Labis ang Paghihirap ng Babae nang Iuwi ng Mister ang Kabit sa Kanilang Bahay, May Matindi Pala Itong Ganti sa Kanila

Katatapos lang magluto ni Roma nang pananghalian. Kahit pagod na sa maghapong paglilinis ng bahay at paglalaba ay nagawa niyang ipagluto ng paborito nitong ulam ang asawa dahil darating ito galing sa Kuwait.

Excited na ang babae na makita ang mister na sampung taon din niyang hindi nakapiling.

“Sa wakas ay darating na si Arwin!” masayang bulong sa sarili ni Roma.

Mayamaya ay may narinig siyang sasakyan na pumara sa labas ng bahay. Dumating na ang pinakahihintay niyang asawa.

Biglang may kumatok sa pinto at agad niya iyong binuksan. Laking gulat ni Roma nang bumungad sa kanya ang mister na si Arwin na may kasamang babae.

“O, natulala ka, hindi mo ba kami papapasukin?” inis na sabi ng lalaki.

Hindi na nakapagsalita ang babae at pinatuloy ang lalaki at ang kasama nitong babae. Hindi siya nakatiis at itinanong sa asawa kung sino ang kasama nito.

“S-sino siya, mahal?” tanong niya sa lalaki.

Advertisement

“Si Jossie, kaibigan ko. Simula ngayon dito na rin siya titira,” anito.

Halos lumubog si Roma sa kinatatayuan nang harapang sabihin ng asawa na gusto nitong patirahin sa kanilang bahay ang kasamang babae. Nang sabihin nito na kaibigan ang babae ay hindi na siya naniwala dahil alam na niya ang galawan ng mister. Alam na alam niya na ang iniuwing babae nito ay ang kabit nito sa Kuwait.

Matagal nang alam ni Roma na may kabit ang asawa niya ngunit nagbubulag-bulagan lang siya dahil mahal niya si Arwin. Pero iba na ang sitwasyon, dinala na ng lalaki ang kabit nito sa bahay nila at doon pa patitirahin.

“Ano, hindi mo ba kami papakainin? Nagutom kami sa biyahe!” bulyaw ng lalaki.

“Iinit ko lang ang ulam, lumamig na kasi, e,” aniya sabay punta sa kusina.

Sa pagdating ng dalawa ay nagsimula na ang kalbaryo ni Roma. Hindi niya kailanman naisip na mangyayari sa kanya ang gagawing pagpapahirap ng mga ito.

Nang minsang dumating siya galing sa palengke ay naabutan niya si Jossie na prenteng-prenteng nakaupo sa sofa at nanonood ng TV. Nang makita siya nito ay inutusan siyang magluto ng babae.

“Hoy, ngayon ka lang dumating? Magluto ka na at darating na si Arwin. Ayaw pa naman nun ng wala pang nakahandang pagkain!” pasigaw nitong sabi sa kanya.

Advertisement

Sa sobrang inis ay pinagdabugan niya ang babae at sinagot.

“E anong ginagawa mo, bakit hindi ikaw ang magluto kaysa nakaupo ka at nanonood lang ng TV!” aniya.

Nagpanting ang tainga ni Jossie at sinugod si Roma. Hinila nito ang buhok niya at inginudngod siya sa lababo.

“Le*se ka, huwag na huwag mo akong kakalabanin, hindi mo pa ako kilala, Roma kaya umayos ka ng pagsagot sa akin! Baka naman gusto mong malaman ito ni Arwin, hindi mo naman gustong mangyari iyon di ba?” banta nito sa kanya.

Walang nagawa si Roma kundi iiyak ang sama ng loob. Ayaw niyang mawala sa kanya si Arwin, mahal na mahal niya ang asawa at lahat ay kaya niyang tiisin para rito kahit pa makihati pa siya kay Jossie.

Sa takot na baka magsumbong ang babae sa mister ay nagpaalipin ito sa sarili niyang pamamahay. Si Roma na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Siya ang naglilinis, namamalengke, nagluluto, naghuhugas ng pinggan, namamalantsa at naglalaba. Naging instant katulong siya ng sariling asawa at ng kabit nito.

Isang araw ay nakatanggap siya ng text message galing sa kanyang tiyahin. Nabalitaan niya na malubha ang sakit ng kanyang ina at gusto siya nitong makita, kaya nagmamadali siyang nag-empake para puntahan ito sa probinsya at dalawin ngunit nalaman iyon ni Jossie at isinumbong sa kanyang asawa.

“Saan ka pupunta, Roma?” tanong ng lalaki.

Advertisement

“May sakit si inay at gusto raw niya akong makita. Pupuntahan ko siya sa probinsya.”

“Hindi ka aalis! Sino ang gagawa at tatao dito sa bahay? May pupuntahan kami ni Jossie at isang araw kaming mawawala kaya hindi ka maaaring umalis!” sabi ni Arwin.

“Please, kailangan ako ni inay sa tabi niya. Hayaan niyo na akong puntahan siya!” pakiusap niya.

“Hindi! Maiiwan ka dito at tapos ang usapan!” sabi ng lalaki at nagmamadaling lumabas ng bahay kasama si Jossie. Ikinandado nila ang pinto para hindi makalabas si Roma.

“Diyan ka lang sa loob! Makakaalis ka lang kapag dumating kami!” pahabol pa ng babae.

“Parang awa na ninyo, huwag niyo itong gawin sa akin, utang na loob palabasin niyo ako dito!” sigaw ni Roma ngunit napaos na siya kasisigaw at kakahingi ng tulong ay walang tumugon sa kanya.

Wala siyang ginawa kundi humagulgol sa loob ng bahay. Sa isip niya ay sobra na ang pagpapahirap sa kanya ng dalawa.

Makalipas ang ilang oras ay may natanggap ulit siyang text message at hindi na niya kinaya pa ang nilalaman ng mensahe. Nakasulat sa text message ng kanyang tiyahin na pumanaw na ang kanyang ina. Nalagutan raw ito ng hininga na tinatawag ang pangalan niya.

Advertisement

“Diyos ko! Inay, inay, patawarin niyo po ako dahil hindi ako nakauwi!” patuloy na hagulgol ng babae.

Halos ikabaliw ni Roma ang natanggap na balita. Hindi man lang niya nakita ang ina sa huling pagkakataon dahil ipinagkait iyon sa kanya ng magaling niyang asawa at ng kabit nito.

Kinaumagahan ay dumating na si Arwin at Jossie. Masayang-masaya ang dalawa sa kung saan man sila pumunta. Naabutan nila si Roma na nagluluto at kumakanta-kanta pa.

Lihim na natuwa ang dalawa sa inaasta ng babae kaya hinayaan nila ito sa ginagawa.

Mayamaya ay tinawag na sila nito para kumain.

“Handa na ang pagkain, PAKABUSOG kayo!” anito.

Hindi naman pinansin ng dalawa ang sinabi ni Roma at nilantakan ang pagkaing inihain nito.

Nang sumapit ang gabi at mahimbing na natutulog sina Arwin at Jossie na magkatabi sa kuwarto nila ni Roma, ang babae naman ay abala sa pagpapakulo ng tubig sa malaking kaserola habang naghahasa ng kutsilyo sa lababo.

Advertisement

Nang matapos ang ginagawa ay pumasok si Roma sa kuwarto nilang mag-asawa at nang makitang magkayakap pa at tulug-tulog ang mister kasama ang kabit nito, dala ang malaking kaserola ay ibunuhos niya ang kumukulong tubig sa dalawang taksil.

“Aahhh! Ang inittt!” sigaw ni Arwin.

“Eeehhh, ang hapdiii!” sigaw naman ni Jossie.

Namilipit sa sakit ang dalawa sa tindi ng pasong nalasap na lumapnos sa buo nilang katawan.

Hindi pa nakuntento si Roma at pinagsasaksak pa niya ang asawa at isinunod ang kabit na si Jossie gamit ang bagong hasang kutsilyo.

Humandusay ang lapnos at duguang mga katawan ng dalawa sa sahig na wala nang buhay.

Napaiyak si Roma na may kahalong tawa sa ginawa niyang pagpaslang sa mister at sa kabit nito.

“Iyan lang ang nababagay sa mga tulad niyo! Magsama kayo sa impyerno!” wika niya.

Advertisement

Isinuko niya ang sarili sa mga pulis at inamin ang pagkakasalang nagawa. Sinabi niya ang lahat ng dinanas na hirap sa asawa at sa babae nito. Handa niyang pagdusahan ang kasalanang nagawa dahil alam niyang sa mata ng tao at sa mata ng Diyos ay hindi pa rin tama na inilagay niya sa mga kamay ang batas. Nakulong si Roma sa pagpaslang kina Arwin at Jossie ngunit wala siyang pinagsisisihan sa ginawa dahil para sa kanya, kulang pa ang buhay ng mga ito na kabayaran sa lahat ng ginawang kataksilan ng mga ito sa kanya at sa pagkawala ng kanyang ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!