Hindi Maayos ang Pakikitungo ng Anak sa Kaniyang Matandang Ina; Ikinagulat ng Ina nang Malaman ang Dahilan ng Anak

“Mama, gising po! Mama!” ang sabi ni Leslie sa kaniyang ina habang tinatapik ito upang magising.

Bahagyang gumalaw ang kaniyang ina ngunit muli lamang itong bumalik sa pagkakatulog kaya naman muli siyang ginising ng kaniyang anak.

“Mama naman eh, nabasa niyo na naman po ‘yung kama. Bumangon na nga po kayo diyan para matulungan ko na kayo sa pag ligo at para makakain na rin po kayo,” nagrereklamong sinabi ni Leslie.

Hindi agad makabangon ang ina ni Leslie na si Leonora dahil hirap itong kumilos ngunit hindi ito pinansin ni Leslie bagkus ay agad pa niyang sinungitan ang ina at nagreklamong tatanghaliin na ito sa trabaho. Nang dahil dito ay napilitang magmadali si Leonora kahit na hirap pa ito sa pagkilos.

Matapos matulungan sa pagligo at pagbihis ang ina ay sinaluhan niya na ito at ang kaniyang asawa sa pagkain ng agahan. Nagmamadali ang mag-asawa sa pagkain upang hindi sila tanghaliin sa trabaho habang si Leonora naman ay mabagal ang pagkain at pakiwari pa ni Leslie ay nilalaro nito ang pagkain. Kaya naman muli na namang nagsungit si Leslie.

“Mama, ano po bang ginagawa niyo sa pagkain niyo? Bakit para kayong bata na naglalaro ng pagkain? Bakit nilalagyan niyo ng tubig?” iritableng pagkakasabi ni Leslie.

“Hindi ko naman nilalaro, anak. Natitigasan kasi ako kaya binabasa ko para hindi ako mahirapan sa pagnguya at lunok,” paliwanag ni Leonora.

Hindi na pinansin pa ni Leslie ang paliwanag ng ina bagkus ay kinausap na lamang niya ang kaniyang asawa.

Advertisement

“Honey, wala pa ba si Manang?” tanong ni Leslie.

“Wala pa nga Honey eh. We have to go pa naman na. Hindi ako puwedeng ma-late sa meeting ko ngayong umaga,” sagot ng asawa ni Leslie.

“Kaya nga eh. At saka para siya na lang ang bahala dito kay Mama. Nauubos na ‘yung pasensiya ko eh,” ang sabi ni Leslie.

“Hon, please don’t be like that. Mama pa rin natin siya. Mama mo na nagluwal sa’yo dito sa mundo. Okay?” paalala ng asawa ni Leslie.

“Sige na, I really have to go. Sorry, hindi na kita maihahatid sa work mo. Sunduin na lang kita later,” dagdag pa nito.

Pag bukas ng pinto ng asawa ni Leslie ay saktong dumating na si Manang kaya naman binilin na lamang ng mag-asawa si Leonora sa kaniya bago tuluyang umalis.

Kinagabihan, pag-uwi ng mag-asawa ay sinalubong sila ng isang magulong bahay. Agad nilang hinanap ang kanilang Mama at si Manang sa pag-aakalang mayroon nang masamang nangyari sa dalawa.

Sa kanilang paghahanap ay nakita ng asawa ni Leslie si Manang na naglilinis ng mga kalat sa kuwarto ng kanilang Mama. Habang si Leslie naman ang nakahanap sa kaniyang Mama sa kusina na puro rin kalat.

Advertisement

“Mama! Anong ginagawa mo dito sa kusina?! Bakit ikaw ang nagluluto? At bakit ang dami mong kalat? Ako na naman ang magliligpit ng mga ‘yan eh! Parati niyo na lang akong pinapahirapan! Wala na kayong ginawang tama!” galit na pagkakasabi ni Leslie sa kaniyang ina.

“Grabe ka naman magsalita, anak. Parang hindi mo ako Nanay,” depensa ni Leonora.

“Bakit? Hindi ba’t ganyan din kayo sa akin nung bata ako? Hindi ba’t parati niyo rin akong kinakagalitan sa tuwing magdudumi at magkakalat ako? Sa tuwing matagal akong kumain at nilalaro ko ang pagkain? At lalo na sa tuwing mababasa ko ang kama! Bakit?! Sinasadya ko ba ang lahat ng ‘yun? Eh bata lang ako nun eh. Kayo, matanda na kayo ngayon pero para bang lumalaki kayo nang paurong,” pagsiwalat ni Leslie sa kinikimkim niyang sama ng loob.

“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko sinasadya na ganun ang naging trato ko sa’yo noon. Hindi ko lang siguro kinayanan at nahihirapan din ako ng mga panahong ‘yun,” lumuluhang sinabi ni Leonora bago lumabas ng kusina.

Sa kaniyang paglabas ay nakasalubong niya ang kaniyang manugang at si Manang na dali-daling nagpaliwanag kay Leslie. Ipinaliwanag nito na nagpresintang magluto si Leonora ng gabihan upang makabawi sa mga pagkakamaling nagawa niya nung umaga na ikinagalit ni Leslie. Ipinaliwanag rin nito na kaya nagulo ang bahay ay dahil sa paghahanap ni Leonora sa itinabi nitong regalo para sa kaarawan ni Leslie kinabukasan. Ayon pa rito ay nahirapan sa paghahanap si Leonora dahil hindi niya maalala kung saan niya ito naitago.

Matapos marinig ang paliwanag ni Manang ay nagbago ang mukha ni Leslie. Maya-maya pa ay nagsalita na rin ang kaniyang asawa.

“Kita mo na Hon, maganda ang intensyon ni Mama. Gusto niya lang makabawi at pasayahin ka. Huwag ka na sanang magalit sa kaniya. Intindihin mo na lang din sana siya. Alam mo namang mahirap ang mga pinagdaanan niya bilang dalagang ina noon. Kung tutuusin ay masuwerte ka pa nga dahil naitaguyod ka niyang mag-isa. At saka mayroon kang karamay sa buhay at mga pagsubok ngayon. Hindi ka nag-iisa gaya niya noon. Nandito ako na asawa mo at tinutulungan pa tayo ni Manang sa kaniya,” pagpapaunawa ng kaniyang asawa.

Nang dahil dito ay natigilan si Leslie at napaisip. Pagtingin niya sa kaniyang ina na umiiyak sa sala ay tuluyang tumulo na rin ang kaniyang mga luha. Nilapitan niya ang kaniyang ina at niyakap. Humingi siya ng kapatawaran rito at sila’y nagkapatawaran.

Advertisement

Mula noon ay mas inuunawa na ni Leslie ang kaniyang ina. Mas hinabaan niya na ang pasensiya niya rito at mas pinamalas ang pagmamahal niya rito na nagbunga ng maayos at masayang pagsasama nilang mag-anak.