Gusto nang Sumuko ng Babae sa Kanyang Nobyo, Ngunit Pinatunayan ng Lalaki na Karapat-Dapat Ipaglaban ang Kanilang Relasyon

Saksi ang ulan sa pag-iibigan nila Shane at Marco. Malakas ang ulan noon, nang magtapat ng nadarama si Marco sa babaeng pinakamamahal at saksi din ang bawat patak ng tubig sa matamis na ‘oo’ na ibinigay ni Shane.

Ang maingay na tunog ng ng tubig ulan sa bubungan, ay ang musika sa kanilang pandinig, habang sumasayaw sa yakap ng malamig na hangin. Naging isang malaking bahagi ang ulan sa kanilang pag-ibig.

Kung kailan tila ba ang lahat ay perpekto na, at saka naman darating ang malakas na bagyo na bubuwag sa kanilang pagsasama. Sana nga lang ay kasing tibay ng konkreto ang kanilang pagsasama, nang sa ganon, umihip man ang malakas na hangin, wala kahit sino sa kanila ang kayang liparin.

Isang umaga ay tumunog ang cellphone ni Marco. Kagigising lamang niya noon at maghahanda sana upang pumasok na sa trabaho. Kinuha niya ang cellphone at napangiti nang makitang ang kasintahan pala ang tumatawag.

“Good morning, baby ko,” masiglang bati ng lalaki.

“May kailangan kang malaman,” seryosong tugon naman ng babae.

“Ano yun? Gusto mo bang puntahan kita diyan sa inyo upang personal mong masabi sa akin?” tanong ng lalaki habang inihahanda ang damit na susuotin pagpasok.

“Hindi na, wag ka nang pumunta dito. Sasabihin ko na ngayon para matapos na,” malamig na saad ni Shane.

Advertisement

“A-ano ba iyon, baby? Bakit parang di ata makapaghintay na makita mo ako? Miss mo na ako, no?” pabirong sabi ni Marco.

“Tapos na tayo. Ayoko na sa’yo. Mas mabuti pang maghiwalay tayo kaysa pilitin ko ang sarili ko sa relasyong hindi naman na ako masaya.”

Ang malaking ngiti sa mukha ni Marco ay biglang naglaho.

“Teka, bakit biglang ganyan? May nagawa ba akong mali? May naging pagkukulang ba ako?” naluluhang sabi ng binata.

“Wala. May mahal na akong iba at mas masaya na ako sa kanya, mabuti pang ‘wag ka nang magpakita pa sa akin, ayaw na kitang makita. Paalam, Marco,” at saka pinutol ng babae ang tawag.

Hindi naman alam ni Marco ang gagawin. Nung isang araw lamang ay masayang-masaya silang nag-uusap pero hindi niya maintindihan kung ano ang nangyari. Gustuhin man niyang puntahan ang kasintahan ngayon ay hindi naman maaari dahil may trabahong naghihintay sa kanya.

Ilang araw pa ang lumipas at sinubukan niyang tawagan at padalhan ng mensahe ang nobya ngunit hindi ito sumasagot. Sa huling pagkakataon ay nagpadala siya ng mensahe sa cellphone.

“Pupunta ako diyan ngayon, magkita tayo at pag-uusapan natin ‘to,” saad ng lalaki sa mensaheng ipinadala.

Advertisement

“Katagpuin mo ako sa may parke ng alas kuwatro ng hapon, kung saan tayo palaging pumupunta upang mag-ubos ng oras, doon tayo mag-uusap,” tugon ng babae.

Bago mag-alas kuwatro ng hapon ay dumating na si Marco sa nasabing tagpuan, at ilang saglit pa ay natanaw naman na niya ang kasintahan na naglalakad patungo sa kanyang kinauupuan.

Tumayo ang lalaki at sinalubong ang dalaga. “Baby, anong nangyari? May problema ba?” nag-aalalang tanong ni Marco.

“Wala, gusto ko lang personal na sabihin sa’yo na ayoko na at tinatapos ko na ang relasyon na mayroon tayo,” malamig na wika ng dalaga.

“Totoo bang may iba ka nang minamahal? Totoo bang may iba ka nang nagugustuhan?”

“Oo, kaya tigilan mo na ako. Umalis ka na,” wika ni Shane.

“Sabihin mo muna sa harap ko na hindi mo na ako mahal at saka lamang ako titigil,” tugon naman ng lalaki.

Hindi ito ginawa ni Shane, bagkus at ipinagtulukan na lamang niya ang lalaki na umalis. Nagbabadya na ang madilim na kalangitan na malapit nang bumuhos ang ulan. Mayroong malakas na pagkulog na rin, nangangahulugang malapit nang bumagsak ang luha ng kalangitan.

Advertisement

Lumakad ang babae papunta sa sakayan ng taxi at doon ay muli siyang nagpaalam kay Marco.

“Sumakay ka na at baka abutan ka pa ng malakas na ulan,” wika ng dalaga.

“Ayoko. Ang hirap tanggapin Shane,” naluluhang tugon naman ng binata.

Maya-maya ay bumuhos na ang malakas na ulan. Binuksan na ni Shane ang kanyang payong ngunit nanatili lamang na nakatayo si Marco sa ulanan.

“Sumakay ka na, baka magkasakit ka pa sa ginagawa mo. Aalis na ako, pero wag na wag kang susunod, lalo akong magagalit sa’yo,” at saka siya tumalikod.

Narinig na lamang ng babae ang tunog ng pagsarado ng sasakyan, senyales na sumakay na ang lalaki upang umuwi. Nanginginig ngayon ang kanyang kamay dahil sa mga luhang kanina pa pinipiit.

Hindi niya alam kung paano sasabihin sa kasintahan ang katotohanang malapit na siyang mawala. Paano ba niya sasabihin sa nobyo na mayroon siyang malubang karamdaman, na unti-unting pinapatay nito ang kanyang katawan.

Upang maging madali na lamang ang lahat, ay minabuti niyang sabihin na lamang na mayroon na siyang iba. Mas magiging madali pa ang pagtanggap ng lalaki sa ganoong paraan pero ibang kirot naman ang nararamdaman niya sa kanyang puso.

Advertisement

Lumingon siya sa sinasakyang taxi ni Marco at kitang-kita niya ang mga namumugtong mata nito habang papalayong nakatingin sa kanya. Muli siyang tumalikod at nilakasan ang loob.

Pero tila ba kahit anong gawin niya ay hindi niya kayang magsinungaling sa tunay na nararamdaman. Ibinagsak niya ang payong at saka tumakbo upang habulin ang taxi.

“Marco, sandali!” sigaw niya.

Mas binilisan niya ang takbo ngunit malayo na ang sasakyan, at malayo na rin sa kanya ang lalaking minamahal ng lubos.

Naging saksi ang ulan sa simula ng kanilang pag-ibig ngunit magiging saksi din pala ito sa pagtatapos nito. Iyak siya ng iyak sa gitna ng ulan, ang mga luhang punong-puno ng pighati ay humalo na sa tubig.

Tanging ang dumadaloy na tubig sa kalsada lamang ang nakakaalam ng tunay niyang nararamdaman.

Lumipas pa ang mga araw ngunit hindi na niya sinubukan pang kausapin ang dating kasintahan, mas magiging mahirap lang siguro ito para sa kanya, sa isip-isip ng babae.

Ngunit nakarinig siya ng malakas na katok mula sa pintuan, nang kanya itong buksan ay tumambad sa kanya ang lumuluhang si Marco.

Advertisement

“Bakit hindi mo na lang sinabi ang totoo? Bakit kinailangan mo pa akong saktan?” umiiyak na tanong ng lalaki.

“Bakit ‘di mo na lang sinabi na may sakit ka pala?”

“P-paano mo nalaman?” biglang tumulo ang mga luha ng babae,

“P-patawarin mo ako Marco.”

Pumasok si Marco at niyakap niya ng mahigpit ang babae.

“Hindi na mahalaga kung paano ko nalaman pero hayaan mong ako ang mag-alaga sayo, hayaan mong iparamdam ko sa’yo na nandito lamang ako,” mahinang bulong niya.

Napaluha naman lalo si Shane sa mga naririnig.

“Ayokong makita kang nasasaktan. Ayokong makita mo akong nahihirapan,” pag-aalala niyang sagot.

Advertisement

“Wala akong pakialam kung mahirapan ako, hayaan mong pumarte ako sa hirap na nararamdaman mo, ang mahalaga ay kasama kita. Mahal na mahal kita, Shane,” at saka niya hinalikan ang babae sa noo.

Noong araw na iyon ay hiningi niya ang kamay ng babae sa magulang nito. Nakiusap siyang pagbigyan siya sa kahilingan at payagang alagaan niya si Shane hanggang sa huling sandali. Naluha naman ang magulang ng babae at pumayag sa kagustuhan ng lalaki.

Sa isang mapayapang araw ng Hunyo ay lumakad sa altar ang isang babae na bilang na lamang ang mga nalalabing araw sa mundo. Bumagsak na ang kanyang katawan at hirap na sa paghinga ngunit kailangan niyang ibigay lahat ng lakas niya para sa espesyal na araw na ito.

Walang tao sa simbahan na hindi umiiyak ng araw na iyon. Isang napakagandang tagpo na panghabang buhay nilang babalik-balikan. Sa ilalim ng himig ng malamig na hangin, at sa musika ng bawat patak ng ulan, muling nitong nasaksihan ang mga pusong pinag-isa ng pag-ibig.

Lumuluha si Marco habang nakikita ang kasintahan na lumalakad papalapit sa kanya. Nang araw na iyon ay sumumpa siya,

“Nangangako akong ibibigay ko sa’yo ang buong buhay ko. Sa bawat paghihirap na tatahakin mo ay makakaasa kang mayroon kang kasamang haharap sa mga ito. Maging sa sakit at kalusugan, maasahan mong lagi akong nandirito upang yakapin ka, at palakasin ka sa tuwing ikaw ay manghihina.

Hindi malubhang karamdaman at mas lalong hindi rin paglisan sa mundong ibabaw ang makapipigil sa puso ko upang mahalin ka. Sa hirap at ginhawa ay narito ako upang harapin itong lahat ng kasama ka.

Kung dumating man ang araw na ako ay bawian na ng hininga, hindi pa rin hihinto ang pagmamahal ko para sa’yo, dahil makakaasa kang sa susunod na buhay ay ikaw at ikaw pa rin ang hahanapin ko, ikaw pa rin ang hahanapin ng puso ko.

Advertisement

Tawanan man ako ng ibang tao at sabihing isa lamang itong malaking kabaliwan, wala na akong pakialam. Ang tanging nais ko lamang ay iparamdam sa’yo na tunay ang pagmamahal ko. Simula sa araw na ito, ang buhay kong ito ay hindi na sa akin, kundi sa iyo.

Kung dumating man ang araw na ako’y iyong lisanin, mananatili akong naghihintay sa araw na muli tayong pagtatagpuin. Dahil ang magpakailanman ay nagsimula na ngayon, dito sa harap mo, at sa harap ng maraming tao. Hinding-hindi na matatapos pa… Ang puso kong ito ay buong-buo kong inaalay upang panghawakan mo.”

Isang malaking piga sa puso ng lahat ang mga salitang binitiwan ni Marco. Hindi na alintana ang malapit na paglisan ni Shane sa mundo. Hangga’t kaya niyang iparamdam ang pag-ibig sa misis ay kanyang gagawin.

Lumaban si Shane sa sakit, ngunit hindi na kinaya ng kanyang katawan. Habang buhat siya ng asawa at isinasayaw sa malamig na himig ng ulan ay kanyang nilisan ang mundo. Sa bisig ng taong pinakamamahal niya’y ibinigay niya ang huling hininga.

Masakit man para kay Marco ngunit pinanghahawakan niya ang mga pangakong binitiwan sa asawa. Papatunayan niya na totoo ang sinumpaang magpakailanman.