Huling Hiling Ko Kay Santa Claus

Marami ang tao sa mall, sale kasi dahil dalawang araw nalang ay Pasko na. Puno ng dekorasyon ang buong paligid, masaya ang lahat. Lalo na ang mga pamilyang namimili na ng regalo para sa isa’t isa.

Masdan palang ni Mary ang paligid ay nangingilid na ang kanyang luha. Buti nalang, napukaw na ng cashier ang kanyang atensyon.

“4,799.75 po,” magalang na wika nito. Iniabot niya ang pera.

“Ma’am, ibabalot po ba? Doon po ang gift wrapping section namin,” sabi ulit nito.

Sandaling nag-isip si Mary, “Sige ipapabalot ko na.”

“Naku ma’am, matutuwa po ang pagbibigyan ninyo niyan. Maraming bata na ang naglupasay para sa laruang iyan eh,” natatawang kwento nito.

Isang ngiti lang rin ang isinagot niya. Alam niya naman iyon, isa kasi ang anak niyang si Carlo- anim na taong gulang sa mga batang tinutukoy nito. Ang pinagkaiba lang, hindi naman naglulupasay ang bata. Palagi lang hinihiling sa kanya na bilhin sana nila ang kotse, kaya lang ay hindi niya naman napagbibigyan dahil nga kapos. Mag-isa lang siyang bumubuhay rito at katulong niya lang ang kanyang ina sa pag-aalaga.

Ang ama kasi ni Carlo ay pumanaw na sa isang aksidente tatlong taon na ang nakalipas.

Advertisement

Habang ibinabalot ang regalo ay mapait na napangiti si Mary, tiyak niyang matutuwa ang kanyang anak. Sinabihan niya kasi ito na sumulat kay Santa at humiling, at kahit na anong wish ay tutuparin. Kagabi nga ay nagsulat ang bata at iniwan sa ilalim ng unan nito, hindi niya man nabasa dahil ayaw niya itong istorbohin sa pagtulog, sigurado naman siya na ang laruang ito ang nais nitong makuha sa Pasko.

Nang makarating siya sa kanila ay bumuntong hininga muna ang babae, sinalubong siya ng kanyang ina na halatang puyat rin.

“Gising pa po ba siya?” tanong niya.

“Oo, kaiinom lang ng gamot. Hinihintay ka nga,” wika nito.

Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura. Parang piniga ang puso niya nang makita ang anak. Payat ito at maputla, nanghihina na rin at tinatalo na ng sakit ang katawan.

May leuk*mia si Carlo, ngayong taon lamang nila nalaman. Ang masakit pa, sabi ng doktor, baka nga raw hindi na ito umabot pa sa Pasko. Pinauwi na sa bahay nila para masulit ng pamilya ang mga huling sandali. Diyos ko, anong sakit naman para sa isang ina na bilhan ng regalo ang anak niya..at ang isiping huli na iyon.

Puno ng Christmas decoration ang kwarto ng bata, nais niyang pasayahin pa rin ito. May maliit na Christmas tree pa nga sa gilid ng mesa.

“Mama,” masayang wika nito, nagliwanag ang mukha nang makita siya.

Advertisement

Pilit pinasigla ni Mary ang kanyang boses, kahit nais nang sumabog ng kanyang puso dahil sa matinding kalungkutan. Kung pwedeng siya nalang, kung pwedeng akuin niya lang ang sakit.

“Hi, hulaan mo kung ano ang dala ni Mama! May nakasalubong ako kanina,” nakangiting wika niya.

“A-Ano po?” nagtatakang sabi nito, hanggang mapasulyap sa kanyang likuran. Kung saan naroon ang malaking kahon.

“Nakasalubong ko kanina si Santa, ipinabibigay ito sayo,” sabi niya at binuhat ang kahon sa gilid ng kama, “Help mo akong buksan dali!”

Pinagtulungan nilang buksan ang regalo, napasigaw sa saya ang bata nang makita ang kahon palang ng laruan. “Wow! Ito p-po yung gusto ko sa mall! Mahal po ito diba?”

Pinigil ni Mary ang kanyang luha, kung pwede nga lang ay bibilhin niya ang lahat ng laruan sa mundo mapasaya lang si Carlo. “Okay lang yan anak, mas mahal ka naman ni Mama,”

Kahit hirap ang bata ay kitang-kitang pinipilit nitong iangat ang ulo para makapaglaro. Hinihimas himas pa nito ang laruan na parang dyamante iyon, masaya si Mary na kahit paano ay nabigyan niya ng ngiti ang anak.

Nagkatotoo nga ang sinabi ng doktor. Dahil bisperas ng Pasko, kung kailan nagno-noche buena ang lahat ay siya namang pagbaha ng kanyang luha dahil iniwan na siya ng anak. Payapa itong natutulog habang katabi ang laruan, gigisingin niya sana upang magsalu-salo sila at sabay na salubungin ang Pasko pero hindi na ito humihinga.

Advertisement

Hanggang sa mailibing si Carlo ay lutang si Mary. Walang kasing sakit ang nararanasan niya ngayon, parang masamang panaginip lang ang lahat at nais niya nang gumising. Para makakalaro niya na muli si Carlo, maihahatid sa school. Bibili ng yakult, maglalaro, kahit kulitin siya nito maghapon.. hindi siya magagalit.

“Diyos ko po, bakit naman po ganitong kasakit?” lumuluhang wika niya habang nasa kwarto ng bata. Kasalukuyan siyang nagliligpit ng gamit nito. Ipamimigay nalang nila ang mga laruan. Sabi ng nanay niya ay ito na raw pero nais niyang siya ang gumawa. Nais niyang namnamin ang mga alaala ng anak bago man lang pakawalan iyon.

Kinuha niya ang unan ng bata at medyo natigilan pa nang mapansin ang sulat nito kay Santa. Isang mapait na ngiti ang rumehistro sa kanyang labi. Hinaplos niya iyon at binuklat.

Dear Santa,

Dati po ay marami siguro akong hihilingin. Umiilaw na sapatos, airplane na malaki (remote control) katulad kay Jefferson, tsaka maraming-maraming chocolate na hindi nakakasira ng ngipin- binabawalan po kasi ako ni mama kumain noon eh.

Natawa nang kaunti si Mary bago pinahid ang mga luha, itinuloy niya ang pagbabasa.

O kaya naman, iyong mamahaling laruan po sa mall. Grabe! Gusto kong iyakan si mama noon kaya lang po baka mapalo ako pag uwi. Pero ngayon po, isa nalang po ang hiling ko..

Nagtaka ang babae, kumunot ang noo. Ibig sabihin, hindi pala ang laruang binili niya ang hiling ng anak?

Advertisement

Ang huling hiling ko sa’yo Santa, ay ang pa-ngitiin mo po ang mama at lola ko, kahit wala na ako kasi love na love ko silang dalawa. Wag mo po silang pababayaan..kayo ni Papa Jesus. Tuwing Pasko, gusto ko masaya pa rin po sila, kasi hindi naman ako aalis sa tabi nila diba? Magiging angel raw po ako sabi ni mama.

Love, Carlo

Nailagay ni Mary ang sulat sa kanyang dibdib. Tuloy-tuloy ang daloy ng kanyang luha, hindi mapatid. Buong akala niya ay materyal na bagay ang hiniling ni Carlo, pero siya pa rin pala ang iniisip nito.

Kaya kahit mahirap, kahit sobrang sakit, bumangon si Mary. Hindi pa rin siya tumitigil sa pag iyak at marahil ay habangbuhay nang naroon ang lungkot, pero tuwing mararamdaman niya iyon ay binabasa niya lang muli ang sulat at lumalakas ang kanyang loob.

Iniisip niyang bawat ngiti niya, ay ang pagtupad niya sa huling hiling ni Carlo kay Santa.

Images courtesy of www.google.com

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!