Pinagdudahan ng Lahat ang Pangarap ng Dalagita na Maging Sikat na Singer, Tulala Sila Nang Makita Siya sa TV

Isa lang ang pangarap ni Rowena, ang maging sikat na singer.

Sintunado, nakakabasag pinggan ang boses, masakit sa tenga, iyan ang tawag sa mga taong kumakanta ng wala sa tono. Nabibilang si Rowena sa kategoryang iyan. Ayon iyan sa mga kakilala, kaeskwela, kapitbahay, kaibigan. Pati ang mga kamag-anak niya ay kasama sa nagsasabing hindi nababagay sa kaniya ang pangarap niya. Ngunit ang kaniyang paniniwala ay may mala-anghel siyang tinig. Iyan ang laging sinasabi sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Walang dahilan ang mga ito para magsinungaling sa kaniya. Sino ba ang mas dapat niyang paniwalaan, ang ibang tao na malamang ay naiingit lang sa kaniya o ang mga magulang niya na nakakakilala sa kaniya mula sa pinakadulong hibla ng maikli niyang buhok hanggang sa paa niya na may mahaba at matulis na kuko? Maliwanag sa kaniyang isip kung sino ang dapat niyang paniwalaan.

Bitbit ang kaniyang lakas ng loob at tiwala sa sarili ay sumasali siya sa lahat ng singing contest na kaniyang mababalitaan mapaeskwelahan o barangay man iyan. Wala rin siyang pinapalampas na anumang lokal auditions. Hindi siya nawawala sa listahan basta kantahan ang pinag-uusapan. Sa kasawiang palad ay hindi siya binibigyan ng pagkakataong ipakita ang kaniyang talento sa pagkanta. Wala ang gustong makinig sa kaniyang anghel na boses. Tuwing lalabas na siya sa entablado sa mga singing contest para kantahin ang prinaktis niyang mabuti na awitin ay nag-sisipagalisan ang mga manonood at hurado. Tuwing tatawagin na ang kaniyang numero sa mga auditions ay pinapauwi na lang siya dahil may nakuha na raw silang singer. Tanging ang mga magulang lang niya ang walang sawang nakikinig sa kaniyang pag-awit.

Isang araw habang nageensayo siya sa rooftop ng kaniyang paaralan, isang malakas na palakpak ang bumasag sa kaniyang konsentrasiyon. Si Michael, ang pinakapopular na estudyante at tinitingala ng lahat ang nakarinig sa kaniyang pagkanta. Sa pagkakaalam niya ay magaling din itong umawit. Hindi siya makapaniwala na napahanga niya ito. Sa katunayan ay inenganyo pa siya nito na lumahok sa magaganap na nationwide audition. Binigyan din siya nito ng mga tips para mas mahasa niya ang kaniyang talento at kung anong style ng kanta ang nababagay sa kaniyang boses.

Sa unang pagkakataon ay tuluyan nang nakapagaudition si Rowena at ang mas di kapanipaniwala ay nakapasa siya. Masusing paghahanda ang ginawa niya lalo’t ipapalabas sa isang kilalang istasyon ang kaniyang pag-awit. Kalat na rin sa kanilang lugar ang napipintong paglabas niya sa telebisyon. Gamit ang mga bagong kaalamang ibinahagi sa kaniya ni Michael bilang kaniyang sandata ay buong giliw niyang kinanta ang awiting “I Will Always Love You” ni Whitney Houston na ayon kay Michael ay nababagay sa kaniya.

Sa kabila ng kaniyang makapagdamdaming pag-awit ay taliwas sa kaniyang inaasahan ang naganap sa programa. Palpak lahat ang tinuro ni Michael sa kaniya. Ibinibilang pa rin siya sa kategoryang sintunado. Sang-ayon din dito ang kaniyang iniidolong singer na si Alice Peters.

Taon ang lumipas matapos lumabas sa telebisyon si Rowena. Lumipat din ng tirahan ang kaniyang pamilya. At sa loob ng panahong iyon ay walang narinig na anumang balita tungkol sa dalaga o sa kaniyang pamilya.

Dumating ang araw ng pag-aaudition ni Michael sa The Voice of Tomorrow. At bilang pambato ng siyudad kung saan dating nakatira si Rowena ay todo suporta ang mga kababayan nito. Sa katunayan malaki ang paniniwala nila na ito ang magkakampeon para sa season na iyon. Naging magarbo ang kanilang paghahanda para sa araw na iyon. Nagkalat ang mga banners, tarpaulins, flyers at iba’t-ibang paraphernalia na may mukha ng binata. May mga nakahanda ring mga screens sa mga eskwelahan at iba pang pampublikong lugar para sa magaganap na free screenings. Daig pa ni Michael ang mga pulitikong kakandidatio sa eleksyon.

Advertisement

Ang resulta ng audition ni Michael, lagpak ng bonggang bongga. Sa sobrang kaba niya ay naging sintunado ang kaniyang pagkanta. Nasayang ang lahat ng preparasyong hinanda bilang suporta sa kaniya.

Ngunit hindi ito ang labis na ikinagulat ng lahat. Ang nagpalaglag sa kanilang mga panga ay noong lumabas sa stage si Rowena at kinanta muli ang awiting “I Will Always Love You.” Lahat ng mga hurado ay nagsitayuan. Sa madaling salita ay standing ovation si Rowena. Lahat ng mga nakakakilala sa kaniya ay hindi nakapagsalita sa kanilang nasaksihan.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nagsanay ng mabuti si Rowena. Hindi siya pinanghinaan ng loob matapos ang naging karanasan niya sa kaniyang television debut. Sa halip ay mas nagsikap pa siya para mahasa ang kaniyang talento. Kumuha siya ng voice lessons at nagresearch din siya ng iba’t-ibang techniques para mas mapaganda niya ang kaniyang boses.

Ang kinalabasan ng kaniyang audition ang naging patunay na nagbunga ang lahat ng kaniyang pagsisikap para maabot ang minimithing pangarap.

Kung ikaw si Rowena, panghihinaan ka na ba ng loob kung lahat ay hindi nagtitiwala na may kakayahan kang abutin ang iyong pangarap? Paano na siya pakikitungahan ng mga nakakakilala sa kaniya matapos ng pagtrato nila sa kaniya? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.