Bahaghari Pagkatapos ng Ulan

Noong bata pa si Jaira, napakahilig niyang maligo sa ulan. Ibang saya kasi ang naidudulot nito sa kanya. Minsan, hinihiling nga niya na sana huwag na itong tumila pa. Huwag na sanang maubos ang mga pagpatak ng kaligayahan.

Panglima siya sa anim na magkakapatid. Lahat sila ay lumaki sa bukid. Bagama’t isang babae, batak na batak ang katawan niya sa mabibigat na gawain gaya ng pagtatanim, paggapas ng palay at pag-iigib ng galon-galong tubig mula sa poso.

Mahirap ang buhay nila, pero kahit ganoon, masaya naman ito. Sa gabay ng kanilang magulang, tila walang pagsubok ang hindi nila makakayang lampasan.

Bigla nagbago ang lahat ng biglang bagyuhin ang payapa nilang buhay. Nagkaroon ng depresyon ang kanilang ama dahil sa isang malalang karamdaman. Lumala ng lumala ang karamdaman nito hanggang sa tuluyan nang mawala sa katinuan.

May gabing magdamag silang gising dahil sa ingay na idinidulot ng ama. Minsan ay nagkagulo pa sila dahil pinagtangkaan ng kanilang tatay na wakasan ang kanilang buhay.

Kumuha ito ng itak at saka nagsisigaw. Walang makalapit dito dahil umaamba ito ng taga tuwing lalapitan.

“Tay! Pamilya ninyo kami. Wag ninyo po kaming saktan, parang awa niyo na po,” umiiyak na sabi ni Jaira.

Pero walang makapiit sa lalaki. Mula sa mataas ng bintana, tumalon silang magkakapatid kasama ang ina upang makahingi ng tulong. Malakas ang ulan noon pero hindi na alintana sa kanila, ang mahalaga ay makaligtas sila. Sinalubong nila ang malakas at malamig na hangin pati na ang malalaking paltak ng ulan.

Advertisement

Binagtas nila ang maputik na daan para lamang makahingi ng tulong. At sa awa ng Diyos, rumesponde kaagad ang ilan nilang kapitbahay kaya agad na napiit ang kanilang amang nagwawala.

Dahil sa karamdaman ng ama, nagsimula silang mabaon sa utang. Ang palayan na ipinagkatiwala ng may-ari ay naisangla pa nila sa iba. Magkagayunpaman, pinilit ng kanyang ina na igapang ang pag-aaral niya.

“Anak, konting tiis na lamang. Pipilitin kong masuportahan ka para makatapos ka. Pangako ko iyan,” pahayag ng ina ni Jaira.

Hindi pa doon natapos ang pagpapahirap sa kanila ng buhay. Ang bunso nilang kapatid ay nagkaroon naman ng sakit na anemia. Dahil sa hirap ng buhay, natutunan ng panganay nilang kapatid ang magbisyo at magsugal. Ang iba pa niyang kapatid na babae ay nagsipag-asawa na para lamang makatakas sa miserable nilang kalagayan.

“Diyos ko, ano po ba ito? Bakit napakalaking pagsubok naman po ang ibinigay ninyo sa amin?” tanong ni Jaira habang nakatingin sa kanilang bahay-kubo sa hindi kalayuan.

Bigla na lamang siyang napaluha dahil ang dating tahanan na puno ng saya at pagmamahalan ay nagsisimula nang masira. Para bang nais na lamang din niyang takasan ang lahat. Tila ba wala na siyang lakas para ipagpatuloy pa ang laban.

Sa gitna ng bagyong humahagupit sa kanilang buhay, tanging panalangin at pananampataya na lamang ang kanyang naging sandalan at pinanghahawakan. Sumilong siya sa pangako ng Maykapal.

Araw-araw niyang ipinagdarasal ang pamilya. Araw-araw ay hinihiling niyang sana tumigil na ang pagbaha ng pagsubok na kanilang nararanasan. At higit sa lahat, dasal niyang sana ay manatili silang maging matatag bilang isang pamilya sa gitna ng pagsubok na ito.

Advertisement

Ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aaral. Sa tuwing walang pasok naman ay nagtratrabaho siya sa palengke upang magtinda ng gulay. Doon niya kinukuha ang mga panggastos na kailangan sa eskwela.

Sa tulong ng mga ibang kakilala at kaibigan, naipasok nila sa mental hospital ang kanilang ama upang matulungan ito sa problema sa kaisipan. Nakakaawa man, subalit kinailangan nila itong gawin upang makasiguro na magiging maayos ang kanilang ama.

Sa paglipas ng panahon, tila ba sumisilip na ang liwanag sa kanilang buhay. Ang kanyang kuya na sugarol noon ay nagkaroon ng pagkakataon na makaalis at makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa tulong ng kanyang ina at kuya, nakapagtapos si Jaira ng Information Technology. Agad din naman siyang nakapagtrabaho sa isang call center matapos noon. At sa awa ng Diyos, ang lupang naisangla noon ay tuluyang naibalik na rin sa tunay na may-ari.

Napatunayan ni Jaira na may hangganan din pala ang pagbuhos ng ulan. At sa kahuli-hulihang patak nito, naroroon at nag-iintay lamang pala ang bahaghari ng pag-asa. Unti-unting nanumbalik na rin ang sigla at saya sa kanilang pamilya.

Maaring sa ngayon, malakas pa rin ang buhos ng ulan sa iyong buhay. Nandiyan yung mababasa ka, pero pakatandaan na hindi dapat anurin ang iyong pag-asa. Sasalubungin ka ng rumaragasang baha, pero ipagpatuloy mo lang ang paglusong. Pasasaan pa’t makakaahon at patatatagin ka din ng panahon.