Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Kapag Buhay ang Nawala, Buhay rin ang Kapalit - Inday Trending

Kapag Buhay ang Nawala, Buhay rin ang Kapalit

Mga bata pa lang sina Wency at Eula ay ang pagiging inhinyero na ang pangarap nila kaya sabay nilang inabot ang kanilang minimithi. Nakapagtapos sila sa kolehiyo at pareho rin nilang ipinasa ang board exam, sa ngayon ay pareho na silang mahusay at tinitingalang inhinyero sa buong bansa. Dahil kapwa nagmamahalan ay nagpakasal na rin ang dalawa.

Parehong matagumpay ang dalawa sa piniling larangan kaya kapwa umaapaw rin ang biyaya sa kanila. Sa laki ng kinikita nila ay nakapagpatayo na sila ng malaki at magandang bahay, nakabili ng lupain at nakapagpatayo ng kumpanya na pamamahalaan nilang mag-asawa.

Sa kabila ng magandang buhay na tinatamasa ay di naman maitatago ang kagaspangan ng pag-uugali ng mag-asawa. Kung anong bait ang ipinapakita nila sa mga kliyente nila ay siya namang kabaligtaran ang pinapakita nila sa mga maliliit na trabahador.

“Magandang umaga po, Engineer Wency at Engineer Eula! Bagay na bagay sa inyo ang suot niyo ngayon a!” bati ng mga obrero sa ginagawa nilang proyekto.

“Shh… anong maganda sa umaga kung mga katulad niyo ang nakikita ko? Mga feeling close!” inis na bulong ni Eula sa sarili.

Hindi naman kumibo si Wency at tuloy lang sa paglalakad. Wala silang balak na makipagbatian sa mga manggagawang naroon dahil para sa kanila ay hindi nila ito ka-lebel. Hindi rin nila gustong makipagkaibigan sa mga ito.

Istrikto ang mag-asawa pagdating sa trabaho ng kanilang mga trabahador, ang gusto nila ay pulido at perpekto ang bawat gawa kaya mahigpit sila sa pagmamando sa mga ito. Lalo na si Wency na ayaw na ayaw na may papalpak sa trabaho.

Isang araw ay naabutan niyang nakakalat ang mga kahoy at mga bakal sa ikatlong palapag sa ginagawa nilang gusali at hindi pa rin napapalitadahan ang mga pader doon. Tila hindi ginawa ng inutusan niyang obrero ang pinagagawa niya.

“Hoy, Anton nasaan ba si Lucio? ‘Di ba sa kanya ko iniutos ang mga gagawin dito?” paasik na tanong ni Wency sa isang obrero.

“Masama po ang pakiramdam niya, Engineer. May trangkaso po siya at nahihilo kanina kaya pinagpahinga ko po muna,” sabi ng obrero na kakamot-kamot pa sa ulo.

“Ano? Wala akong pakialam kung masama ang pakiramdam niya, ang mahalaga ay may hinahabol tayong deadline sa pagtapos sa proyektong ito. Nagkakanda-delay-delay na nga, e tapos ay daragdag pa siya? Sabihin mo sa kanya na gawin niya ang inuutos ko sa kanya kundi ay tatanggalin ko siya sa trabaho!” pasigaw na pagbabanta ng lalaki.

Walang nagawa ang obrero kundi sundin ang utos niya. Bumaba ito sa unang palapag ng gusali kung saan nagpapahinga ang kapwa obrero.

“Hon, bakit mainit na naman ang ulo mo?” tanong ni Eula sa mister.

“Nakakainis, e. Hindi ba naman sundin ang utos ko porket masama ang pakiramdam at may trangkaso ay hindi magtatrabaho?” aniya sa malakas pa ring tono.

“Hay naku, bakit naman kasi tinanggap mo pa iyan sa proyektong ito? Sana ay noon pa lang ay sinesante mo na siya kung magiging problema rin pala?” payo ng babae.

“Kapag hindi talaga siya nagtrabaho ay iyon nga ang gagawin ko sa kanya kesa naman sa lalo pa tayong maperhuwisyo!”

Maya-maya ay dumating na ang inutusan niyang obrero kasama ang obrerong may sakit.

“Pasensya na po, Engineer. Medyo sumakit lang ang ulo ko kanina pero ayos na po ako ngayon. Tatapusin ko na po ang pinagagawa ninyo,” wika ng lalaki na halatang namumutla at nanghihina ngunit balewala iyon sa kanilang mag-asawa.

“Mabuti naman at napag-isip-isip mong pumunta rito at gawin ang mga inuutos ko sa iyo. Aba, binabayaran kayo rito para magtrabaho at hindi para magpahinga kaya ano pang hinihintay mo Pasko? Kumilos ka na, bilisan mo!” utos niya sa obrero.

Dali-dali namang sumunod si Lucio sa utos ni Wency. Kahit masama pa rin ang pakiramdam ay itinuloy pa rin nito ang paggawa kasama ang iba pang obrero na naroon.

“Ayusin niyo ang trabaho niyo, tandaan niyo hindi kayo pinapasahod dito para maging tamad ha!” anas pa ni Eula.

“Wala na ngang pinag-aralan ay mga wala pang silbi, pwe!” sabad pa ni Wency.

Makalipas ang ilang minuto ay narinig nilang nagsigawan ang mga kasamang obrero ng lalaki.

“Si Lucio, si Lucio nahimatay si Lucio!” sigaw ng isa sa mga manggagawa.

Bigla na lamang natumba si Lucio habang nagpapalitada. Itinakbo nila ito sa ospital ngunit hindi na nailigtas pa. Lumalabas sa pagsusuri ng doktor na inatake sa puso si Lucio kasabay ng pagkakaroon nito ng trangkaso. Bumigay ang katawan ng lalaki sa sobrang pagod at sakit na nararamdaman kaya naging resulta iyon ng atake nito sa puso. Samantala tila hindi naman tinablan at kapwa manhid pa rin sina Wency at Eula sa nangyari.

“Hay naku, wala naman tayong kasalanan sa nangyari sa kanya, hon. Pinagawa mo lang naman sa kanya ang trabaho niya,” wika ni Eula sa mister.

“Aba, siyempre naman! At saka pera lang ang katapat niyan, babayaran ng kumpanya natin ang pamilya niya para wala silang masabi,” sabi ni Wency.

Pumunta rin ang mag-asawa kung saan nakaburol si Lucio. Nakita nila kung gaano kahirap ang lugar na iyon kung saan nakatira ang yumaong obrero. Naabutan nilang umiiyak ang naiwan nitong asawa at apat na mga anak na pawang maliit pa. Imbes na makunsensiya ay nagmataas pa ang mag-asawa at sinuhulan pa ng pera ang mag-iina.

“O, narito ang abuloy namin sa inyo. Pagpasensyahan niyo na ha? Paano at aalis na kami at marami pa kaming aasikasuhing mag-asawa,” maangas na sabi ni Wency.

Habang pababa ng makitid na hagdan si Eula ay ‘di sinasadyang napamali ang apak niya sa baitang at aksidenteng nahulog siya sa hagdan.

“W-Wency, aray! Tulungan mo ako hon!” sigaw ng babae habang nakasalampak sa lupa.

Nang biglang mapansin ng lalaki ang duguang hita ng asawa hanggang sa mapagtanto rin ni Eula ang nangyari sa kanya.

“Diyos ko, hon! Ang beybi natin, ang beybi natin!” hagulgol ng babae habang pinagmamasdan ang dugong umaagos mula sa kanyang kaselanan.

Itinakbo ni Wency ang asawa sa ospital at doon nila nalaman na nakunan ito dahil sa pagkakahulogsa hagdan. Nagdadalantao pala si Eula at iyon sana ang una nilang anak ni Wency.

Ang nangyari sa mag-asawa ay ang kanilang KARMA sa hindi pagpapahalaga sa buhay ng kanilang trabahador na nasawi dahil sa kanilang kagaspangan at pagiging mapagmataas. Kung buhay nga naman ang nawala ay buhay rin ang kabayaran.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.