Minaltrato ng Babae ang Anak sa Labas ng Kanyang Mister, Di Niya Akalaing Ito Pa ang Sasagip sa Kanya

Umuwi si Arman kasama ang isang dalagita sa kanilang bahay.

“Sino ‘yang kasama mo?” Tanong ni Susan na asawa ni Arman.

“Susan, siya nga pala si Joy. Simula ngayon ay dito na siya titira. Anak ko siya,” sagot ni Arman.

“Ang kapal ng mukha mo para iuwi yan dito! Hindi ko ‘yan matatanggap dito! Paalisin mo ‘yan!” Nagsisigaw na sinabi ni Susan.

Pinigilan ito ni Arman at pinaliwanagan na wala ng ibang mapupuntahan pa si Joy sapagkat namatay na ang ina nito at wala na rin itong kilalang kamag-anakan. Ayaw pa rin pumayag ni Susan ngunit wala na itong nagawa matapos ipamukha ni Arman na siya naman ang bumubuhay sa kanilang lahat kaya siya dapat ang masunod.

Wala mang nagawa si Susan na paalisin si Joy sa bahay ay binawian niya na lamang ito. Pinagmamalupitan niya ito sa tuwing wala sa bahay si Arman. Si Joy ang parati niyang pinapakilos sa kanilang bahay. Inalila niya ito habang ang dalawang anak niyang babae ay pinagbuhay prinsesa niya at walang ibang ginagawa sa kanilang bahay.

Hindi na lamang nagsasabi si Joy sa kaniyang ama sa kung paano siya tratuhin ng asawa at mga anak nito para wala ng gulo hanggang sa araw ng pagtatapos ni Joy bilang isang senior high school.

Maagang umuwi si Arman upang ipagdiwang ang pagtatapos ni Joy at doon niya mismo nakita ang pagmamalupit ni Susan rito.

Advertisement

“Ganito mo ba laging tratuhin ang anak ko habang wala ako sa bahay?!” Pag-uusisa ni Arman kay Susan.

Nag-away ang mag-asawa ng dahil dito. Sa labis ng kanilang pag-aaway ay inatake sa puso si Arman na siyang naging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sinisi ni Susan si Joy sa pagkamatay ng asawa. Kaagad niya itong pinalayas at pinagbawalang dumalo sa libing ng ama.

Ilang araw nang nakitira si Joy sa kaniyang kaklase hanggang sa makahanap ito ng trabaho. Isang taon siyang nagtrabaho bilang kasambahay at nag-ipon ng pera upang makapag-aral sa kolehiyo. Labis niyang ikinatuwa noong makakuha siya ng iskolarsip at naghanap siya ng panibagong trabaho na aakma habang siya ay nag-aaral. Noong matanggap siya bilang research assistant ng kaniyang babaeng propesor ay umalis na siya sa pagiging kasambahay.

Dahil madalas silang magkasama ay napansin ng propesor ang sipag at katalinuhan ni Joy. Nakitaan niya ito ng potensyal kaya napag-isipan niyang tulungan itong makapagtapos ng pagmemedisina at tuluyang maging doktor. Naging mas malapit ang dalawa sa isa’t-isa kaya tuluyan niyang kinupkop si Joy. Gawa na wala naman siyang asawa at mga anak ay inampon niya na si Joy at tinuring tunay na anak.

Makalipas ang ilang taon ay nakapagtapos na ng pag-aaral si Joy at naging ganap na doktor na siya. Hindi pa rin siya huminto na hasaiin ang kaniyang kaalaman. Patuloy pa rin siyang nag-aral upang mas umunlad ang kaniyang kaalaman at maging dalubhasang surgeon.

Isang araw ay may sinugod na matandang babae sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Joy. Ito ay kailangang mabigyan ng mabilis ng aksyong medikal at agarang maoperahan. Kasalukuyang si Joy ang naka-duty sa mga panahong iyon kaya siya ang tumingin dito. Nagulat siya ng makitang si Susan pala ang pasyenteng ito ngunit dahil siya ay isang propesyonal na doktor ay isinantabi niya ang kanilang nakaraan at patuloy na sinuri si Susan.

Noong makilala siya ni Susan at ng mga anak nito ay tinanggihan nila ang serbisyo ni Joy at nagpapalit ng doktor sa takot na baka gantihan lamang sila nito.

“Gusto namin ng ibang doktor. Baka lalo mo lang ipahamak si Mama,” pahayag ng panganay na anak ni Susan.

Advertisement

Ngunit nung masuri ng bagong doktor ang kalagayan ni Susan ay pinaliwanag niyang hindi niya ito kayang operahan.

“Misis, masyado pong maselan ang kalagayan niyo at kailangan ng ekspertong doktor na may malawak na karanasan ang mag-opera sa inyo. Sa buong bansa po si Doktora Joy ang pinakakilalang doktor na eksperto dito. Siya po ang may pinakamataas na ranggo na napagtagumpayan ang ganitong klaseng operasyon,” paliwanag ng doktor.

“Ibig mo bang sabihin na maliit ang pagkakataon kong mabuhay kapag hindi siya ang doktor na mag-oopera sa akin?” tanong ni Susan. “Ganoon na nga po,” sagot ng doktor.

At dahil doon ay pinakiusapan ng panganay na anak ni Susan si Joy upang maging doktor na mag-oopera sa kaniyang ina. Pinakiusapan niya ito na isantabi ang kanilang nakaraan at tulungan ang kanilang ina.

“Huwag kang mag-alala, isa akong doktor at paghuhusayan ko gaya ng ginagawa ko sa iba ko pang mga pasyente,” sambit ni Joy sa kapatid niya sa ama.

Inoperahan ni Joy si Susan. Hindi naging madali ang operasyon ngunit ito ay naging matagumpay. Labis ang pasasalamat ni Susan at mga anak nito kay Joy.

“Maraming salamat at hindi mo ako pinabayaan kahit na naging malupit at masama ako sa’yo noon. Utang ko sayo ang buhay ko. Sana mapatawad mo ako,” pahayag ni Susan.

“Ginawa ko lang po ang trabaho ko. Sana rin po mapatawad niyo kami ng nanay ko. Hindi po namin ginustong makagulo sa pamilya niyo,” sagot ni Joy.

Advertisement

Nagkapatawaran sina Susan, Joy at ang mga kapatid niya sa ama. Dahil sa matagumpay na operasyon ay nadugtungan pa ang buhay ni Susan at mas lalong kinilala bilang isang ekspertong doktor sa kaniyang larangan si Joy.