Kapusukan Ko, Pananagutan Ko

“Paano mo nagawa sa amin ‘to ha? Saan kami nagkulang?!” galit na tanong ng mga magulang ni Eunice sa kanya.

Napapikit na lamang siya habang lumuluha. Hindi din naman niya inaasahan na mangyayari ito sa kanya.

Nagpadalos-dalos siya at nagpadala sa bugso ng damdamin. Ipinagtapat niya kasi sa mga mga ito ang kanyang kalagayan. Buntis siya! Sino ba naman ang hindi magagalit? Sa murang edad na 16 ay nabuntis siya!

Nasa unang taon pa lamang siya ng Kolehiyo ng siya ay madisgrasya, isang labis na kahihiyan para sa kanyang pamilya.

“Walang dapat makaalam sa kalagayan mo, isa iyong napakalaking kahihiyan sa pamilya natin. Ipapalaglag mo ang batang iyan!” Galit na asik ng kanyang ama na sobrang pula na sa galit.

“No Daddy, please! Gagawin ko ang lahat, wag mo lang ipalaglag ang anak ko! Parang awa niyo na po, maawa kayo sa bata. Wala po siyang kasalanan dito,” pagmamakaawa ng dalaga sa kanyang ama.

“Sana naisip mo iyan bago ka gumawa ng kahihiyan sa pamilyang ito!” galit na sigaw ng ama. Tumalikod ito at iniwan na magkausap ang mag-ina.

Naaawa man sa anak ay wala namang magawa ang kanyang ina dahil naiintindihan niya ang galit ng kanyang asawa. Hindi niya alam kung saan sila nagkulang ng pangaral sa bunsong anak.

Advertisement

Mabait naman na bata si Eunice, sa katunayan, ito pa nga ang paboritong anak kung ituring ng kanyang ama. Kaya ganun na lamang ang galit at paninibughong naramdaman nila nang ipinagtapat ng anak ang nagawang kasalanan.

Ilang araw na nakakulong lang si Eunice sa kanyang kwarto. Hindi siya pinapayagan ng kanyang mga magulang na lumabas. Pati nga pagkain niya ay inihahatid nalang sa kanya ng kanilang mga katulong.

Gabi bago ang araw na itinakda ng pagpapalaglag ng kanyang anak ay tumakas si Eunice. Wala siyang masyadong dala kundi ang kanyang bag na puno ng kanyang mga gadgets, alahas at kung ano-ano pang pwede niyang mabenta sa oras na kailanganin niya ng pera. Alam niya kasing paniguradong naka-frozen ang mga bank accounts niya.

Una niyang pinuntahan ang kanyang nobyong itinatago niya sa kanyang mga magulang. Si Roman, anak ng kanilang katiwalang si Aling Cora.

Sabay na silang lumaki at bata pa lamang ay nag-iibigan na. Lingid sa kaalaman ng mga magulang ni Eunice at ni Aling Cora ay may lihim na relasyon sila ni Roman.

Pinuntahan niya sa kanilang tagpuan ang binata at hinintay ng ilang oras ngunit sa di niya malamang dahilan, hindi ito dumating. Umalis si Eunice ng may bitbit na sama loob.

Pinabayaan sila ng ama ng kanyang anak! Kailanman ay hindi sumagi sa utak ni Eunice na magagawa silang talikuran ng binata.

Ilang taon na ang lumipas at lumaki na ang anak ni Eunice na si Alex.

Advertisement

“Mommy! Mommy! Tingnan mo, perfect ko na naman yung mga exams ko!” masaya at puno ng galak na pagyayabang ng munting bata sa kanyang ina. Kinuha ni Eunice ang hawak nitong mga papel at tiningnan.

“Aba, oo nga ano? Ang galing nga naman talaga ng baby ko!” saad ni Eunice at pinaghahalikan sa pisngi ang anak.

“Syempre po! Anak niyo po yata ako!” saad ng batang Alex at mahigpit na niyakap ang ina.

Marami mang pinagdaanang hirap ay hindi pinagsisisihan ni Eunice ang desisyong ginawa. Hinding-hindi niya pagsisisihan na binuhay niya ang kanyang anak.

Kahihiyan man kung ituring ng kanyang pamilya, para sa kanya, ito ang pinaka magandang nangyari sa buhay niya.

“Alex! Alex, nasaan ka anak?” tawag ni Eunice sa anak. Wala siyang sagot na natatanggap kaya naman pinuntahan niya ito sa kwarto ng anak.

Nagimbal ang kanyang mundo ng makitang nakahandusay sa sahig ang anak at may nagkalat na dugo sa may bandang ulunan nito. Kaya pala hindi ito sumasagot sa tawag niya. Nadulas ang kanyang anak at nauntog ang ulo nito sa sahig. Agad siyang tumakbo dito at humingi ng tulong.

“Tulong! Tulong! Yung anak ko po, tulong!” hindi malaman ni Eunice ang kanyang gagawin. Nanginginig ang kanyang mga kamay hawak ang anak.

Advertisement

Maya-maya nagsidatingan ang kanilang mga kapitbahay at tinulungan siyang dalhin ang anak sa pinakamalapit na ospital.

“Misis, kailangan po nating magsagawa ng blood transfusion sa lalong madaling panahon. Masyado pong maraming dugo ang nawala sa anak ninyo,” paliwanag ng doctor sa hindi mapakaling si Eunice.

“Sige po Dok, kuhaan niyo na po ako ng dugo sa lalong madaling panahon,” walang pag-aatubiling sagot niya sa doctor.

“Sige po Misis, Negative AB din po ba ang iyong blood type?” tanong sa kanyang dugo. Nabigla naman si Eunice sa kanyang narinig.

“Po? Positive A+ po ang blood type ko,” naguguluhang tanong niya sa doktor.

“How about yung ama po ng bata Misis? Nasaan po ang asawa niyo? Siguradong siya ang may kaparehong dugo ng inyong anak,” nanghina naman si Eunice sa kanyang narinig. Saan na lamang niya hahanapin si Roman ngayon?

“Nandito po ako Dok! Kuhaan niyo na po ako ng dugo sa lalong madaling panahon at iligtas niyo ang aming anak,” sagot ng isang tinig sa kanyang may likuran. Parang na estatwa naman sa gulat si Eunice ng marinig ang boses ng dating kasintahan, si Roman! Ano ang ginagawa nito dito? At paano sila nahanap nito?

Tinanguan lang siya ni Roman at sumunod na ito sa doktor para isagawa ang operasyon. Ilang oras ang lumipas at malugod na ibinalita sa kanya ng doktor na naging matagumpay ang operasyon at ligtas na ang kanilang anak. Agad naman itong pinuntahan ni Eunice.

Advertisement

“O Diyos ko, maraming salamat po at iniligtas niyo ang anak ko,” lumuluhang pasasalamat ni Eunice sa Poong Maykapal.

Nagpaliwanag si Roman kay Eunice kung bakit hindi siya nakarating ng gabing sila ay tatakas sana. Habang nakakulong pala ang dalaga ay ipinadakip si Roman ng ama nito at ipinakulong.

Matapos ang tatlong taon, nakalaya naman siya at agad niyang hinanap ang kanyang mag-ina. Natagalan man ay nahanap niya rin ang bahay na tinitirahan ng mga ito. Nagulat na lamang siya ng mabalitaan sa mga kapitbahay ang nangyari sa kanilang anak.

Agad-agad din naman siyang nagtungo sa ospital na tinuro ng mga ito at walang tigil na nanalangin na sana ay walang mangyaring masama sa kanilang anak. Wag naman sana itong kunin sa kanya ng hindi man lang sila nagkakakilala.

At yun nga ang nadatnan niya pagkarating niya sa ospital. Laking pasasalamat niya nalang din na magkapareho pala sila ng dugo ng kanyang anak. Nagising din naman agad si Alex makalipas lamang ang ilang oras at laking tuwa nito ng makilala ang amang kaytagal inaasam na makilala’t makasama.

Nagpakasal sila Eunice at Roman at namuhay ng masaya at payapa kasama ang kanilang munting anak na si Alex. At sa pagkakataong ito, wala nang makapaghihiwalay pa sa kanilang pamilya.