Resibo ng Katotohanan

Hapon na at malamig na rin ang simoy ng hangin ngunit napakainit ng pakiramdam ni Bea. Naninikip kasi ang kaniyang puso at gustong-gusto na niyang umiyak ngunit pinipigilan lamang niyang ipakita ito.

“Mag-iingat ka doon sa Kuwait. Alam kong mahirap ang buhay OFW pero uuwi ka sa amin, ha?” saad ni Bea.

“Alam kong hindi naging maganda ang pagsasama natin dahil sa mga kasalanan ko pero sana pagkatiwalaan mo pa akong muli. Trabaho lang ang pupuntahan ko doon. Limang taon lang para sa pag-aaral ng mga bata sa kolehiyo. Manalig ka lang. Kaya natin ito,” sagot sa kaniya ni Robert, ang mister ni Bea.

“Papa, hindi mo na lolokohin si mama? Dapat hindi na kami iiyak,” wika ni Janella ang panganay na anak ng dalawa.

“Papa, balik ka kaagad! Mamimiss po kita,” sabi naman ni Jamaica, ang bunsong anak nito.

“Oo, mga anak. Magpapakabait doon si papa. Kayo din. Huwag niyong pasakitin ang ulo ng nanay niyo. Mag-aral kayong mabuti para mabilis makauwi si papa!” sagot naman ni Robert sa dalawa tsaka niya niyakap ang mga anak at huli ang kanyang misis. Ito na ngayon ang pangalawang lipad ng lalaki patungo sa ibang bansa upang magtrabaho.

Naging masaklap ang unang dalawang taon nito dahil nagkaroon si Robert ng ibang babae at mas naging masakit nga ito nung nakarating ang kaniyang pagkakasala sa kanilang mga anak. Paano’y kumalat kasi ang picture ng dalawa na nakita ng mga bata sa FB. Ang mas masaklap pa nga ay kinausap pa ang mga bata ng mismong babae kaya naman halos gumuho ang pamilyang binuo nila sa loob ng sampung taon.

Umuwi naman kaagad si Robert upang ayusin ang kaniyang gulo at mas pinili niya ang kaniyang pamilya. Ngunit dahil sa tumataas na bilihin, hirap ng buhay at lumalaking gastos ay hindi talaga kaya ng pinansiyal na katuyaan nila kung dito lang siya magtatrabaho. Mas malaki pa rin ang sahod kapag sa ibang bansa siya magmamaneho. Company driver sa Kuwait ang lalaki.

Advertisement

“Mare, ano bang pabango ang dapat kong bilhin para hindi na mambabae ‘yung p*nyeta kong mister?” wika ni Madelline, ang kumareng kapitbahay ng babae.

“Naku naman, mare, sa tingin ko ay hindi pabango ang solusyon diyan. Buhusan mo ng asido ‘yung babae nang makaramdam ng totoong sakit,” natatawang sagot ni Bea sa kaniyang kaibigan.

“Naku, mabuti ka nga at may negosyo kang napagkakaabalahan kaya hindi mo masyadong naiisip ang mister mo kahit malayo kayo sa isa’t-isa. E, ako? Paghuhugas at pagluluto lang ang alam kong gawin sa buhay. Paano kapag iniwan ako ni Ramil? paano kami ng mga bata?” hagulgol ni Madelline.

“E, kaya nga pinilit kong magkaroon ng negosyo para kung ano’t ano man ang mangyari ay hindi kami kawawa ng mga anak ko. Pero huwag na natin pag-usapan iyan. Tuturuan na lang kitang gumawa ng pabango para naman hindi ka mukhang inapi diyan sa gilid,” sagot ni Bea sa babae tsaka niya niyaya ito sa pagawaan niya ng mga pabango.

Nagtayo si Bea ng maliit na negosyo, ekstrang kita niya para sa bahay at para na rin daw may maitabi siya kahit paunti-unti. Hindi man halatang nag-alala siya sa kaniyang asawa ngunit walang minuto yata ang lumipas na hindi siya nanalangin na wala sanang babae si Roberto. Kumbaga ay dasal na lang ang pinanghahawakan niya ngayon dahil aminado siyang hindi pa rin ganoon kabuo ang kaniyang tiwala simula noong masira ito.

Hanggang sa lumipas ang isang taon na naging maayos naman ang kanilang pagsasama. Wala siyang nakikitang senyales ng ibang babae at nararamdaman din talaga niya ang pagbabago ng kaniyang mister.

“Ma, may darating akong package sa susunod na linggo. Sana magustuhan niyo,” wika ni Robert sa telepono.

“Kahit naman hindi ka magpadala ng regalo. Alam mo naman na nag-iipon tayo para makapag-college ng maayos ang mga bata,” sagot naman ni Bea sa kaniyang asawa.

Advertisement

“Simple lang naman iyon tsaka kita ko naman iyan sa page-ekstra dito ng ibang trabaho. Mahal na mahal ko kayo,” pahayag muli ng lalaki.

“Mahal na mahal ka rin namin at salamat sa lahat ng paghihirap mo,” sabi ni Bea at nagpunas siya ng kaniyang luha. Kahit pa nga lagi silang nag-uusap ng kaniyang asawa ay hindi pa rin talaga niya maiwasan ang maluha. Wala na nga daw hihirap pa sa pagkakaroon ng asawa na hindi mo naman nakakasama sa araw-araw.

Dumating na nga ang padala ng kaniyang mister. Damit, bagong sapatos at ilang mga gamit sa banyo ang laman nito. Masayang-masaya ang kaniyang mga anak dahil may bago na naman silang mga gamit. Kaya lamang ay mabilis na napalitan ng galit at kaba ang kaniyang saya nung makita niya ang isang papel na nakalukot sa gilid ng kahon.

“Resibo ito, ah,” wika niya sa sarili.

Agad na binuksan ni Bea ang lukot-lukot na papel at nakita ang pangalan ni Robert sa baba ng resibo. Sigurado siyang credit card ng kaniyang asawa ang ginamit para bumili ng isang laruang sasakyan at damit ng batang panlalaki.

Sumandal saglit si Bea at doon na nagsimulang pumatak ang kaniyang mga luha. Tahimik siyang umiiyak habang nakadikit ang piraso ng resibo sa kaniyang dibdib. Inaalala niya ang lahat ng kaniyang paghihirap at masasayang sandali kapiling ang mister.

“Wala kaming anak na lalaki at malalaki na rin ang mga bata para bilhan niya ng ganito. Akala ko babae lang ang magiging karibal ko ‘yun pala’y may anak na siya doon,” isip-isip pang muli ng babae.

Doon na nagsimulang manlamig ang pakikitungo ni Bea sa lalaki. Hindi na nito sinasagot ang mga tawag at lagi na lang itong umiiyak.

Advertisement

“Ma, may problema ba tayo?” tanong ni Robert sa asawa.

“Aminin mo na sa akin habang maaga pa. Sino ang babae mo?” diretsong tanong nito.

“Babae? Wala akong babae. M*matay man ako ngayon din. Wala talaga, promise,” mabilis na sagot ng lalaki.

“May anak ka na diyan tapos ganyan ka pa rin kung makapagsinungaling. Hanggang kailan mo ililihim lahat ng ito? Nakita ko na ang resibo na naligaw. Napasama pa dito sa balikbayan package mo. Bumili ka ng isang laruang sasakyan at damit ng batang panlalaki. Diyos ko, Robert!” bulalas ni Bea at doon na siya tuluyang umiyak.

Saglit na hindi nagsalita si Robert at nakayuko lamang ito sa kaniya.

“Ma, patawarin mo ako kung hindi ko nasabi sa’yo. Pero, Bea, nag-ninong kasi ako nung nakaraang buwan at hindi ko nabanggit. Iyon ang binili kong regalo. Hindi ko anak iyon, inaanak ko lang,” sagot ni Robert.

“Mare, ako nga pala yung kumpare ni Robert dito, ahm, para sa anak ko iyong regalo,” singit ng isang lalaki sa kanilang tawag sa Skype.

Saglit na napatingin si Bea sa screen ng kaniyang telepono at pinunasan ang luha.

Advertisement

“Pasensya ka na kung sumabat ako. Narinig ko kasi. Ayaw ko naman na mapahamak si Robert ng dahil lang sa akin. Sana paniwalaan mo ‘yung asawa mo. Nagsisisi na siya sa ginawa niya dati at hindi ka niya niloloko ngayon, ” dagdag pa nito.

Doon na tinapos ni Bea ang kanilang tawag. Hindi niya alam kung maniniwala siya ngunit sunod-sunod ang naging mensahe sa kaniya ng lalaking katrabaho nga ni Robert at pinakita pa nga ang video sa kaniya kung saan nagpapasalamat ang batang lalaki sa kaniyang ninong, Ninong Robert.

Doon na nahimasmasan si Bea na siya ang may problema. Masyado siyang nagpadala sa galit at tamang hinala.

“Pa, sorry kung pinagbintangan kita,” mensahe niya sa asawa.

“Ayos lang, ma. Alam kong kailangan kong mabuo ulit ang tiwala mo. Patawarin mo ako at habang buhay kong pinagsisisihan na niloko kita noon. Pero sana paniwalaan mo na ako ngayon. Isa pang pagkakataon, ma, hindi kita niloloko at wala akong babae,” umiiyak na sagot ng kaniyang mister.

Doon na nagsimulang mag-iyakan ang dalawa. Muling pinagkatiwalaan ni Bea ang mister at mas nanalangin pa lalo na gabayan ng Maykapal ang kanilang pagsasama.

Ngayon ay malapit nang umuwi si Robert sa Pinas. Bitbit ang mga pasalubong ay iuuwi din niya ang kaniyang sarili ng buo at hindi niloko ang kaniyang pamilya.