Binalewala at Hinamak ng Mister ang Kaniyang Misis nang Magpahiwatig Ito ng Kalungkutan Matapos Manganak, Magsisi Man Siya Ay Huli na ang Lahat

Hindi na makatayo si Rose sa kaniyang kama sa bigat ng tiyan nito. Palibhasa’y dalawang linggo na lamang at nakatakda na siyang sumailalim sa “Caesarian Delivery Operation”. Dahil ang asawa ni Rose na si Francis ay abalang “businessman”, pinapunta nito ang kaniyang ina at lola sa kanilang bahay upang umalalay kay Rose. “Tignan mo naman itong si Rose, pirming nakahiga. Mahihirapan ka niyang manganak sa pagiging tamad mo. Kaya’t ang lapad lapad mo.” saad ng lola ni Francis na si Lola Merlie. 

“Hayaan ninyo siyang mahirapan, ‘nay. Huwag kayong makialam. Alam niyo naman ang ugali ni Rose. Ayaw napapakialaman. Masyadong nananalig sa lahat ng sinasabi ng doktor. Pineperahan lang naman ng doktor na iyon ang anak ko. Ayaw kasing umiri. Tamad talaga.” pataray na gatong ng ina ni Francis na si Aling Ruby. Hindi na lamang umimik si Rose at patuloy na nagbasa sa kaniyang sinalihang breastfeeding group sa internet. Nagngingitngit ang loob nito sapagkat ayon sa doktor ay nasa tamang numero rin lamang ang kaniyang timbang at bilin din nito na limitahan na lamang ang pagkilos.

Habang hawak ang kaniyang cellphone, naisip na ni Rose na tawagan at papuntahin ang kaniyang inang si Aling Letty para umagapay sa kaniya matapos niyang manganak. Sapagkat si Aling Letty ay abala naman sa pag-aalaga ng mga pamangkin ni Rose at pati na rin sa panganay nilang anak ni Francis na si Alvin, na nagpumilit magbakasyon sa kaniyang Lola Letty habang walang pasok ay biglang naawa sa ina si Rose at hindi na lamang muna ito kinontak.Hindi lingid sa kaalaman ni Aling Letty na hindi palagay ang loob ni Rose sa kaniyang mga biyenan ngunit patuloy itong nagpapayo sa anak na magpasensiya sa lola ni Francis na may pagka-ulyanin na at sa Ina nitong palabigay ng payo.

Sumapit ang araw na iniluwal ni Rose ang anak, pagkabalik sa kaniyang kuwarto sa ospital ay nandoon na ang mga kamag-anak ni Francis upang mag-abang sa bata. Tuwang-tuwa silang lahat sapagkat babae ang sumunod sa panganay na si Alvin at ito’y kamukhang-kamukha ni Francis. Inilipat sa kama ng mga nurse si Rose at pagkaalis naman ng mga ito ay dali dali namang tumabi ang biyenan nitong si Aling Ruby at naupo sa kamang hinihigaan ni Rose. Sa kagustuhan na huwag na lamang intindihin ang mga susunod na sasabihin ng kaniyang biyenan ay dinampot kaagad ni Rose ang kaniyang cellphone upang sagutin ang mga nangamusta sa kaniya.”Dapat nga wala iyang cellphone na ‘yan kasi nakakabinat iyan. Dapat nagpapahinga ka para makapag-alaga ka na kaagad ng anak mo.” pabulong na saad ni Aling Ruby kay Rose.

Dumating si Aling Letty na tuwang-tuwa din sa kaniyang apo. Bilang malusog naman itong ipinanganak ay inakyat na kaagad ito ng mga doktor sa kuwarto upang mapabreastfeed ni Rose. Hindi makatulog si Rose sa ingay ng mga bisita sa kuwarto kaya’t patuloy na lamang itong nag-cellphone. Ang kaniyang biyenan naman ay nakaupo pa rin sa kamang kaniyang hinihigaan at kilos ng kilos kaya’t naaasiwa si Rose. Napansin ito ni Aling Letty at sinabihan si Francis na palipatin sa upuan ang kaniyang ina sapagkat hindi na kumportable si Rose sa malikot na pagkakaupo nito sa kama. 

Nakasimangot na sinenyasan ni Francis ang kaniyang pamilya na umuwi na. Nang makauwi ang mga ito ay naiwan si Aling Letty na nagbabantay sa kaniyang anak at apo. Kinabukasan ay kinailangan nang umuwi nito upang mag-asikaso ng ibang mga apo kaya’t si Francis na lamang ang nagbantay kay Rose at sa sanggol.

Bilang kakapanganak lamang ay naghahangad ng lambing at pagkalinga mula sa asawa ang pobreng si Rose. Ngunit sa halip ay nakarinig ito ng masasakit na salita sa asawa.”Hindi mo man lamang binigyan ng pagkakataon ang Lola, mga Tiyahin at Nanay ko na ma-enjoy ang apo nila. Sumesenyas ka pa kanina sa nanay mo dahil umiral na naman ang kaartehan mo!””Hindi mo man lamang ba kakamustahin ang kalagayan ko? Kung may masakit ba sa akin? Kung ano ang gusto kong kainin paglabas ng ospital? Kung okay lang ba ako kahit kung ano-ano na ang mga sinasabi nila sa akin?” Tila nagpanting ang tainga ng kaniyang mister sa narinig. Inihagis nito ang hawak na bag at nagsisigaw. “Bakit ba napaka-arte mo? Oo, nabuntis ka’t kakapanganak mo pa lamang pero maging makatao ka naman! Ang tanda na ng lola ko. Sabik na sabik sa apong babae iyon. Yung nanay ko tandaan mo noong nakikitira pa tayo sa kanila, iyan ang nagpapalamon sa yo, sa atin! Yung nanay mo ba, may ipangpapalamon sa atin? Gutom ang aabutin mo don. Kaya huwag kang magmalaki, Rose!” Tila sinaksak sa dibdib si Rose sa narinig. Hindi na ito nakasagot at umiyak na lamang ng umiyak hanggang makatulog. 

Dumaan ang ilang buwan at ang Ina, Lola, at mga Tiyahin ni Francis ay doon pa rin namalagi sa bahay ng mag-asawa. Katwiran nila, walang aagapay sa mag-iina sapagkat wala nang oras si Francis at kailangang kumayod. Halos hindi na lumalabas ng kuwarto si Rose sapagkat umiiwas na itong makarinig ng mga kung anong mali sa lahat ng kaniyang ginagawa na tila hindi nito kayang kalingain ang bagong silang na anak. Sa kabila nito, hindi pa rin siya nakaligtas sa kaniyang biyenan.

Advertisement

“Mahina ang baga ng bata kaya inubo dahil minadali mo ang iskedyul ng pagoopera sa iyo. Dapat ay pinatagal mo pa iyan sa tiyan mo.”

“Anong klaseng bakuna ang ipinaturok ninyo sa bata? Huwag kayong magpabakuna sa pribadong ospital dahil masama iyan sa bata. May kakilala ako na nabaliw ang anak sapagkat nagpabakuna diyan! Sa center na lamang kayo. Ayos na iyon. Pineperahan lang kayo ng doktor!”

“Hindi ganiyan ang pagpapaligo sa bata. Unahin mo ang kamay, huwag ang paa!”

“Hindi ka dapat umiinom ng malamig dahil nagpapadede ka! Kaya inuubo ang bata e!” 

Sa mga oras na nagkakasakit si Rose ay siya pa rin ang nag-aalaga sa kanilang anak. Nang mag-anim na buwan na ang sanggol na si Nicole ay kinausap ng masinsinan ni Rose ang asawa. “Puwede ba akong makiusap na tuwing Sabado’t Linggo na lamang matulog dito sila Lola at Mommy Ruby? Pagod na pagod na ako, Francis.” Mahinahong pakiusap ni Rose. “Anong pag-iinarte na naman iyan, Rose? Saan nanggaling lahat ng pag-iinarte mo? Lumugar ka naman sa tama, hindi puro sarili mo lang! Anong gusto mo? Itapon ko ang pamilya ko sa basurahan dahil lang mga taklesa sila? Sagutin mo kasi! Kung galit ka, ipakita mo! Hindi yang ganyan na tatahi-tahimik ka pero kapag nakatalikod sila, kung ano-ano sinusumbong mo sa akin!” Galit na galit na wika ni Francis.

“Francis, sa tingin ko dumadaan ako sa “Post Partum Depression”. Pinag-aralan ko na ang lahat ng sintomas. Tignan mo, halos nakakalbo na ako. Lagi akong tuliro at hindi ko makayanan ang presensiya nila dahil palagi na lang mali ko ang nakikita nila.” Mahinahong pa ring pagsasaad ni Rose. Mababakas mo ang sinseridad sa boses nito. Sapagkat pagod sa negosyo ay talaga namang napakaikli ng pasensiya ni Francis. Ni hindi na rin nito magawang umalalay sa pag-aalaga sa bunsong anak. Pagkaraan ng ilang araw ay pinauwi na nito ang mga kamag-anak para na lamang hindi na sila mag-away ni Rose. Patuloy na nagtrabaho buong araw si Francis kaya naman kinaya ni Rose na gawin ang lahat mag-isa sa bahay kasabay ng pag-aalaga sa mga bata. Si Aling Letty naman ay dumadalaw paminsan-minsan upang tulungan ang anak.

Isang araw ay may nakapa na bukol si Rose sa kanyang dibdib kaya’t nagsabi ito ng nararamdaman kay Francis. Dahil sa kawalan ng gana ay inabutan na lamang ni Francis ang asawa ng pera upang magpatingin sa doktor. Dinaan na naman sa iyak ni Rose ang lahat ng bigat ng kaniyang nararamdaman. “May namuo lang pala na gatas sa dibdib ko kaya’t masakit at namaga.” Pagbabalita ni Rose sa asawa. “Oh, mabuti naman. Kasalanan mo yan dahil ayaw mong magpatulong sa nanay ko. Kung marunong ka lang magpakumbaba, sana hindi ka nagkakasakit.” Nangiinsultong pahayag ni Francis. Muli, hindi na naman kumibo si Rose ngunit alam niya sa kaniyang sarili na malapit na siyang sumabog…

Ilang gabi nang nananaginip at binabangungot si Rose kaya’t kaniyang tinawagan ang ina. Pinayuhan siya nitong magdasal at magbalita ng mga nangyayari. Naging sandalan naman ni Rose ang kaniyang ina sa pinagdadaanan. Habang kausap ang ina ay nakatulog si Rose at dinatnan siya ng asawang tulog habang hawak ang kaniyang cellphone. Kinuha ni Francis ang cellphone upang hindi ito malaglag kapag nabitawan ng asawa. Bigla nitong naisipan na magbasa ng mensahe. Nabasa nito ang lahat ng sumbong at hinaing ni Rose sa kanyang ina. Galit na galit ito’t pagkagising ni Rose ay pinagsalitaan ito ng masasakit na salita, hinamak at pinagmumura. 

Advertisement

Nag-alsa balutan si Rose kasama ng kaniyang dalawang anak at umuwi sa bahay ng kanyang ina. Ayon pa kay Francis, babalik din silang magiina sa kaniyang poder sapagkat makakaranas ang mga ito ng gutom at hinding-hindi siya magbibigay ng sustento kung sakaling magkahiwalay man sila.

Niyaya ni Rose na magbakasyon sa kanilang probinsya ang kaniyang mga kapatid, pamangkin at ina gamit ang natitira nitong ipon. Naging napakasaya ng araw na iyon para sa kanila. Lingid sa kaalaman ni Aling Letty, ito na pala ang huling pagkakataon na makakapiling ang anak. Nang makabalik sila sa Maynila ay nagpaalam si Rose na may babalikang gamit sa kanilang bahay. Umuwi ito sa mister ngunit wala ito sa kanilang bahay. Laking gulat ni Rose nang makita ang nagkalat na damit ng babae pagpasok ng kanilang kuwarto. Sumunod ay tinignan niya ang laptop ng asawa at nagbasa ng mga mensahe. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa natuklasan. Matagal na pala nitong karelasyon ang kanyang sekretarya. Napakaraming alaala ang pumasok sa kaniyang isip. Ang mga pagkakataon na hindi niya mabuksan ang laptop at cellphone ni Francis dahil hindi niya alam ang password nito. Ang mga panahong hindi na halos umuwi sa bahay ang mister sapagkat abala daw ito sa negosyo. Bumigay na ang loob at pag-iisip ni Rose. Di alintana ang kinabukasan, tuliro, gulong-gulo ang isip…

Kinuha ni Rose ang baril ng asawa na nakatago sa isang safety deposit box. Tumuloy ang misis sa banyo at nagbaril sa ulo..

Lasing na lasing namang umuwi si Francis kasama ang sekretarya nitong si Faith. Pagbukas nito ng pinto ng banyo ay para itong sinampal ng mapait na katotohanan.. Ang babaeng pinakasalan at pinangakuan niyang aalagaan at mamahalin habangbuhay sa mata ng Diyos – naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay…

Lugmok na lugmok at halos mawala sa katinuan, unti-unting natauhan si Francis… Ngunit huli na. Wala na ang kaniyang asawa.

Sinubukan pa ni Francis na isugod sa ospital ang asawa ngunit idineklara kaagad itong “dead on arrival”. Agad nitong ibinalita sa ina at biyenan ang pangyayari at sila’y nagtipon-tipon sa ospital. Nanginginig ang buong katawan ni Aling Letty habang yakap naman ito ni Francis at Aling Ruby. Walang ibang nasabi ang mister at biyenan ni Rose kung hindi ang katagang “sorry”. 

Hindi maalis sa isip ni Aling Letty ang lahat ng pinagdaanan ni Rose sa pamilya ng mister nito at pati na rin mismo sa kaniyang mister. Ngunit wala na siyang maramdamang galit sa mga ito. Ang tanging laman ng puso niya ay ang pagmamahal sa anak at ang pagtupad sa pangakong kung anuman ang mangyari kay Rose ay patuloy niyang gagabayan ang mga batang si Alvin at Nicole.

Napakaraming dumating sa lamay ni Rose. Doon bumuhos ang pagmamahal kung kailan huli na’t wala na siya. Pagkalipas ng limang taon, hindi pa rin naaalis sa puso ni Francis ang sakit, kirot, pangungulila sa isang butihing maybahay at ina ng kaniyang mga anak. Awang-awa siya sa mga anak tuwing tinatanong ng mga ito kung ano ang nangyari sa kanilang ina. 

Advertisement

Ang ina nitong si Aling Ruby ay napagalamang may malubhang karamdaman. Sa loob ng ilang buwan ay kumalat na ito sa buong dibdib at kinailangang tanggalin ito. Matapos maubos ang ipon ni Francis sa pagpapagamot ng ina ay hindi pa rin ito naisalba. Lumala ang karamdaman nito at binawian ng buhay. Dumanas naman ng depresyon ang lola ni Francis sa pagkamatay ng anak at kinailangang dalhin sa mental hospital.

Hindi kinaya ni Francis na buhayin ang mga anak sa ikli ng pasensiya nito. Dahil sa mga sunod-sunod na pagsubok ay hindi na rin nakayanan ni Francis ang lahat at kinitil ang sariling buhay.

Lumaki ang magkapatid sa piling ni Aling Letty. Hindi man nila naranasan ang magkaroon ng kumpletong pamilya ay hindi naman nagkulang ang kanilang Lola sa pagmamahal sa dalawang magkapatid. Sila ay nakapagtapos ng kolehiyo at nagkaroon ng magagandang trabaho kaya naman spoiled na spoiled ang kanilang Lola Letty.

Naabutan pa ni Aling Letty ang kanyang mga apo sa tuhod. Masaya itong sumakabilang buhay sapagkat tapos na ang kaniyang misyon para sa dalawang apo. Sa piling ng kanilang mga asawa’t anak ay naranasan ng magkapatid kung paano magkaroon ng kumpleto at masayang pamilya.

Naniniwala ba kayo na kapag may pagdurusa ay may kasunod na kasiyahan at kaginhawaan? Kung kayo si Rose, paano ninyo pakikitunguhan ang inyong mga in laws? Nakaranas na din ba kayo ng depresyon? Paano niyo ito hinaharap? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.