Tutal buena mano naman kayo, ipagdasal ninyo na lang na swertehin ako ngayong araw at makarami ng benta.

“Daddy, siya nga..” sabi ng isang dalagita sa likod ng lalaki. Napatingin tuloy si Juls dito, namumukhaan nya ito. Ito ang estudyanteng nanakawan noon at tinulungan niya.

“Ma’am! Mabuti po at okay naman kayo..” sabi niya rito.

“Oo kuya, kung hindi po dahil sa’yo. Ang dami ko pong important files sa bag ko, salamat sa pagtulong sa akin Kuya.” nakangiting sabi nito.

Niyaya siya ng mag-ama na kumain bilang ganti sa kabutihan niya, noong una ay tumanggi si Juls dahil nahihiya siya. Hindi naman talaga kasi siya naghihintay ng kapalit. Pero mapilit ang dalawa kaya napapayag na rin siya. Habang kumakain ay naikwento niya sa mag ama na dati siyang magsasaka sa probinsya, nagkataon naman na naghahanap pala ang mga ito ng tauhan sa bigasan.

Advertisement

Walang pagdadalawang isip na inalok ng matanda ang trabahong iyon kay Juls dahil alam niyang mabuti at mapagkakatiwalaan ang lalaki. Di nagtagal ay nakaipon si Juls, sapat na para magkaroon sila ng matinong apartment.

Hindi na sila nakatira sa ilalim ng tulay at muli nang nakakapag aral ang kanyang mga anak, nakakapagbakasyon na rin sila sa probinsya kung Pasko at Bagong Taon.

Hindi nagtagal ay nagkaroon na siya ng sariling bigasan at nakabili ng mga lupang sasakahan. Napakasaya ni Juls dahil alam niyang sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdaanan niya, hindi na niya hahayaang bumalik sa lusak ng nakaraan. Sisigaduhin niyang palalaguin ang kabuhayang ibinahagi sa kanya ng ama ng dalagang sinagip niya.

Tunay na nakikita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ng tao, mabuti man o masama. Sinuklian Niya ang pagiging busilak ng puso ng lalaki, na handang tumulong sa kapwa na walang hinihintay na kahit anong kapalit.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.