Mabait ang Tingin ng mga Kapitbahay sa Lalaking Matulungin, Napakabaho Pala ng Sikretong Itinatago Nito

“Maraming salamat po, Mr. Cruz, sa mga grocery bags na ipinamahagi niyo para sa mga mahihirap na pamilya ng ating barangay. Malaking tulong po ito sa kanila,” buong pusong pasasalamat ng kapitan ng barangay.

Ngumit lang si Mr.Cruz kaya nagtuloy sa pagsasalita ang kapitan,“Wala po ba kayong balak na sumabak sa pulitika? Ang mga tulad niyo na may magandang kalooban ang dapat na nakaupo sa gobyerno. Sa dami na ng inyong mga natulungan ay siguradong mananalo kayo sa eleksyon ng walang kahirap-hirap.”

“Alam niyo naman pong wala akong interes sa pulitika eh,” sagot ng lalaki.

Siya si Nathaniel Cruz, isang negosyante na mahilig sa kawang gawa. Kilala siya sa buong barangay dahil busilak ang kaniyang puso. Takbuhan ng mga nangangailangan. Hinahangaan at tinitingala ng lahat maliban kay Penelope.

Para kay Penelope, si Nathaniel ay isang demonyo na nagbabalatkayo.

“Saan ka galing? Bakit hindi ka umuwi kagabi? Ano bang nangyayari sa iyo, Penelope? Hindi ka naman ganyan dati ah,” bati ni Aling Pilar sa kaniyang anak.

Hindi mawari ni Aling Pilar kung ano ang dapat niyang gawin. Ang anak niya na dating masayahin, masunurin, mabait at palaaral ay isa na ngayong bugnutin, lasinggera, pasaway at walang direksyon ang buhay.

“Tigilan niyo na nga ang kaartehan niyo! Huwag kayong plastik! Wala naman talaga kayong pakialam sa akin eh! Tinulungan niyo ba ko nung humingi ako sa inyo ng tulong? Naniwala ba kayo sa akin nung sinabi ko na demonyo iyang sinasamba niyong Nathaniel Cruz na iyan?

Advertisement

May ginawa ba kayo nung kailangan ko kayo? Wala! Kung ako sa inyo ay sarili niyo na lang ang intindihin niyo! Hayaan niyo ko sa buhay na gusto ko!” Pabalang na sagot ni Penelope sa kaniyang ina.

Labag sa kalooban ni Penelope ang ginawang niyang pagsagot sa kaniyang nanay. Batid niya na nag-aalala lang ito para sa kaniya pero matindi pa rin ang sama ng loob niya rito.

Hindi ito ang gusto niya. Mataas ang kaniyang pangarap. Pero dahil sa isang malagim na pangyayari ay nagbago ang lahat. Nasira ang kaniyang buhay.

Sinubukan niyang humingi ng tulong pero walang naniniwala sa kaniyang mga paratang. Ultimo sarili niyang mga magulang ay hindi naniniwala sa kaniya.

Gabi-gabi siyang binabangungot. Kahit dilat ang kaniyang mga mata ay puro kadiliman lang ang kaniyang nakikita. Kahit anong sigaw niya ng paghingi ng tulong ay walang nakakarinig sa kaniya. Walang kamay ang nais sumalba sa kaniya habang unti-unting lumulubog ang kaniyang katawan sa kumunoy na kaniyang kinatatayuan.

Ilang araw nang namamalagi si Penelope sa bahay ng kaniyang kaibigan para magpalipas ng sama ng loob. Wala silang ibang ginawa kung hindi tumungga ng alak at humithit ng puting pulbos. Ito ang palagi niyang ginagawa pag nais niyang pansamantalang makalimot.

Nagkaroon na naman kasi sila ng matinding pagtatalo ng kaniyang ina. May nagsumbong dito na may nakakita raw sa kaniya na pumasok sa isang motel kasama ang isang matandang lalaki. At tulad ng dati ay hindi na naman siya pinaniwalaan ng ginang nang sabihin niyang di iyon totoo.

“Penelope, nakasalubong ko yung kapitbahay ninyo. Ilang araw ka na raw hinahanap ng tatay mo. Ilang beses ka na ring tinatawagan sa cellphone mo pero hindi mo naman daw sinasagot. Inatake sa puso ang nanay mo. Masama daw ang lagay niya,” wika ng kaibigan ni Penelope.

Advertisement

Agad na sumugod si Penelope sa ospital. Pagdating niya sa kwarto ng kaniyang ina ay nagsitayuan ang kaniyang mga balahibo nang makita niya ang lalaking magiliw na kinakausap ng kaniyang tatay. Nanginginig ang buong niyang katawan habang papalapit siya sa kinaroroonan nila.

“Maraming salamat po sa tulong niyo, Mr. Cruz. Huwag po kayong mag-alala. Unti-unti po naming babayaran ang utang namin sa inyo,” pahayag ni Mang Agustin, tatay ni Penelope.

“Hindi niyo po ako kailangang bayaran. Pamilya na po ang turing ko sa inyo,” sagot naman ni Nathaniel.

Nang mapansin ni Mang Agustin ang kaniyang anak ay isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan. “Sir, balita ko po eh ilang araw nang wala ang asawa niyo at umuwi sa probinsya ang katulong niyo. Kung inyo pong mamarapatin, pwedeng pansamantalang mamasukan ang anak kong si Penelope sa inyo habang hindi pa bumabalik ang katulong niyo.

Kahit hindi niyo na siya bayaran. Pagtanaw na lamang po ng utang na loob sa pagtulong niyo sa amin,”

Ilang beses nang nagmakaawa si Penelope sa kaniyang ama na ayaw niyang mamasukan kina Nathaniel pero hindi siya nito pinakinggan. Labag man sa kaniyang kalooban ay walang siyang nagawa kung hindi sumama sa pag-uwi ng lalaki.

Puno ng takot ang kaniyang katawan dahil batid niyang ilang araw siyang mamamalagi sa impiyerno na pinaghaharian ng isang demonyo.

“Akala ko ay hindi na ko mabibigyan ng pangalawang pagkakataon na matikman ka. Hindi na ko makapaghintay na muling mahaplos ang katawan mo. Sa pagkakataong ito ay hindi nako mabibitin dahil matagal tayong magkakasama.” Nangilabot si Penelope sa sinabi ni Nathaniel.

Advertisement

Dalawang Linggo nang nakakulong si Penelope sa isang kwarto na walang bintana. Dalawang Linggo na siyang pinaparausan ni Nathaniel. Habang tumatagal ay unti-unting nababawasan ang kagustuhan niyang mabuhay. Tila isang siyang natutunaw na kandila na naghihintay ng kaniyang katapusan.

Walang buhay na binaling ni Penelope ang kaniyang ulo sa pintuan nang marinig niya ang tunog ng pagbubukas ng kandado. Muli na naman siyang binibisita ng demonyo. Pero hindi si Nathaniel ang pumasok sa kwarto. Ibang lalaki ang pumasok sa silid. “Huwag kang matakot. Hindi kita sasaktan. Wala akong balak sa’yo na masama. Gusto kitang tulungan.”

Dahan-dahan siyang binuhat ng lalaki palabas ng kwarto, palabas ng impyerno kung saan ilang araw siyang nakakulong.

Halos mag-iisang taon ng hindi nagpapakita si Penelope. Lubhang nag-aalala na ang kaniyang mga magulang dahil wala silang nababalitaan tungkol sa kaniya. Ang sabi sa kanila ni Nathaniel ay umalis daw ito ng kaniyang bahay matapos manilbihan ng dalawang Linggo.

Nagkagulo ang buong barangay ng arestuhin ng mga pulis si Nathaniel sa salang panggagahasa. Hindi sila naniniwala na magagawa nito ang ganoong kabigat na krimen. At para ipakita ang kanilang suporta sa lalaki ay dumalo sila sa araw ng paglilitis nito.

Kabilang sa mga dumadalo para suportahan si Nathaniel sina Mang Agustin at Aling Pilar. Laking gulat ng lahat nang malaman nilang si Penelope ang nagsampa ng kaso laban kay Nathaniel.

“Kahit kailan talaga walang magawa sa buhay ‘yang si Penelope. Malamang gusto niya lang huthutan si Mr. Cruz kaya sinisira niya ang pangalan nito,” galit na pahayag ng isa sa mga tagasuporta ni Nathaniel. Habang ang mga magulang ni Penelope ay hiyang-hiya sa ginawa ng kanilang anak.

Nasira ang imahe ni Nathaniel sa kaniyang mga tagasuporta nang lumabas ang pangunahing testigo ni Penelope para maglahad ng kaniyang salaysay na magpapatunay na totoo ang lahat ng binibintang niya laban kay Nathaniel.

Advertisement

Ang pangunahing testigo ni Penelope ay ang lalaking sumagip sa kaniya mula sa bahay ni Nathaniel. Ito ay wala iba kung hindi si Mikael Cruz, ang panganay na anak ni Nathaniel.

Si Mikael ang tumulong kay Penelope para makabangon muli. Nang matuklasan niya ang kahalayang ginagawa ng kaniyang ama ay hindi siya nagdalawang isip na tulungan ang babaeng ikinulong nito. Siya ang nag-iisang taong dumamay sa dalaga nung tinalikuran ito ng lahat.

Pinagamot niya si Penelope at kinumbinsi niya itong magsampa ng demanda. Para makamit ni Penelope ang hustiya ay kinalaban ni Mikael ang sarili niyang ama. Kung hindi dahil sa binata malamang ay tuluyan nang napariwara si Penelope.

Nakulong si Nathaniel at nasira hindi lang ang kaniyang reputasyon kung hindi pati ang kaniyang pamilya. Nakipaghiwalay ang kaniyang asawa. Itinakwil siya ng kaniyang mga anak.

Nilisan ni Penelope ang kanilang barangay para iwan ang lahat ng mga mapapait na alaala. Habang umuusbong ang pagkakaibigan nila ni Mikael ay hindi na naayos ang relasyon niya sa kaniyang mga magulang.

Masyadong malalim ang mga sugat na natamo niya sa kamay ng demonyo, sa kamay na mga tao na dapat sana ay kaniyang naging sandigan. Ngayong nakalaya na siya sa impyerno, bagama’t matatagalan bago tuluyang gumaling ang kaniyang mga sugat, ay pwede na niyang simulan ang proseso ng paghilom.